Part 15 . . . Itim na Maligno

216 11 1
                                    


"Itim na Maligno"

---------

Lumapag ang helicopter sa isang malapad na bukirin na naani na ang mga tanim na palay sa barangay Sta Rosa. Bumaba sina Inspector Villa at Estong. Maraming tao ang nasa tabi ng daan ang nag-uusyoso kung sino ang sakay ng helicopter. Dahil hindi naman sila kilala ay nag-alisan din ang mga tao. Lumipad na rin ang helicopter.

"Mang Estong saan ba ang bahay ninyo?"

"Medyo malayo pa ho sir. Pwede tayong sumakay ng  tricycle dito." Tugon ni Estong.

"Sige para madali tayong makarating sa inyo."

Isang tricycle ang paparating ang pinara ni Estong. Sumakay sila at sinabi ni Estong kung saan sila pupunta. Nang huminto ang tricycle sa tapat ng bahay ni Estong ay naglabasan ang kaniyang mga kapitbahay. Nagtataka sila kung bakit ngayon lang nila nakita si Estong at may kasamang pulis pa. Isang usisero ang lumapit sa kanila habang nagbabayad si inspector sa drayber.

"Mang Estong ngayon lang namin  kayo nakita. Si Gilda ho?"  Tanong ng binatang usisero. Dahil si Gilda ang laging hinahanap ng mga kalalakihan sa kanilang lugar.

"Wala na si Gilda. Naaksidente silang mag-ina at hindi sila nakaligtas. "Pagsisinungaling ni Estong."

"Ha! Kawawa naman po sila. Kaya pala ang tagal ninyong hindi umuuwi."

"Sige at may gagawin pa ako sa bahay." Sabi na lang ni Estong. Alam niya na kakalat sa buong barangay ang sinabi niya tungkol kay Gilda.

Pumasok sila sa bakuran. Maraming kalat na mga tuyong dahon ng sampalok at bayabas ang harapan ng dalawang palapag na bahay. Iginagala ni inspector ang kanyang paningin palibot sa bakuran ng bahay.  Binuksan ni Estong ang pinto. Pumasok sila sa sala. Maalikabok lahat. Pinagpag ni Estong ang mga upuan.

"Pasensiya ka na sir. Matagal na kasing walang tao rito. Titingin muna ako ng mailuluto natin!"

"Okey lang Mang Estong. Huwag ninyo akong alalahanin." Tugon ni inspector.

Pumasok sa kusina si Estong. Binuksan niya ang latang bigasan nila. May lamang bigas pa. Inamoy niya. Pwede pang isaing. Kinuha niya ang balde at lumabas sa likod ng bahay. Umigib siya sa poso.

Hinugasan niya ang isang maliit na kaldero na naiwan nila noon. Nagsaing siya sa kalan na kahoy ang panggatong.

Lumabas ng bahay si inspector. Wala namang kakaiba sa lugar ang inisip niya. Pumunta siya sa ilalim ng punong sampalok na may bunga pa. Tumitingin siya sa paligid at tumitingala sa itaas ng puno. May nakita siyang putol na lubid na nakatali sa isang malaking sanga. Pinagmamasdan niyang maigi ang lubid.

"Iyan amang ang ginamit ni Lucas noong nagpakamatay siya." Boses ng isang matanda.

"Po?" Napalingon si inspector sa labas ng bakod. Nakatayo sa gilid ng daan sa tabi ng bakod ang isang matandang lalake.

"Diyan lang ako nakatira amang sa kabilang bahay. Isa akong manghihilot ng pilay at nanggagamot rin ng mga karamdaman."sabi ng matanda. Alam ni inspector ang tungkol sa nagpakamatay pero hindi  niya alam kung paano at saan nagpakamatay ang manliligaw ni Gilda.

"Ano hong nangyari rito matapos niyang magpakamatay?" Lumapit siya sa tabi ng bakod.

"Hindi ka maniniwala amang kung sasabihin ko sayo,"

"Sige ho at makikinig ako." Tugon ni inspector.

"Matandang binata si Lucas ang nagbigti riyan sa puno. Matapos maubos ang lahat ng kayamanan niya ay binigo siya ni Gilda. Sa galit niya at sama ng loob ay nagbigti siya pero may isinigaw siya bago nagpakamatay na narinig ko ng maliwanag. Isinumpa niya si Gilda sa ngalan ng demonyo!"

Triplets (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon