Part 25 . . . Mahiwagang Pana

237 13 1
                                    

"Mahiwagang Pana"

----------

Umaakyat si Pula sa may kataasang burol. May kadulasan ang lupa dahil basa. Tahimik pa rin ang mga maligno. Nagsimulang tibagin ni Itim ang gilid ng burol gamit ang hawak niyang punong kahoy.

"AYOK KAPAG GINIBA NINYO ANG BUROL NA PINANGGAGALINGAN NG BANAL NATING ASUL NA TUBIG KAYONG TATLO ANG GIGIBAIN KO!" Sigaw ng matandang puting dwende. Alam ni Ayok ang lakas ng kapangyarihan ng matanda.

"PULA, ITIM HUWAG NINYONG GAGALAWIN ANG BUROL. MAPAPASAMA TAYONG TATLO."atas ni Ayok sa dalawang halimaw.

Umakyat pa rin si Pula sa ibabaw ng burol. Nakita niya ang rumaragasang batis na dumadaloy patungo sa talon at ang malakas na bulwak ng asul na tubig mula talon sa loob ng burol. Hindi na niya naamoy ang kanyang hinahanap. Maliliit lang ang mga punong kahoy sa ibabaw ng burol na may mga damong parang lumot sa kapal sa kapaligiran.

"ITIM! HINDI KO NA SIYA NAAMOY. BAKA NADUROG MO NA SIYA SA LOOB NG BUTAS!" sabi ni Pula.

Dahil sa malakas na sigaw ni Pula ay nagising si Emmanuel. Nagulat siya ng makita niya si Pula. Nakatayo ang higante ilang metros lang ang layo sa kanya. Marahan siyang gumapang palayo patungo sa mga puno. Nakakita siya ng medyo mababaw na hukay sa likod ng mga puno. Gumapang siyang pababa sa hukay.

Naghahanap pa rin si Pula kahit ang iniisip niya ay patay na si Emmanuel. Naiinis na siya. Pinagsisipa niya ang mga maliliit na puno. Nagbagsakan ang iba na muntik ng madagan si Emmanuel. Kung wala siya sa hukay ay nadaganan na siya. Tumigil si Pula at bumaba na lang sa burol. Nagpalipas muna ng ilang minuto si Emmanuel bago siya umahon sa hukay. Nakiramdam muna siya. Wala na ang halimaw ang naisip niya.

"Bakit hindi niya ako nakita kanina sa mga damuhan?" bulong niya.

Pumunta siya sa batis. Naghugas siya ng kanyang mga maputik na kamay at mukha. Napansin niyang naghilom na ang sugat na kinagat ng tiyanak sa kanyang braso. Tinignan niya ang kanya ng damit na puno ng putik. Umupo siya sa isang bato sa tabi ng batis. Hinubad niya ang nakasabit na espada sa kanyang katawan at inilapag sa kanyang tabi. Isinunod niyang hinubad ang pana. Biglang naghiyawan ang mga maligno. Umingay muli ang buong arena. Napatingala siya sa itaas ng pader. Pumapalakpak ang nuno sa punso at ang matandang puting dwende. Tumatawa sila. Lahat ay sa kanya nakatingin. May ilang mga tikbalang, kapre, tiyanak at dwendeng itim ang tahimik. Nagulat sila nang makita ang hawak na pana ni Emmanuel.

"Bakit sila masaya? Dahil kaya rito sa nakuha ko na ang pana?" bulong niya at itinaas niya ang hawak na pana. Nagpalakpakan ang mga puting dwende.

Lumusong siya sa gilid ng batis at naglublob. Luminis ang kanyang katawan at damit. Umahon na siya at dinampot ang espada. Isinabit niya sa kanyang katawan. Tinignan niya ang pana.

"Anong gagawin ko sa panang ito. Wala namang palaso. Sabi ni Apo gamitin ko ito laban sa mga halimaw. Kailangan ko pa bang gumawa ng palaso?" bulong niya.

Dinampot niya ang pana. Kakaiba ang kahoy na ginamit. Ngayon lang siya nakakita ng ganitong uri ng kahoy. Parang ivory pero hindi naman. Maging ang tali. Nangingintab ito na parang may halong ginto. Batak na batak ang tali na sa tingin niya ay kay hirap mahila. Kinalabit niya ang tali. Para itong string ng gitara sa tigas ng pagkakabatak. Sinipat niya ang tali na kunwari ay may palaso na ito. Sinubukan niyang hilahin ang tali. Malambot. Nahihila niya. Itinodo niya ang paghila. Biglang may lumitaw na palaso sa pana.

"Huh? Ano ito? Lumitaw ang palaso!"

Itinapat niya ang pana sa mga puno. Inasinta niya ang isang punong kahoy. Binitawan niya ang tali. Parang balang lumipad ang palaso. Tinamaan niya ang punong kahoy.

Triplets (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon