Finale . . . Emmanuel Ang Bayani

348 20 5
                                    


"Emmanuel Ang Bayani"

---------

Umuulan ng mga nadudurog na bato ang pinagtataguan ni Emmanuel. Nawawala na ang dalawang halimaw. Panay ang pukol nila ng mga bato at ang mataas na pader ang tinatamaan. Nabibiyak ang pader at nabahala na ang mga maligno sa itaas ng pader. Naisip ni Emmanuel na lumipat ng pagtataguan para hindi na tamaan ang mataas na pader. Patayo ng siya ng biglang dumilim ang kanyang paligid. Wala siyang makita kahit katiting na liwanag. Akala niya ay nabulag na siya. Bigla nang lumiwanag. Muntik na siyang mahulog kung hindi siya nakahawak sa sanga. Nasa itaas siya ng isang mataas na punong kahoy.

"HUH! Bumalik na ako. Paano ang mga halimaw? Naiwan kaya sila sa mundo ng mga engkanto?" bulong niya.

Nakarinig siya ng tunog ng makina ng helicopter. Tumingala siya at nakita niya. Umiikot ito sa itaas. Iniikutan ang tuktok ng bundok.

"Narito rin ang mga halimaw. Ang mga tao! Manganganib na naman sila!" Sabi niya sa sarili.

Nagmadali siya sa pagbaba. Tumakbo siya ng mabilis at tumatalon ng mataas sa mga naka-usling bato sa lupa. Paakyat pa siya ng bundok. Dati-rati ay humihingal na siya sa pagtakbo kahit singkwenta metros lang ang layo. Ngayon ay hindi siya nakararamdam ng pagod. Bumilis pa ang kanyang mga kilos. Naamoy na niya ang mga halimaw at naririnig ang kanilang mga hininga. Tumalas lahat ang kanyang mga pandama. Nakalapit na siya sa tuktok ng huminto siya sa pagtakbo. Isang mataas na puno ang kanyang mabilis na inakyat.

Nakikita na niya ang dalawang halimaw. Parang nagtatalo ang dalawa. Nakita niya si Estong na nasa mga batuhan pa rin.

"Bakit hindi ka tumakas Estong noong wala kami rito ng mga halimaw?" Bulong niya.

Nag-isip siya. Ang helicopter ay nasa itaas pa rin at umiikot.

"Ibig sabihin nito ay ilang saglit lang kaming nawala rito kahit halos maghapon kami sa mundo ng mga engkanto." bulong niya.

"Ililigtas muna kita Estong. Hindi ko sila pwedeng labanan kung naririyan ka." Sabi niya sa sarili. Bumaba siya sa puno at naglakad patungo sa mga halimaw.

"Pula naguguluhan ako. Kanina lang ay nasa kakaibang lugar tayo. Ngayon ay bumalik tayo rito!" sabi ni Itim.

"Huwag na yan ang isipin mo. Ang mahalaga ay nakabalik na tayo rito. Naririto ang mga pagkain natin Itim." tugon ni Pula.

"Oo nga ano? Hark! Hark! Hark!"

Umikot si Emmanuel sa kinauupuan nina Itim at Pula. Nakita niya si Estong na namamaluktot sa pagitan ng dalawang malaking bato. May sampung metros ang layo niya kay Pula. Marahan siyang lumapit sa matanda. Nagbago ang kanyang anyo. Nasa paanan na siya ni Estong nang hubarin niya ang pana. Kinalabit niya ang paa. Umangat ang ulo nito at nakita siya. Pinagpapawisan ang buong katawan ni Estong sa tagal ng pagkakabaluktot niya. Sineniyasan niyang huwag maingay at pinauurong niya ng dahan-dahan. Sumunod sa kanya si Estong. Pagapang silang umatras pababa hanggang sa marating nila ang matalahib na lugar.

"Tatakas tayo Mang Estong. Sumunod lang kayo sa akin." Mahina niyang sabi.

"Pero maaamoy nila tayo!" Mahinang sagot ng matanda.

"Huwag kayong mag-alala. Ang mahalaga ay mailayo ko na muna kayo sa kanila. Tara rito tayo dumaan." tugon niya.

Binagtas nila ang dinaanan niyang paakyat at lumiko. Nasa kabila sila ng tuktok ng bundok. Narating nila ang mapunong kahoy na parte ng tuktok. Matarik na ang lugar. Humawak si Emmanuel sa mga baging pababa na ginaya ni Estong. Hindi na nila tanaw ang tuktok ng tumigil si Emmanuel sa pagbaba. Nakita niya ang isang matandang puno na naka-usli sa lupa ang mga malalaking ugat. Itinuro niya ito kay Estong. Nilapitan nila ang puno.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Oct 07, 2023 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Triplets (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon