"Pustahan ng mga Maligno sa Mundo ng mga Engkanto"
---------
"Hmmmmm! Ang bango mo! Malapit na ako! Amoy na amoy na kita!"sabi ni Ngipin na malaki ang garalgal na boses.
"NGIPIN KUMANAN KA RIYAN. ILANG LIKO NA LANG AY MAHUHULI MO NA SIYA! HARK! HARK! HARK!" Sigaw ng isang tikbaklang na nanonood. Nakapusta siya kay Ngipin.
"WALANG MAKIKIALAM KAHIT SINO SA INYO! DADALHIN KO SA PINAKA-ILALIM NG LUPA ANG MAKIKIALAM PA AT ISANG DAANG TAONG HINDI MAKABABALIK DITO! " Sigaw na isang matandang puting dwende. Kumumpas siya at nawala ang tikbalang na sumigaw kay Ngipin.
Nakita ni Inspector Valle ang sumigaw na tikbalang bago ito naglaho. Nakita niya ang direksyon kung saan nakatingin ang tikbalang. Naisip niyang tinitignan ng tikbalang ang halimaw. Nasa kaliwa niya ang halimaw. Sa kabila ng mataas na pader. Tumingin siya sa mga mata ng ibang mga tikbalang at sa kaliwa niya sila nakatingin.
Tumakbo siya at lumiko sa kanang pasilyo. Mahaba ito at binilisan niya ang takbo. Pagdating sa dulo ay kumanan siya ay muling tumakbo saka siya kumaliwa sa kasunod na dulo ng pasilyo. Hingal siya sa pagod at inuhaw. Kinuha niya ang isang malaking bote ng tubig sa kanyang backpack at lumagok ng kaunti. Naisip niyang kailangan niyang magtipid sa tubig. Hindi niya alam kung gaano siya katagal mananatili sa mundo ng mga engkanto.
"Naamoy niya ako. Kailangan kong gumawa ng paraan para hindi niya ako maamoy." Bulong ni inspector. Mahalimuyak ang buong paligid. Sobra ang kakaibang bangong ng mga munting bulaklak. Pumitas siya ng tatlo at dinurog sa kanyang palad. Katas na parang langis ang lumabas. Napangiti siya at ipinahid niya sa kanyang uniporme ang langis. Muli siyang pumitas ng mga bulaklak at kinatas niya. Habang naglalakad siya ay pinapahiran niya ng langis ang buo niyang katawan hanggang sa namamasa na ng langis ang kanyang buong uniporme at backpack.
"NASAAN KA NA PAGKAIN KO! MALAPIT NA KITANG LAMUNIN!" Sigaw ni Ngipin at napatingin si inspector at sa ibang direksyon na nanggagaling. Nasa norte ang halimaw sa tapat ng nuno sa punso na nakangiti at ngumunguya ng alay niyang tsokolate.
"Kailangan kong malaman kung naamoy pa niya ako!" Sabi niya sa sarili.
Bumalik siya sa kanyang pinanggalingan. Tinignan niya ang kulay ng mga halaman at baging. Halos kakulay ng kanyang uniporme. May berde, tsokolate at itim ang mga natuyong mga baging. Sumandal siya sa pader at isinisik ang kanyang sarili sa malalagong halaman. Dumipa siya at humawak sa mga baging at naghintay.
Nangangawit na si inspector ng narinig niya ang mga malalakas na yabag ng halimaw. Nasa pasilyo na ito ng kinaroroonan niya. Papalakas ang mga yabag. Pinagpapawisan siya at bumilis ang tibok ng kanyang puso. Pinigil niya ang kanyang paghinga.
"NASAAN KA NA?" Sigaw ng halimaw na halos dumagundong ang boses sa buong arena.
Napapikit si inspector ng makita na niya ang mga paa ni Ngipin. Nakikinig siya sa mga yabag at nawalang bigla. Dumilat siya. Tumigil sa paglakad ang halimaw. Nakaharap sa kanya ang mga paa. Lalong bumilis ang tibok ng kanyang puso. Naghihintay na lang siyang dakmain ng halimaw. Nagsisigawan ng malakas ang mga maligno. Lumaki ang kanilang mga pustahan.
"Hindi ka makapagtatago sa akin ng matagal. Makikita rin kita!" Sabi ni Ngipin at naglakad siya.
Nakahinga ng maluwag si inspector. Naghintay muna siya ng matagal. Nang wala na siyang naririnig na mga yabag ay kumilos na siya. Sumilip muna siya sa direksyong pinuntahan ng halimaw. Wala na ito. Lumabas siya sa kaniyang pinagtataguan. Iba ang init na kanyang nararamdaman. Nagkaka-uhaw ang init. Muli siyang lumagok ng tubig. Nangalahati ang laman ng bote. Kumuha siya ng tsokolate at kinain ito. Inubos na niya ang natitirang tubig sa bote.
BINABASA MO ANG
Triplets (Completed)
УжасыSa kadiliman ng gabi ay maraming kakaibang nilalang na nagmamasid sa atin at handang maghasik ng lagim ng hindi natin inaasahan. Mga nilalang na kahit sa ating guniguni ay ating katatakutan. Isang maligno ang nagkagusto kay Gilda at kanyang ginahas...