Part 24 . . . Egnok

200 12 0
                                    


"Egnok"

-------

Sabay-sabay na tinalon ng pitong tiyanak si Emmanuel na nasa gitna nila. Lahat sila ay nakanganga at tumutulo ang nakakalason nilang laway. Imigkas pataas si Emmanuel at nagka-untugan ng mga ulo ang pitong tiyanak. Mahilo-hilo silang bumagsak sa lupa na siya namang pagbagsak rin ni Emmanuel. Nakatingin siya sa ibabang babagsakan niya, ang mga ulo ng mga tiyanak. Sa pisngi ng isang tiyanak bumagsak ang kanang paa ni Emmanuel. Lalo pa niyang isinipa ang kanyang mga paa kaya napangiwi ang binagsakang tiyanak sa pisngi. Lumabas ang dila na nakagat niya at naduling pa. Tulog ang tiyanak.

Sa likod ng ulo naman ng isang tiyanak  bumagsak ang kaliwang paa ni Emmanuel. Diniinan pa niyang lalo ang ulo  nito sa matigas na lupa. Durog ang mga  ngipin sa bibig. Sabog ang malaking ilong.  Tulog at hindi na gumalaw. Sabay yuko ni Emmanuel at hinawakan ang leeg ng isang tiyanak. Iniangat niya ang ulo at ng makita niya ang mukha ng tiyanak ay malakas niyang pinukpok ng hawakan ng kanyang espada ang bibig nito. Basag-basag ang mga ngipin  at bulwak ang dugo sa mga sumabog na mga labi. Pinukpok pa niya ng isa sa pagitan ng dalawang mga mata. Tumirik ang mga mata ng tiyanak at tulog itong binitawan ni Emmanuel.

Bigla siyang tumalon palayo sa mga nakahigang pitong tiyanak. Tumayo ang apat na tiyanak. Nakita nilang hindi tumatayo ang tatlo nilang kasama. Niyugyog nila at ginigising pero tulog pa rin. Tumingin sila kay Emmanuel na nakatayo na sa ibabaw ng isang malaking bato.

"Magbabayad ka tagalupa sa ginawa mo sa aming mga kapatid. Tatalupan ka namin ng buhay. Sabi ng isang tiyanak.

Tumakbo silang apat. Muli nilang inikutan si Emmanuel. Tumatalon-talon sila ng salitan. Pabilis at pataas ang kanilang talon. Nililito nila si Emmanuel na umiikot rin  sa kanyang kinatatayuan sa ibabaw ng bato. Lampas sa ulo ni Emmanuel ang kanilang talon. Para silang mga bolang ipinapasa sa kabila ng malaking bato. May nanggagaling sa kaliwa at biglang tatalon ang nasa likod. Susundan ng nasa harap at uulitin ng napunta sa likod ni Emmanuel.

"Bog!"

"Ughhh!" Isang malaking bato ang tumama sa likod ni Emmanuel. Dumadampot na ng mga bato ang mga tiyanak at binabato na siya habang sila ay tumatalon. Iniilag na ni Emmanuel ang kanyang ulo.

Naiinis na rin si Emmanuel sa dami ng tama niya  sa katawan. Hinawakan niya ng dalawang kamay ang espada. Naghintay siya kahit tumatama pa rin ang mga bato sa kanya. Tumalon ang tiyanak sa kanyang kaliwa at nang nasa ere na ito ay bumato. Humakbang ng paatras si Emmanuel at ubod lakas niyang  pinalo ang batong paparating. Ginawa niyang baseball bat ang espada. Tumama ang palapad na katawan ng espada sa bato. Lumipad ang batong tinamaan at nasapol sa noo ang isang  tiyanak na tumatakbong paikot sa malaking bato. Bumaligtad siya na nasa itaas ang mga paa. Bumagsak na una ang kanyang batok sa lupa. Tulog kaagad.

Sabay talon ni Emmanuel padako sa lalapagan ng tiyanak na bumato. Paglapag ng tiyanak ay nagulat pa ito ng lumapag sa  tabi niya si Emmanuel. Sinampal niya ng malakas  sa mukha ang tiyanak  gamit ang palapad na katawan ng espada. Sabog ang ilong nito sat umikot pa bago bumagsak ng tulog.

Hinintay ni Emmanuel ang dalawang tiyanak na natitira na ang isa ay hindi nakita ang pagsampal niya ng espada sa kapatid  nila. Nasa kabila pa kasi siya ng malaking bato.  Si Emmanuel naman ngayon ang dumampot ng bato. Paglitaw ng tiyanak na tumatakbong paikot sa malaking bato ay binato ito ni Emmanuel. Sapol sa dibdib ang tiyanak at napayuko. Mabilis na nilapitan ni Emmanuel ang nakayukong tiyanak at sinipa niya. Sapol sa panga ang tiyanak at patihaya itong bumagsak sa lupa. Tulog na rin.

Nakita ng natitirang tiyanak ang ginawa ni Emmanuel. Tumakbo siya ng palayo kay Emmanuel nang siya na ang haharapin. Nawala sa dilim ang natitirang tiyanak. Pinuntahan ni Emmanuel ang pana. Umakyat siya sa gilid ng yungib. Nang makita niyang mas mataas na ang naaakyat niya kaysa sa nakalutang na pana ay tumalon siya. Nakuha niya ang pana.

Isinukbit niya ang pana sa kanyang katawan. Naglakad siya patungo sa dulo ng yungib. May nakita siyang kakaibang liwanag. Binilisan niya ang kanyang lakad. Narinig niya ang malakas na ragasa ng tubig kaya napatakbo na siya patungo sa liwanag.

Natagpuan niya ang kumukulong lawa. Ang pinanggagalingan ng asul na tubig. Sa gitna ng lawa ay ang talon na pataas ang agos ng rumaragasang asul na tubig. Palusong na siya sa lawa ng biglang may bumagsak sa kanyang likuran at sinabunutan nito ang kanyang buhok.

"AKINA ANG PANA! HINDI MO PWEDENG NAKAWIN ANG PANA!"

"AHHHHHH!" 

KInapa niya ang tiyanak na na nakasakay sa kanyang batok. Nahawakan niya ang magkabilang balikat ng tiyanak.

"YAHHHHH!" sigaw ni Emmanuel. Kinagat ng tiyanak ang kanyang braso. Bumaon ang matatalim na pangil at ngipin ng tiyanak sa kanyang braso. Yumuko siya at ubod lakas niyang hinablot ang tiyanak na nasa kanyang batok at  ipinalo niya ang tiyanak sa lupa. Sumalpok ang ulo ng tiyanak sa lupa. Nabiyak ang kanyang ulo at lumabas ang utak. Saglit itong nagkikisay hanggang sa hindi na kumikilos.

Tinignan ni Emmanuel ang kanyang braso. Sumisirit ang kanyang dugo. Nakaramdam siya nang  pagkahilo. Lumusong siya sa lawa at lumangoy patungo sa talon. Lumakas ang agos ng tubig patungo sa gitna ng lawa at natangay na siya. Inanod siya patungo sa talon. Huminga siya ng malalim at tinangay na siya ng malakas na ragasa ng asul na tubig pataas sa talon.

Sa isang madilim na panig ng yungib ay biglang lumitaw ang isang malaking nilalang. Nagbabagang pula ang kanyang mga mata. Mukhang galit na galit. Yumayanig ang lupa ng maglakad na siya.

"GWARRRRRRRRRKKKK! SINO ANG NAGNAKAW NG AKING PANAAAAAAA?" Galit na galit na sigaw ni Egnok ang hari ng mga tiyanak at dwendeng itim. Umecho sa loob ng yungib ang kanyang sigaw. Naglaglagan ang ibang nakabitin na istalaktita sa lupa. Dumating bigla si Egnok dahil namatay ang isang bantay niyang tiyanak.

Pumasok ang  rumaragasang asul na tubig ng  talon sa isang malaking butas sa itaas ng yungib. Dumilim ang paligid ni Emmanuel at nagpaikot-ikot siya sa loob ng asul na tubig. Marami siyang nainom na asul na tubig. Matagal ang kadiliman hanggang sa lumiwanag na. Lumitaw siya sa ibabaw ng burol. Napahawak siya sa mga bato at marahang  itinabi niya ang kanyang sarili sa gilid ng batis. Gumapang siya patungo sa damuhan. Napatihaya siya sa damuhan. Tahimik ang buong paligid maliban sa ingay ng rumaragasang asul na tubig sa batis. Tinignan niya ang itaas ng mataas na pader. Tahimik  ang mga maligno.

Nakaramdam siya ng matinding antok. Pinipigilan niya ang kanyang nararamdamang matinding antok pero pilit na pumipikit ang kanyang mga mata. Siya ay nakatulog.

"NASAAN KA PESTE? sigaw ni Pula na kinakapa pa rin ang likuran ng talon.

"Nariyan lang yan. Kapain mong mabuti. Itim! Mabuti pa ay tulungan mo ang iyong kapatid. Kapain mo rin ang likuran ng talon." sabi ni Ayok.

Lumusong sa lawa si Itim at lumapit sa talon. Kumapa na rin siya.

"May nakakapa akong butas!" sabi ni Itim. Ipinasok niya ang kanyang kamay sa loob ng guwang. Hanggang sa may siko lang niya kayang ipasok ang kanyang kamay.

"Hindi ko maabot ang dulo ng butas. Dito siya nagtago." sabi ni Itim.

"Kumuha kayo ng punong kahoy at sungkitin ninyo siya sa loob ng butas." atas ni Ayok.

Lumakad si Pula at umahon sa lawa. Dumampot siya ng isang natumbang punong kahoy. Tinanggalan niya ng mga sanga. Parang mahabang  poste ang punong kahoy ng matapos niyang malinisan ng mga sanga. Bumalik siya sa talon.

"Heto ang ipasok mo Itim." sabi niya at ibinigay kay Itim ang panungkit. Kinuha ni Itim ang panungkit. Ipinasok niya ito sa loob ng guwang.  Naisagad na niya ang panungkit at hindi niya naramdaman ang dulo ng guwang. 

"Malalim ang butas na ito."sabi ni Itim at tinusok-tusok niya ang loob ng guwang.

"Durugin kaya natin ang burol? ang sabi naman ni Pula.

"Sige anak gawin mo. Magsimula ka sa itaas ng burol." tugon ni Ayok.

Humawak si Pula sa mga batong naka-usli sa burol at nagsimula siyang umakyat.

************

Triplets (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon