The Heartthrob's Secret | Chapter 4: Secrets to be Hidden
H A N S O N
"SALAMAT sa pagtuturo mo sa akin kagabi. Tamang teacher lang talaga ang kailangan ko." Nakangiti si Henry habang sabay silang naglalakad ni Hanson patungo sa parking area. Uwian na ngayon. Karaniwan ay dumadapo ang mainit na sinag ng araw sa kanilang mga balat sa tuwing nakakalabas sila ng school building. Ngunit sa pagkakataong 'to ay makulimlim ang kalangitan. Nagbabadyang bumuhos ang malakas na ulan ano mang oras mula ngayon.
"Maliit na bagay. Ayos lang iyon, basta ilibre mo ako ng lunch."
"Sige ba, araw-araw mo akong turuan."
"Anong araw-araw. Mukha mo, ano ka, chicks?" pagbibiro ni Hanson.
"Sakay ka na sa bike ko kahit hanggang sa may kanto lang. Paulan na, oh!" ani Henry. Sumang-ayon si Hanson upang hindi sila maabutan ng ulan. Malamig ang simoy ng hangin no'n at napakapresko ng paligid dahil sa huni ng mga dahon na sumasayaw sa tuwing umiihip ang hangin. Naka-angkas siya sa likod at si Henry naman ang nagmamaneho.
"Mabuti na lang may kaklase akong may bike."
"Kaklase? Kaklase lang ba ang turing mo sa akin? Akala ko ba kaibigan mo ako?"
"Pareho lang iyon."
"Hindi iyon pareho, ang kaibigan, mas malalim pa sa kaklase iyon."
"Hay... andami mong kakornihan... oh sige na sige na. 'Mabuti na lang may kaibigan akong may bike'."
"Yown! Nakuha mo rin!" Tumawa si Henry at saka ipinagaywang-gaywang ang pagpapatakbo ng bisikleta. Nakaramdam si Hanson ng takot at taranta kaya't napakapit siya nang mahigpit sa mga balikat ni Henry. Napisil niya ang matigas nitong buto sa balikat. Umabot iyon sa leeg nito kaya't nakiliti ito. Napatawa ito nang saglit.
"Huwag diyan! Huwag diyan! May kiliti ako diyan!" tumatawang bigkas nito. Naibaba niya ang mga kamay niya palayo sa leeg nito.
"Sira ka ba? Gusto mo bang maaksidente tayo rito?" seryosong pangunguwestiyon ni Hanson na nagpatigil dito sa pagtawa.
"Sorry na po, hindi na po mauulit."
Kalaunan ay bumaba na rin si Hanson. Magkaibang direksyon na kasi ang tatahakin nila. Napangiti siya habang sinusundan ng tingin ang kaibigan na noon ay papalayo. Muli siyang nilingon ni Henry, ngumiti at ikinaway ang isang kamay. Nilawakan niya ang kaniyang ngiti at kinawayan din ito.
Hindi niya tinanggal ang kaniyang tingin sa binata hanggang sa maglaho na ito sa paningin niya. Natutuwa siya sa pagiging makulit ng kaibigan niyang iyon. Napakasaya niya kapag kasama niya ito.
Ipinagpatuloy niya ang paglalakad matapos ang ilang segundo. Doon na rin nagsimulang bumuhos ang napakalakas na ulan. Tumakbo siya patungo sa pinakamalapit na masisilungan. Isa iyong saradong restaurant. Doon siya naghintay na tumila ang ulan.
Naalala niya si Henry. Siguradong naabutan ito ng ulan. May barricade kasi sa pagitan ng sidewalk at ng kalsada kaya't kakailanganin muna nitong hintaying marating ang pedestrian lane upang makasilong sa mga building nasa gilid ng kalsada.
NAKAHARAP na siya ngayon sa study table sa kaniyang kuwarto. Nakapatay ang ilaw at nakabukas ang electric lamp na tumatama sa kaniyang notes. Nagsusulat siya tungkol sa binigay na assignment ng kanilang guro. Habang ginagawa niya iyon ay hindi mawala sa isip niya si Henry.
BINABASA MO ANG
The Heartthrob's Secret (Complete)
RomanceItinuturing ng karamihan si Hanson bilang isang perfect ideal man. Guwapo, mabait, matalino at gentleman. Marami na ang babaeng kaniyang napa-ibig. Ang hindi alam ng lahat, si Hanson ay nakakaramdam ng pagkagusto sa kapuwa niya lalaki. Isang araw...