The Heartthrob's Secret | Chapter 24: End of Friendship
H A N S O N
UWIAN na ngayon. Naghiwalay na sina Hanson at Alfred sa may gate kaya't mag-isa na lang si Hanson na naglalakad ngayon sa may pathway na nasa labas ng school area. Sa tuwing nakikita niya ang lugar na iyon ay nanunumbalik sa isipan niya ang mga masasayang ala-ala nila ni Henry habang nakasakay sa bisikleta.
Huminga siya nang malalim. Gusto na niyang burahin sa isip ang lalaking iyon kaya sa tuwing pumapasok ito sa utak niya'y nakakaramdam siya ng inis sa sarili. Napapatanong siya kung bakit ba siya nagkagusto rito. Bakit kailangan niyang magustuhan ang isang taong kapareho niya ng sekswalidad?—na kung saan hindi sila talo? Pakiramdam niya'y napaka-unfair ng mundo. Ayaw niyang maging gay pero gano'n siya. At kahit na pilitin niya ang sarili na huwag maging gano'n ay wala siyang magawa dahil gano'n ang nararamdaman niya.
Gustuhin man niyang ituring na kaibigan lang si Henry, hindi niya magawa dahil hindi iyon ang itinitibok ng puso niya. Wala na siyang pakialam kung biglang maglaho ang pagkakaibigan nila dahil sa pag-iwas niya rito. Ang mahalaga ay makawala siya sa kadenang paulit-ulit na nagto-torture sa puso niya.
"Hanson!" tawag ng isang pamilyar na boses mula sa likod. Kay Henry iyon kaya't hindi niya siya lumingon. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad at nagbingi-bingihan.
"Hanson, tinatawag kita, hindi mo ako narinig?" nagtatakang tanong ni Henry nang huminto ito sa harap niya. Napahinto na rin siya.
"Hi-hindi," matipid niyang sagot habang nakatingin sa kung saan, kahit saan basta hindi sa mukha ni Henry.
"Sakay ka na! Huwag mong sabihing tatanggi ka na naman?"
"Mauna ka na, may pupuntahan lang ako."
"Ihatid na kita."
Huminga siya nang malalim. Sa tuwing nagiging mapilit ito at pinakikitaan siya ng kabutihan ay nakakaramdam siya ng inis, dahil ang galawan nito na iyon ang dahilan kung bakit niya ito nagustuhan.
Bumaba ito sa sariling bisikleta. Gano'n lagi ang ginagawa nito sa tuwing tatanggihan niya ito, sinasabayan siya nito sa paglalakad.
"Kung gano'n, maglalakad na rin ako," sabi nito.
Naglakad na ito kaya't naglakad na rin siya. Tahimik sila pareho. Wala silang kahit isang salita. Nagpapakiramdaman. Nabasag ang katahimikang iyon nang magsalita si Henry.
"Gusto mo ba si Marie?" malungkot na tanong nito sa kaibigan.
Naiangat ni Hanson ang kaniyang tingin mula sa nakapakong tingin sa sidewalk. Pinilit niya ang sarili na huwag tumingin sa mukha ni Henry.
"Naitanong ko lang ito dahil simula noong sabihin ko sa 'yong nakipag-usap sa akin si Marie, napansin kong tila nagiging malamig na ang pakikitungo mo sa akin. Gusto mo rin ba siya? At pinagsisisihan mo nang ni-reject mo siya?"
Hindi niya ito sinagot. Ipinagpatuloy niya ang paglalakad. Kung iyon man ang gusto nitong isipin, wala na siyang pakialam. Mas maganda nang gano'n ang paniwalaan nito kaysa isiping ito ang gusto niya. Ayaw niyang dumihan ang reputasyon niya dahil sa kaniyang pagiging gay.
"Bakit hindi ka nagsasalita? Ang ibig sabihin ba no'n, totoo iyon?"
"Bahala ka kung iyon ang gusto mong isipin."
Nang akma siya nitong aakbayan, mabilis niyang sinangga ang braso nito gamit ang isa niyang kamay. Napakunot siya ng noo. Nagtaka naman si Henry sa pagiging offensive niyang iyon, natahimik din ito nang ilang sandali habang nagtataka siyang pinagmamasdan.
BINABASA MO ANG
The Heartthrob's Secret (Complete)
RomanceItinuturing ng karamihan si Hanson bilang isang perfect ideal man. Guwapo, mabait, matalino at gentleman. Marami na ang babaeng kaniyang napa-ibig. Ang hindi alam ng lahat, si Hanson ay nakakaramdam ng pagkagusto sa kapuwa niya lalaki. Isang araw...