TAKOT AKO

41 3 1
                                    

Hindi ako takot umibig pero takot ako sayo. Hindi' dahil ayoko sayo, kundi' sa tingin ko hindi malabong mag kagusto ako sayo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang gabing ito at ang magagandang kwento mo. Hindi malabong hanap-hanapin ko ang boses mo, ang mga titig mo. Baka masanay ako.
Hindi ako takot umibig pero takot akong mahulog. Sapagkat paano mo iibigin ang taong estranghero? Kung sa unang gabi palang ng iyong pagkikita ay nahulog ka na. Nahulog sa kwentuhang matagal, sa kanyang boses na hindi pagal, sa mga ngiting nang-aakit, sa mga matang nakakahumaling, sa kanya na hindi pa kilala pero pakiramdam ko matagal na kaming nagkita.
Takot ako sa dilim, pero mas takot ako sa liwanag. Takot akong makita ang sarili kong kasama ka. Baka kasi pag nasanay na ako sa liwanag bigla nalang itong mamatay hanggang sa unti-unting dumilim ang paligid ko at baka masanay ulit ako. Masanay ako na maglakad na para bang nakapikit. Maglakad patungo sa palaisipang lugar na paikot-ikot lang ang daan. Baka bigla nalang akong yakapin ng dilim sabay bulong sakin ng "tumigil ka na tanga!" Baka biglang lumabas ang mga kaibigan ko sa dilim at masanay sila sa liwanag. Baka multuhin nila ako habang tirik ang araw at habulin ako sa kung saan. Baka habang tumatakbo ako palayo ay mabulag ako sa liwanag na dulot mo at baka mabangga ako at muling mabuhay ang mga alaga kong paru-paro.
Hindi ako takot ako sa patay, pero takot sa buhay. Takot akong mabuhay ang mga daga sa aking dibdib na matagal ng nanginginig sa lamig. Takot akong matunaw ang mga yelo na matagal ng nakapulupot sa puso ko. Takot akong matunaw ang mga ito at lunurin ako sa pag-aaklang tunay ang nararamdaman ko. Takot ako sa majikang dulot ng pagibig na nag bibigay buhay sa mga patay na kandilang dala-dala ko. Takot akong maging maliwanag ang paligid ko at makita ang katotohanan ng mundo. Takot akong makita na ang mundo natin ay iisa pero mas takot akong malaman na iba ang gusto mong kasama.
Hindi ako takot mag-isa, pero takot akong kasama ka. Takot akong makasama ang mga dati mong kasama, baka kasi kong anong sabihin nila.. O kaya pag kasama mo sila at kapag madami na sila maramdaman ko ulit kung pano ang mag-isa.
Hindi ako takot sa luma, pero takot ako sa bago. Sana kahit may dumating na bago, walang magbago. Sana kahit mag mukha na akong antigo, wag mo akong itago gaya ng mga nakalagay sa inyong aparador. Hindi ako plato, kutsara o tinidor na gagamitin mo lang sa piling-piling okasyon dahil wala ka ng ibang opsyon. Sa piling-piling araw na kung saan ipapagamit mo lang sa kung sino-sinong tao dahil yun lang ang silbi ko. Takot ako.. Natatakot akong mapalitan ng bago. Dahil lang meron bisitang darating kasabay nag pag tapon mo saakin. Kasabay ng mga bago pang darating wag mo sana akong paglumain.
Hindi ako takot sa wakas pero takot ako sa simula. Lahat kasi ng sinimulan ko parang laging may nakakapit na malas lagi nalang gustong kumalas sa pagkakapit hanggang sa mag wakas. Hindi kasi lahat ng wakas ay may kasunod na simula.
Hindi ako takot sumagot pero takot ako sa tanong. Mahal mo na ba? Mahal ka ba niya? Takot akong masagot ang mga tanong ko ng "Oo" tapos sasabayan mo ng "Pero", ng "Oo" na may preno ang tono. Kaya takot sa tanong pero mas takot ako sa sagot. Mahal na kita, mahal mo din ba ako?
Takot man akong tapusin ang tulang ito gusto kong simulang wakasan ang mga kwento ng iyong nakaraan at gagawa ako ng panibagong kwento na walang simula at katapusan. Sisimulan ko ito pagkatapos dumampi ng balahibo mo sa balat ko habang naglalakad ka palayo sa buhay ko. Habang umaalingawngaw ang boses ko sa kada bigkas ng mga salita nitong tula para sayo. Gagawin ko ito kapag hindi ko na maaninag ang anino mo. 'Pag hindi na kayang lumipad ng mga alaga kong paru-paro. 'Pag hindi na kayang huminga ng mga daga sa aking dibdib. Habang minamasdan ko ang pag lisan mo. Habang kausap mo siya at hinahalikan ka niya sa noo. Habang hawak mo siya sa kamay at naglalakad kayo palayo.
Madami man akong kinakatakutan kung ano ano nalang gaya ng sayo, liwanag, buhay, simula, bago at makasama ka lahat ng ito hindi mahalaga. Iibigin kita kahit ano man sabihin nila. Kahit hindi ako ang iyong mahal, liwanag mo, kahit iba na ang buhay mo. Kahit simula palang ng tulang ito ay takot na ako. Iibigin kita sa isip, sa panaginip, sa diwa, sa mata, sa tingin, sa lambing. Matulog ka ng himbing hanggang maubos ang kandilang minsang ikaw ang nagsindi. Kahit lahat ng ito ay walang silbi.
Pagkatapos magigi kang Anecdota. Isang storya sa buhay ko na minsan may nakilala akong tao.. namatay siya.. pinatay ko siya sa puso at isipan ko. Gagawan kita ng puntod na mag sisilbing paalala na minsan akong nagpakatanga sayo. Gagawan kita ng puntod at doon ko ibabaon lahat ng sakit, pait, inggit, sungit, inip, pagal, lihim na minsang niregalo sa sakin. Lahat ng ito ibabaon ko sa hukay na ginawa ko para sayo. Iibigin kita habang nililibing ang 'yong alaala. Ililibing kita habang iniibig ko ang iyong alaala.

________________________________

nakakatakot ih

_____________________________

spokenTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon