Kabanata 1

23 2 0
                                    


Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________

Kabanata 1

ISANG DALAGA ang hindi maunawaan kung nasaan siya.

Tirik na tirik ang araw sa alapaap habang abala ang mga taga-nayon na tugunan ang kanilang pang-araw-araw na pangangailangan halimbawa ang kanilang pagkain sa isang talipapa.

Ngunit nahinto ang karamihan nang masulyapan ang hindi pamilyar na dalagang naglalakad sa kahabaan ng pamilihan.

Napakaganda nito. Ang kanyang balat ay pinagpala sa kinis, mukhang malambot ang kanyang balat na tila isang magandang porselana na may masalimuot na disenyo na tiyak nangangaghalaga ng marami-raming salapi na kung hindi pakaiingatan, maaaring mabasag at iyong pagsisisihan. Tila porselana rin ang kutis nito at pantay ang kulay na kamangha-manghang tunay.

Banyaga ang kaniyang katangian lalo na ang mukha. Bakit napakatangos ng kanyang ilong? Isa ba siyang diwata? Iyon pihado ang pumapasok sa isipan ng karamihang nakakasaksi ngayon sa presensya nitong banyaga sa paninging dilag.

Napahawak sa dibdib ang dalaga, nababakas nito sa puso niya ang takot at kaba buhat sa pagkakapadpad niya sa lugar na hindi niya batid kung ano. Sa lugar na wala naman siyang kakilala at sa mga matang sumusulyap na animo'y kasalanan ang mapadpad dito. Sa lugar na anumang oras, maaaring manganib ang kanyang buhay kung hindi siya mag-iingat.

Napahinto siya habang nakayuko, alam niyang tinitignan siya ng mga ito na tila hindi sila titigil hanggang hindi siya matunaw sa init ng pang-tanghaling araw.

Namamawis na siya sa init at pangamba habang nanginginig na dahil siguro sa kung anong nagwawala sa kanyang tiyan.

Bago pa siya nagawang lapitan at tanungin ng mga tao, napahandusay na sya sa mabuhanging lupa na nilaan bilang daanan ng mga mamimili sa nasabing pamilihan.

SA PAGMULAT ng kaniyang mga mata, napagmasdan niya ang kahoy na kisame na nagsisilbing silungan ng nakatira sa bahay na kinalalagyan niya.

Napabangon siya sa pagkakahiga, lito sa kung nasaan naman siya dinala? Sa kaniyang pagkakatanda, napalilibutan siya ng mga taong namimili sa may kasikipang lugar dahil na rin sa dami ng mga ito.

Ngunit ngayon, natagpuan niya na lamang ang kaniyang sarili na nakasilong sa gawa sa maninipis na kahoy na isang tahanan ng mag-anak na nasa labas nito, pinag-uusapan ang dalagang nasa kanilang bahay nakahimlay dahil wala man lang nakapagsabi sa kung sino ito.

"Mukha ho siyang isang panginoon! Napakaganda niya, Ina!" isang magiliw na bata ang nagsabi noon sa kanyang ina.

"Naku, hindi naman natin iyan kilala. Banyaga ang kanyang mukha, paano na lamang kung sasaktan tayo niyan? Bakit pa kasi pinatuloy," ang hindi pag-sang-ayon ng kaniyang ate sa sinabi ng bunso.

"Ate, huwag ka namang magsalita nang ganyan! Maamo ang mukha niya, hindi gaya ng sa iyo!" natatawang sambit niya sa mas lalong nagtaray na ate. Napairap ito.

"Ano ba kayo, pinatuloy natin iyan dito dahil kailangan niya ng tulong. Sa oras na humupa ang kaniyang masamang pakiramdam, titiyakin kong hindi na magtatagal iyan dito. Isa pa, hindi na nga natin matustudan ang pangangailangan natin na apat lang tayo, ngayon pang may dadagdag?"

"Pansamantala lamang iyan, malay niyo rin, maging swerte sa atin ang daragang magayon na iyan sa pagpapalago ng ani ng sinasaka natin? Wala namang masamang magbakasakali, lahat ng mabubuting gawa ng tao, may kapalit na mabuti gaya ng sa masasamang gawa ay may tinakdang kabayarang masama." pagbabahagi ng ama sa kaniyang mga anak.

"Alam namin ng inyong ama kung ano ang pakiramdam na walang mahingan ng tulong. Ngayong may naghihikahos at nagsusumamo ng pagsaklolo, bakit hindi natin ipagkaloob?"

"Ngunit walang tumulong sa inyo noong kailangan ninyo, bakit kayo tutulong, kung ganoon? Hindi naging mabuti sa inyo ang mga tao, bakit kailangang maging mabuti sa kapwa?" pagtataka ng kanilang panganay na babae.

"Iyon na nga, anak. Ang pinakamalaking maaaring ipamukha sa mga taong binaliwala tayo ay gawin ang mga bagay na hindi nila kayang gawin dahil hindi tayo tulad nila. Hindi tayo maramot." pagtugon ng ina sa kaniyang anak. Napangiti ang dalawang lalaki, ang mumunti at ang sa bahay ay nagmistulang haligi. Napabuntong-hininga naman ang ate.

"Tama ang iyong ina, Masagana. Hindi mahalaga ang pagkikimkim ng pait, ang siyang mahalaga ay hindi tayo magiging mapait habang dinadama ang taglay nitong sakit."

Magsasalita pa sana si Dalisay kung hindi lamang naagaw ng pansin niya ang lumabas sa pinto ng kanilang bahay. Napansin iyon ng kaniyang mag-anak kaya tinignan din nila ang sinusulyapan ng bunso ng kanilang pamilya.

Isang baabeng suot ay puting bestida na may bakas ng mga mumunting sanga at dahon na nakakapit sa tela ng kaniyang lagpas-tuhod na bestida.

Ang maalong buhok nito ay nakahati sa dalawang magkabilang-balikat na sadyang tinatakpan ang kaniyang dibdib. Kapansin-pansin ang kulay nitong kayumanggi na mas nagpalakas ng kanilang kutob na hindi siya isang tao.

Hapit sa katawan ng babae ang bestida na nagpapatingkad sa makurba nitong beywang.

Walang duda, isa nga itong diwatang napadpad sa nayon ng mga tao.

Ang mga mata nitong nakabibighani, ang kulay nito ay natatangi. Luntian ang mga ito na tila baga salamin ng mabuhay, malago at makulay na kapaligiran. Kulay luntiang buhay na buhay gaya ng sa mga puno, sa mga dahon, at sa mga damo, matataas man o hindi. Ang maganda nitong mga mata ay tila maaaring ihambing sa ganda ng bundok na hitik sa puno, sa bukid na malalago dahil sa mga tinanim na bunga maging sa malawak na kapatagan.

Hindi lamang iyon, ang kaniyang kilay na katamtaman ang lago at may kurbang nagpapaamo sa kaniyang mukha. Ang nakapalibot na pilikmata sa mga matang ay may katamtamang laki rin.

Ang ilong nitong matangos at sa paligid nito, maging sa pisngi, matatanaw ang mga pekas na kataka-takang bumabagay sa kaniya. Idagdag pa ang hugis-puso nitong mukha at isang pares ng pusong hinati sa magkabilang-gilid na mga tainga.

Ngumiti ito sa kanila gamit ang mamula-mula at malambot na labi kasabay ng pagsingkit ng mga mata nito.

Ang musmos na si Dalisay ay nakangiting hanggang-tainga habang ninanamnam ang paninitig sa kaniya ng dalaga. Ang bata nitong puso ay mukhang umiibig na.

Pinangarap niya na sana, manatili rito ang dalaga. Na sana ituring na nila siyang kapamilya. Tutal ay mukhang wala namang nakakakilala rito at mukhang naliligaw pa. Maaari ring sana, kahit pansamantala, manatili ang dalaga sa kanila habang hinahanap ang daan pabalik. Mas lumaki ang ngiti sa mga labi ni Dalisay habang pinagmamasdan ito.

***

SoFluvius

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon