Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 6
LUMULUHA SIYA habang tangan ang ilang gamit ng ama. Nakakapit sa kaniya si Kamagong, nagsisilbing lakas niya.
Tanaw niya ang kaniyang inay na malakas na humahagulgol habang nakadapa sa lupa kung saan nila inilibing ang ama. Namatay ito noong araw ding iyon.
Nangingisay ito nang matanaw ni Magayon at agad nitong nagawang lingunin si Dalisay na abala pa sa pagbibilang kahit pa hindi nito alam ang ilang bilang. Agad na nagtungo si Dalisay upang daluhan ang ama at nagsisigaw na ito ng tulong, puno ng pag-aalala at pagkatakot.
Hinawakan ni Dalisay ang kamay ng ama habang walang-awat na nangingisay. Matagal bago dumalo ang kapitbahay na may kalayuan din sa kanila. Nakatawag na rin iyon sa manggagamot na nangakong aagap ng tulong.
Nang dumating ang inay na halata ang pagkataranta at pagluha, inutusan si Dalisay na tawagin ang ate at si Kamagong.
Hinihingal na tumigil si Dalisay habang nasa harapan niya ang magkasintahan.
Umiling siya at sumigaw. "Ate, si ama!" Tipid niyang sabi na nagpakawala sa hawak-kamay si Masagana sa kasintahan nito.
Agad niyang dinaluhan ang bunsong kapatid at siya pa ang naghila rito papunta sa kanilang tahanan kung saan inaalala niya ang pihadong malubhang kalagayan ng ama. Sa pag-aalala ay nakalimutan niya na ang kasintahang napakamot sa ulo at agarang humabol sa kanila.
Pagdating nila sa tahanan ay wala ng buhay ang haligi ng tahanan at ang kanilang inay ay tumatangis ng luha at nagsisisigaw ng pangalan ng namayapang asawa.
"Ama ko!"
Agaran nilang dinaluhan ang inay. Kahit pa naluluha at gumuguho si Dalisay ay hinagod niya ang likod ng inay. Sa ganoong paraan, kahit pa hindi nito maaawat ang paghikbi ng inay ay magawa man lang nitong pakalmahin ang nagwawalang inay.
Nang araw ring iyon ng tanghali, sinimulang hukayin ang paglilibingan ng ama sa bakanteng lupain at tila sinasadya ng panahon na patagalin ang pagtanaw sa ililibing na ama na nagpapasakit sa kanila.
Hindi man maintindihan ni Magayon ang nangyayari, nalulungkot siya habang nakikita ang malamig na katawan ng dating lalaking mainit siyang sinalubong ng ngiti noong muling maimulat niya ang kaniyang mga mata.
Si Apitong at isang kaibigan ni Kamagong ang naglibing sa nasirang haligi ng kanilang tahanan na si Adlaw. Ilang saglit pa ay naglalagay na sila ng bato upang takpan at bigyang tanda ang libingan. Ito ang huling bakas ni Adlaw sa mundong ibabaw.
Tinatanaw rin ng mga nakikiramay na kapitbahay ang paglibing kay Adlaw at pagluluksa ng naiwang mag-anak nito.
HINDI NAGING madali ang nagdaang mga araw. Kulang na lamang ay magkasakit na ang inay nila na ayaw man lamang kumain. Lagi pa itong tulala sa isang tabi. Nagboluntaryo na si Masagana na maglalabada matapos tanggihan ang alok ni Kamagong na magbibigay ng pera. Mayaman man ito, hindi ito dahilan para tumanggap siya ng pera nito gayong may sariling paraan din naman sya sa isip.
"Aking mag-anak ang buhay na nakasalalay dito. Hayaan mo muna akong gawan ng paraan ang kinahaharap naming dagok sa buhay. Kapag naman kailangan ko na ng tulong mo, hihingin ko naman. Sa ngayon, hayaan mo muna akong gumawa ng paraan."
Laking pasasalamat niya kay Magayon na tumutulong sa kaniyang paglalabada.
Oo nga pala at nakakarinig na rin si Magayon ng ingay ng mundo. Napansin nila iyon nang biglang napahawak si Magayon sa mga tainga nito at nagsisigaw sa sakit. Noong araw na iyon ay nasa ilog sila at malakas na rumaragasa ang tubig. Nataranta sila at hindi batid ang unang dapat gawin.
Nakita niya ang dugo sa tainga nito na nagpakaba sa kaniya matapos lapitan ang dalaga. Agaran niyang iginiya si Magayon na tumayo at sundan siya. Sumunod naman ito ngunit halatang nahihirapan sa dinaranas. Inilayo niya sa ilog at dinala sa manggagamot. Doon, natuklasan ng naturang manggagamot ang pagbabalik ng pandinig nito.
Ang kaso, may sugat ang tainga ni Magayon na napansin ng manggagamot sa likod ng tainga na tila naghihiwalay sa tainga at mukha ng dalaga. Namumula ito at kita nila ang iritasyong nararamdaman ni Magayon doon.
Nagkasalubong ang kilay ni Masagana habang tinatanaw iyon. Ngayon pa lamang siya nakakita ng ganoon. Ang imposible pa ngang tignan dahil tila ang mga sugat ay hinihiwalay ang tainga sa maamong mukha ng daragang Magayon.
Ayon sa manggagamot ay masiyado raw nag-ingay ang mga kasama niya sa ilog habang naglalaba kaya may nagalit na ibang nilalang sa kanila. Pinagbuntunan nito ang kawawang dalaga kaya nagkakaganito.
Tinanong niya sa manggagamot kung sakaling konektado ito sa pagbabalik ng pandinig ni Magayon, ang tugon nito ay hindi niya pa batid sa ngayon dahil pinipigilan daw siya ng malakas at negatibong pwersa ng kung ano upang hindi mabatid ang tunay na nangyari kay Magayon.
Nakangiti siya habang nagsasalo sila ng hapunan sa lapag ng kanilang tahanan. Tanaw niya ang nakasarang pinto ng kwarto ng inay. Naghatid na naman sila ng pagkain doon at sana kumain man lamang ito.
Masarap pa naman ang kanilang ulam, isdang tuna. Ang totoo niyan ay ulam na nila ito noong isang linggo pa. Malaki kasi ang nahuling tuna ni Apitong at dahil marami, hinandugan sila ng isang dambuhalang tuna.
Noong una ay nag-aalangan pang kumain si Magayon ng tuna ngunit kalaunan, tila natuwa sa sarap na dala ng isda. Noong gabi ring iyon, nagsimulang magsilabasan ang mga sugat ni Magayon nang hindi niya man lamang halos mamalayan. Ano nga bang malay niya?
Tuwing umaga naman ay naglalaga si Masagana ng itlog na naging sahod ni Dalisay sa ginagawang pagtulong sa talipapa. Iyon ang lagi nilang almusal.
NANG SUMUNOD na araw ay may ibinigay naman ang kanilang kapitbahay na inihaw na manok, nilantakan din nila iyong tatlo, hindi ang inay nilang abala sa pag-alala sa namayapang asawa.
"Hindi isang babaylan ang inyong pinagtignan kay Magayon, Masagana."
Nagtaka naman ako sa tinuran ni Apitong. "Ha? Ano naman?" batid niya iyon. Ang kaso, anong magagawa niya e walang babaylan na malapit sa kanila? Pulos nagmamala-babaylan lang at ang mahalaga para sa mga taga-nayon, alam nilang ayos pa sila at maaari pang mabuhay dahil lahat naman ng sugat, laging may gamot upang maghilom.
Bumuntong-hininga si Apitong. "Makatitiyak tayo sa tunay na kalagayan ni Magayon kung sa isang bihasang manggagamot talaga siya idudulog. Sa isang babaylan."
Umirap naman siya sa hangin habang abala pa rin sa ginagawang paghugas ng kasangkapang ginamit sa pagluluto at pagkain nila.
Nilingon niya ang taong kanina niya pa kausap sa likuran. Pinagtaasan niya ito ng kilay. "Pinamumukha mo ba sa aming wala kaming sapat na salapi upang gamutin ang iniindang sugat ni Magayon? Kung gayon, pasensiya na ngunit kahit mahirap man kami, gumagawa naman kami ng paraan upang magamot iyon. Nananalangin din kami sa aming panginoon kaya tiyak, darating din ang paghilom ng sugat ni Magayon."
Nahihirapang bumuntong-hininga si Apitong. Hindi iyon ang kaniyang punto. "Ang sinasabi ko lang naman, mainam na dalhin natin siya sa isang babaylan. Sa Lakanato ng Lawan ay marami. Oras na madala siya roon, makatitiyak tayo sa karamdaman niya. Hindi siya nakakapagsalita kaya mahirap na basta na lang din hulaan ang kaniyang nararamdaman. Kailangan niyang matutong makisalamuha."
"At paano naman?"
"Dalhin natin ang iyong buong mag-anak sa Lakanato. Naroon ang mas maginhawang buhay, ate. Hindi lang para kay Magayon, para na rin sa iyong inay at bunsong kapatid."
"Pag-isipan mo itong mabuti." Iyon lamang at lumisan na sa kaniyang harapan si Apitong. Napalunok siya nang maunawaan ang nais iparating nito sa kaniya.
***
SoFluvius
BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...