Kabanata 19

11 2 0
                                    


Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________

Kabanata 19

PINAGMASDAN KONG maigi ang kabuuan ng hardin. Bahagi rin nito ang matayog na puno na nasa tapat ng bintanang nasa aking silid.

Pinakatitigan ko ang mga bulaklak na sa bawat araw na lumilipas ay patuloy na yumayabong. Ang mga halaman na may kaibahan sa mga kadalasang halaman ay patuloy din sa pag-usbong.

Mausbong na ito noon pa man ngunit bakit nagkakaganito ako ngayon. Pakiramdam ko ay kailangan kong pasalamatan si Magayon sa kaniyang pagpupursigi sa nakuhang trabaho.

Totoo namang mapagpursigi siya. Namalayan ko na lamang na siya na ang minamasdan ko.

Nakatalikod siya sa gawi ko, nakaharap sa mga halamang kaniyang masuyong dinidiligan at inaawitan. Pansin din ang mga ibong humuhuni na nakadapo sa natatanging puno sa hardin.

Nakasuot ng bughaw na bestida si Magayon na hanggang lagpas-tuhod niya. Nakapaa lamang siya at ang kaniyang maalong buhok ay nanatiling nakalugay, nakikiayon sa bawat ihip ng hangin.

Hanggang ngayon ay hindi ko pa rin siya magawang tanungin tungkol sa nakita ko tatlong linggo na ang nakararaan matapos lumisan ni Apitong sa aking silid. Nakita ko ang paru-parong laging may dalang hiwaga sa tuwing aking makikita. Nawalan ako ng balanse sa aking sistema kaya nanlabo ang paligid.

PAGKAMULAT KO ay si Magayon na ang naabutan ko habang nakahiga ako sa mahabang upuang gawa sa kahoy, tabi ng aking mesa.

Napabangon ako agad at naguguluhan siyang pinakatitigan.

Sinapo ko ang aking noo, ramdam doon ang biglaang pagguhit ng sakit, napapikit pa ako nang mariin. Nang makabawi ay agad ko siyang matamang sinuri.

Siya iyong kaninang biglaan na lamang sumulpot dito sa silid na ito. Sinabing nais niyang makuha ang trabaho bilang bagong tagapangalaga ng hardin.

"Huwag na ho kayong mag-alala pa, Lakan Isug, dahil maayos na ang inyong pakiramdam."

Nanliit ang mga mata ko sa kaniya. Napaupo na lang ako, iniiwas ang tingin sa kaniya dahil naalala ang natunghayan pagkabukas ko sa silid kung saan ko siya pansamantalang itinago.

Tumango na lamang ako at tumayo nang marahan.

"Ang bigat niyo po pala, mahal na lakan. Binuhat ko kayo noong nawalan kayo ng ulirat kanina. Mas mabigat kayo pihado sa mga paso ng halaman kaya tiyak kaya kong pangalagaan ang hardin ninyo!"

Nilingon ko siya, hindi makapaniwalang nagamit niya pa ang pagbubuhat sa akin para tulungan akong makagawa ng pagpapasya patungkol sa kung tatanggapin ko ba siya bilang bagong katiwala sa harding iyon.

Bumuga ako ng hangin. Alam kong kaya niya naman iyon gaya ng kaya iyon ng marami ngunit ang kaalamang bago ko pa lamang siyang nakikilala, nahihirapan ako kung dapat ba siyang pagkatiwalaan.

Nagkasalubong ang kilay ko, naghahanap ng tamang pasya ukol dito.

Muli akong bumuga ng hininga nang maalala kung anong nakita ko kanina. Ibig ko pang malaman kung sino siya. Kung bakit ganoon ang aking nakita kaya tumango ako.

"O, siya, ikaw na ang bagong tagapangalaga ng harding iyon basta iyong tiyakin na walang kahit dahon ang malalanta, walang ugat ang mauuhaw at walang halaman ang hindi masisinagan ng araw, nauunawaan?"

Tumango siya nang may ngiting abot-tainga. Hindi ko maunawaan ngunit pati ako, napangiti na rin.

"Maraming salamat po, Lakan Isug!" Saka siya nagtatalon-talon at mabilis na tinungo ang kinauupuan ko upang yapusin ako nang mahigpit.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Aug 10, 2020 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon