Si Magayon
at ang Lakan Isug
___________________Kabanata 13 (2/3)
"ATE, ANONG nilalaman ng liham?!" nag-aalalang tanong ni Dalisay sa nakatatandang kapatid na babae. Wala naman itong magawa upang maabot ng tingin ang hawak na liham ng hamak na mas matangkad sa kaniyang ate.
Napalunok si Masagana at hindi alam kung sasabihin ba ang nababasa.
Nasa akin ang iyong ina, nakagapos at naghihikahos. Huwag mo akong isipan nang masama. Hindi ko nais na saktan ang iyong ina nang malubha. Ibig ko lamang mangalakal, Masagana. Ang iyong ina, kapalit ang napakagandang dalaga...
Hindi niya napigilang mapaluha at manghina. Niyakap siya agad ng kaniyang nobyo at inalu ngunit hindi iyon pinawi ang pag-aalala sa kaniyang ina.
Dahil sa panghihina ng ate, nagawang kunin ni Dalisay ang liham. Marunong na silang magbasa ng baybayin kaya agad niyang naunawaan ang laman ng liham. Nataranta siya at hindi na alam anong gagawin.
Samanatalang naiisip na nila kung sino ang tinutukoy na magandang dalaga. Si Magayon. Siya ang kapalit ng kaligtasan ng kanilang ina.
Ngunit magagawa ba nilang ipalit ang kaibigan kay Lualhati? Malamang ay oo. Si Lualhati na kanilang ina na lamang ang natitirang magulang nila.
Agad nilang pinagplanuhan ang pagpunta sa dating nayon. Nasabihan na rin nila si Magayon sa maaaring mangyari. Sa gabay ng Lakan Isug, pinahintulutan silang bumalik kasama ang mga armadong tauhan ng lakanato.
Hindi naman makakasama ang Lakan Isug dahil ang araw ding iyon ay ang kaarawan ng sultan ng kabilang nayon kaya bilang paggalang ay ninais niyang ipaubaya na lamang kay Apitong ang mag-anak.
Kay Kamagong maiiwan ang pansamantalang pamamahala ng lakanato upang mapanatili ang kaayusan.
Nang makaabot kasi sa ibang bayan ang kawalan ng presensya ng pinuno ng lakanato, marami na ang nagbabanta sa kanilang kaligtasan. Hindi ito kaya ng mga babaylan dahil magkaganunman, ang lakan ang dapat namumuno at si Lakan Isug din kasi ang may karapatang manguna ng kanilang hukbong sandatahan.
SA KABILANG dako ay nakagapos ngang talaga si Lualhati. Paos na ang kaniyang boses ngunit nagpatuloy siya sa paghingi ng tulong, umaasang may makakarinig at may magmamalasakit.
Nakakulong siya sa kulob na kwartong madilim at maalikabok. Lugar na hindi niya alam kung saan ngunit batid niyang mapanganib.
"Tulong! Tulong! Kaawan niyo ako, panginoon! Huwag niyong hayaang magtagumpay ang kasamaan!" galit at tapang ang lumulukob sa sistema niya. Tila isa isang leon na nagwawala, hindi nagtutunog-kawawa.
Natumba siya sa kaniyang inuupuang pinaggagapusan niya dahil sa pagtalon-talon niya.
Matagal nang namumugto ang kaniyang mga mata at gutom na rin.
Naluha na lang siya sa sakit nang biglaang maramdaman ang pagbagsak ng kaniyang katawan sa maalikabok na sahig at ang isa niyang braso ay naipit sa pagitan ng sandalan ng upuan at ng sahig kung saan siya humandusay ay kaniya ring ininda.
"T-Tulong!" iyon ang nais niyang sambitin ngunit dahil sa pangingirot ng katawan ay tila ibang lenggwahe ang kaniyang binigkas sa hangin.
Gumalaw siya nang kaunti upang kahit paano ay hindi maipit ang kahit anong bahagi ng kaniyang bugbog na na katawan.
Bumuntong-hininga siya nang maramdaman kahit kaunti ang ginhawang dumaloy sa kaniyang sistema.
Kahit isang bahagi ng kaalaman kung bakit siya nandito at nagdurusa ay wala siyang kaalam-alam. Ang alam niya lang mula nang dakpin siya ng mga lalaki at pagbubugbugin ang mga kasama niyang tauhan ng Lakan ay may kailangan ito sa kaniya. Ngunit ilang araw at gabi na ang nagdaan, hindi pa rin ito nadadagdagan.
Kailangan kaya nila ng kayamanan? Hindi siguro! Imposible dahil hindi naman sila ganun karangya.
Napakurap-kurap siya matapos pumasok ang kaalamang maaaring dahil sa koneksyon niya sa Lakan Isug ang siyang dahilan ng lahat ng ito.
Kung sinuman ang may pakana nito ay malamang may dalang peligro. Sana ay hindi na madamay pa rito ang tatlo niyang anak dahil panigurado, mapapahamak ang mga iyon.
"ALAM MO na ba ang usap-usapan sa bayan nitong nagdaang mga araw, kaibigan?"
Napailing siya dahil wala naman talaga siyang kaalam-alam sa nangyayari sa bayan maliban sa pagpapatakbo ng kaniyang malaki at matagumpay na negosyo.
"May bagong negosyong kakalaban sa akin?" iyon agad ang kaniyang inaalala.
Napangisi si Kisig at pinilig ang kaniyang ulo saka nilapag ang pinag-inuman ng lambanog.
"Pulos pagtatrabaho na lang ang inaasikaso mo, kaibigan. Hindi ka ba naghahanap ng mapapang-asawa?"
Napaisip doon si Pilak. Oo nga at may kani-kaniyang asawa na ang kaniyang kaibigan samantalang siya ay wala pa. Kasalanan niya bang inabala niya nitong nakaraang mga taon ang sarili sa pagpapalago ng negosyong iniwan sa kaniya ng mga magulang niya? Hindi rin siguro.
"May kinalaman ba nag kawalan ko ng asawa sa usap-usapan? Ano? Pinag-uusapan nila ako?"
Gitna pa lang ng pagsasalita ni Pilak ay inilingan na siya ng ulo ni Kisig.
"Hindi, kaibigan, syempre, hindi! Ang ibig kong ibahagi sa iyong usap-usapan ay ang daragang magayong pinagkakaguluhan ng mga lalaki! Maputi, maganda malamang, kaakit-akit, nanghihila ng pansin sa nakararami!"
Napatayo si Pilak sa pananabik. Nanghihila ba kamo ng pansin ng nakararami? Iyon ang kanilangan niya upang mas maging tanyag ang kaniyang negosyo! Mas mapapalawak niya ito oras na mapasa-kaniya ang tinutukoy ni Kisig na daragang magayon!
"Nasa'n ang daragang magayong iyong tinutukoy?"
Agad mas lumawak ang ngisi ni Kisig dahil naramdaman nitong naiibigan agad ng kaibigan nito ang tinutukoy nito.
Sa totoo lang, ibig nitong mapasakamay ang daragang magayon ngunit tapat ito sa kaniyang asawa. Hindi dahil mahal nito iyon ngunit ang asawa nito ang mayaman at nagpapalamon dito. Kung hindi ito magiging tapat dito ay baka mapalayas ito bigla-bigla.
"Nasa isang nayon isla ang pagitan sa Lakanato ng Lawan. Tahimik lamang iyon at tanging ang isang mayamang ginoo ang nagmamay-ari sa halos lahat ng lupa roon."
Tumango-tango siya at nagplano agad sa kaniyang utak.
"Oh, siya! Ikaw ang magsimula sa paghahanap doon sa daragang magayon. Malaking salapi ang ibabayad ko sa iyo at sa mga tauhang uupahan mo oras na makuha ko na ang dilag."
Nagsimula na roon ang paghahanap ngunit malas nila na hindi na pala roon nakatira ang mag-anak na kasama ni Magayon. Nasa Lakanato ng Lawan na ito ngunit hindi sila agad sumuko kapalit ng malaking salaping sinasabi ni Pilak na kapalit.
Gumawa sila ng paraan upang mapabalik ang mga ito roon ngunit ang tanging dumating ay ang ina nila. Dahil sa desperasyon at iritasyon, pinagbuntunan nila ang mga kasamang lalaki ni Lualhati at iginapos pa ang nahuli.
Nakaisip sila kung paano naman tiyak makakagaw ng pansin at mag-aalala ang mga ito kaya gumawa sila ng liham paanyaya.
Mas madali siguro ang pagdakip sa kanila sa Lakanato ng Lawan ngunit dahil 'Lakanato' iyon ay tiyak hindi na nila sinubukan dahil siguradong magbabayad sila nang malaki at dugo.
NAPANGISING NAKAKAKILABOT si Kisig habang tanaw ang mga papalapit na taong tiyak niya ay ang kanilang pinakahihintay. Sa gitna nila ay si Magayon na kapansin-pansing talaga dahil sa taglay nitong ganda. Ngunit isang bagay lang ang naiisip niya sa sandaling ito. Salapi.
***
SoFluvius

BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasiDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...