Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 7
MANGHANG-MANGHA pa rin si Masagana at ang kaniyang mag-anak sa Lakanato na ngayon ay halos mag-iisang linggo na nilang tinutuluyan. Ang mga magagandang kabahayan. Ang tanggapan ng mga mahuhusay na babaylan. Ang ilog na maraming ginto sa gitna ng malagong bayan. Bukod sa pagsasaka kasi ay hanapbuhay din nila ang paghahanap at paghuhulma ng ginto upang maging hikaw, kwintas, pulseras at iba pang koloretes ng kababaihan pati ng mga lalaki gaya ng singsing.
Ito ang pinaka-bukod-tangi sa kapuluan. Ang Lakanato ng Lawan ay ang pinakamatandang kaharian. Sunod ay nabuo na ang gaya ng Lakanato ng Tondo at Rajahnato ng Maynila.
Ang Lakanato ng Lawan din ang minsan na rin kung dayuin ng mga banyaga na mula pa sa malayong ibayo ng lupa. Tanyag ang kasaganahan ng ginto ng bayan sa halos buong daigdig.
Isang linggo na sila rito ngunit hindi pa rin nila nakikita ang Lakan Isug. Ayon kay Kamagong, na kapatid nito, ay nasa mahabang paglalakbay pa ang lakan. Hindi pa nila alam kung kailan noong minsang tanungin nito ang mga babaylan. Wala raw nasabi si Lakan Isug sa detalye ng kaniyang tinatahak.
Naupo si Masagana matapos dumungaw sa bintana. Nagawi ang tingin niya sa mahimbing pa rin ang tulog na si Magayon. Siya na lamang ang hindi pa nagigising. Hindi naman sa tamad si Magayon, sadyang napagod lamang ito sa pagsama kay Kamagong at Apitong sa tanggapan ng lakan. Nais kasi ng magkapatid na isali sa pagtuturo ng baybayin ang daragang magayon upang kahit paano ay maunawaan na siya at makaunawa rin siya.
Ang kaso ay kailangan pa nilang hintayin ang pagdating ng lakan upang mapahintulutan. Nakakapagtaka ngang nadawit pa ang lakan samantalang walang kahit anong interes iyon sa pag-aaral ng baybayin at kung sinuman ang bibigyan ng pagkakataon upang matuto. May naisip na si Kamagong na dahilan ngunit imposible naman. Wala pa si Lakan Isug kaya bakit tila batid na nila na ang daragang magayon na dumating ay para lamang sa kapita-pitagang lakan ng maunlad na bayan.
Nagpakita na ang haring araw sa daigdig ay nananaginip pa rin si Magayon. Ang laman ng kaniyang panaginip ay sa isang kagubatan. Nakikita niya ang likod na katawan ng isang matipunong lalaki na sa bulto at pananamit ay tiyak isang mandirigma.
Nakarinig siya ng ingay na kadalasang ginagawa ng ahas, napahinto rin ang lalaki at nilingon ang nasa likuran, sa kaniyang paglingon, isang sigaw ang umalingawngaw sa kasukalan.
Ang mukha ng lalaki, malabo. Tila sinadyang hindi matanaw ang mukha nito ngunit ang boses, tiyak si Magayon na kung sakaling maririnig niya muli, makikilala niya.
Napabangon siya sa isang panaginip. Hingal na hingal siya na nagpataranta kay Masagana. Agad dumalo si Masagana. "Anong nangyayari, Magayon?" Pagalit nitong sabi.
Tiningala niya ito at umiling.
Bayolenteng bumuga ng hangin si Masagana. "Masama tiyak ang iyong panaginip. Sandali at ikukuha kita ng baso ng tubig."
Umalis sa gilid ng papag kung saan nakahiga ang dalaga si Masagana upang tunguhin ang kusina at magsalin ng tubig sa baso para kay Magayon.
Naiwang nakatulala naman si Magayon, hindi mawari kung sino ang lalaking nasa kaniyang panaginip. Nais niyang malaman iyon, baka sakaling bahagi iyon ng kaniyang alaala ngunit kahit anong piga sa kaniyang utak ay wala naman siyang maaninag sa mukha ng lalaki.
Sing-labo ng wangis ng lalaki sa kaniyang panaginip ang pagbabalik ng kaniyang alaala. Pinilig niya ang kaniyang ulo at hindi na pinilit pang makaalala.
"Dalisay, ikaw muna ang sasama sa akin sa paglalabada. Itong ate Magayon mo ay masama pa ang pakiramdam kaya siya na lamang ang maiiwan kay inay."
Tumango naman ang nag-aalalang si Dalisay.
"Pawang may pinagdaraanan silang dalawa ngayon, ate. Tama bang iwan sila rito nang sila lamang?"
Napahinto naman sa ginagawang pag-aayos ng kahoy na mesa si Masagana at nilingon si Dalisay bago ang kanyang inay na nakatulala lamang habang nakaupo sa upuan na sa bintana nakaharap. Tanaw sa bintana ang maberdeng kapatagan ng lakanato.
Maging si Magayon na nakatulala rin katabi ang inay ay natanaw niya. Buhat ng sinabi ni Dalisay ay nag-alala tuloy siya sa kalagayan ng mga ito.
Ngunit agaran din naman siyang nakaisip ng paraan.
"Ano kaya kung isama muna natin ang dalawa? Hindi naman sila makakaabala dahil na rin sa parehas tulala." Kahit nag-aalala ay upang gumaan ang pakiramdam nila ni Dalisay, tumawa siya nang bahagya.
Natawa rin si Dalisay at tumango naman. Ayos na sana kaso may iba na namang pinroblema ang kaniyang kapatid.
"Sinong maiiwan sa bahay, kung ganoon, ate Masagana?"
Pinilig na lamang niya ang kaniyang ulo sa dami ng tanong ni Dalisay. "Nandiyan ang alaga nating dalawang aso upang bantayan ang tahanan. Sa bangis ng dalawang iyon, tiyak mapapaatras ang sinumang magtatangka." nakatitiyak niyang sabi.
"Ngunit paano sila magnanakaw kung wala namang bagay na kanakaw-nakaw sa ating tahanan, ate?" nakakainsultong sambit ni Dalisay.
Pinanggigilan ni Masagana ang pisngi ng kapatid na agarang inilayo ng nahuli. "Ate!"
"Ikaw talaga, bunso, kung anu-anong naiisip. Ke-bata-bata pa ay sangkatutak na agad ang laman ng kokote!" hindi niya alam kung dapat ba niyang kagiliwan ang angking katalinuhan ni Dalisay at pagiging mausisa. Ang pagiging mausisa ay mapanganib talaga.
Ngumiti siya upang itago ang pag-aalala sa kapatid. "Tara na!"
Iyon lamang at lumabas na sila ng bahay at tinungo ang bahay na pagsisilbihan sa paglalabada.
Tinawag niya ang may-ari ng bahay at sinabi ang pakay. Naunawaan naman agad ng babae ito at pinapasok na sila. Nagpaliwanag si Masagana sa ginang ng tahanan at naunawaan naman nito ang sitwasyon nila.
Sa totoo niyan ay nasa kalapit lamang sila ng mismong lakanato. Ang tinitirhan nila ngayon ay nasa labas ng lupain na sagrado para sa lakan at babaylan.
Ang tulad nila ay hindi naman matatawag na alipin. Ang alipin ay kadalasang pinakamahihirap sa iba't ibang panig ng kapuluan. Ang kalapit sa bayan ay isang lakanato na nilaan ng dating lakan para sa mga orihinal na taga-roon ngunit nasa antas ng mga mahihirap.
Ang iba naman na nakatira rito ay kalimitan pang dating mayayaman ngunit nabaon sa utang kaya pinatapon mula sa pananahan sa bayang dala ay ginhawa sa karamihan. Mas mainam na rin naman ito kaysa ipatapon sa ibang bayan at kadalasan pa ay sa kawalan.
Maraming humahanga sa pamumuno magpahanggang-ngayon ng dating lakan. Kaya nga kahit pabaya ang kasalukuyang lakan ay ginagalang pa rin nila dahil na rin sa mataas na pagrespeto sa ama nito.
***
SoFluvius
BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...