Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 10
NAGKASAKIT SI Masagana at nagpapahinga sa ibabaw ng papag.
Hindi naman makadalaw si Kamagong na abala sa paghahanda sa pagdating ni Lakan Isug sa lakanato. Ilang taon din niya itong hindi nakita kaya nananabik siyang muling makita ang kapatid.
Dahil sa pagkakasakit ni Masagana ay naudlot ang nauna niyang plano na kung saan magdadala siya ng pagkain para kay Kamagong na lulutuin pa niya mismo.
Ang inay niya na lamang ang nagluto dahil kung siya pa, baka maipasa sa niluluto ang sakit niya. Isang malinamnam na ulam ang inilagay sa isang palayok ng inay.
Naatasan si Dalisay at Magayon na magdala ng pagkain hindi lamang kay Kamagong, pati kay Apitong. Nais sana nilang pati mga kasamahan nito ngunit hindi kakayanin ng kanilang salapi.
"Mag-ingat kayong dalawa, ha? Dalisay, Magayon, ingatan niyo ang bawat isa mula sa panganib, ha?" pangaral ng inay sa kanila.
Nakangiting nagtanguan naman ang mga ito.
Isinabit na ni Dalisay sa kambing ang bayong na may lamang palayok ng pagkain. Siya ang magpapastol nito papunta sa bayan. Samantalang si Magayon ang aagapay sa kaniya. Siya naman pauwi ang magmamaniobra ng kambing upang salitan sila.
"Opo, inay!"
Ilang mga ngitian at tanguan pa ay nagpaalam na sila sa isa't isa upang lakbayin na nga ng dalawa ang papuntang bayan.
Sa pagitan ng nayon nila at ng lakanato ay isang mahabang ilog na tila makinang na balat ng ahas na nakahiga sa maberdeng lupain.
Nalagpasan na nila ang mga hilera ng puno ay nagbuntong-hininga sila dahil nasa harapan na nila ang nasabing ilog.
Nagkatinginan ang dalawa at nagngitian.
Napag-isipan na nilang dalawa ito habang binabaybay ang daang puno ng mga matatayog na punongkahoy.
"May daan sa kabila. May kalayuan ngunit mas mainam na iyon kaysa dumaan sa punongkahoy na ibinagsak upang maging tulay. Dito sana tayo daraan, ang kaso ay may dala tayong alay na kambing."
May katagalan lamang iyong plano nila ngunit mas ligtas iyong daan.
May dala namang itak sila. Nasa likod iyon ni Masagana at nakasabit sa kaniyang suot na puting bestida.
Nang magsimula nilang baybayin iyon, wala namang bago. Ngunit nang dumating na sila sa kalagitnaan ng paglalakbay ay may narinig silang mga kaluskos sa malapit.
Takot na nagkatinginan ang dalawa. Maging ang kambing ay napahinto rin sa paglalakad.
Pinagigitnaan sila ng mga punong humuhugis ng bilog. Damuhan lamang ang inaapakan nila. Tila sinadyang dito sila mahinto sa sentro ng mga puno.
"S-Sino iyan?" nangangatog na wika ni Dalisay habang winawasiwas ang itak sa hangin. Si Magayon ay nagmamatyag naman sa paligid, maging siya ay hindi maunawaan ang hiwagang nararamdaman.
Napatalon si Dalisay sa gulat nang biglang lumabas ang umungol na kambing sa harapan nila.
"MeeeEeeeh! MeeeEeeh!"
Dahil sa pagdating ng isa pang kambing ay nagkagulo ang dalawa. Iyan tuloy at bumagsak ang dalang palayok sa lupa.
"MeeeeEeeeh! MeeEeeh!"
Si Dalisay naman ay hindi na alam anong gagawin. Nagkakagulo nang may dumating na matipunong lalaki mula rin sa pinagmulang banda ng kambing.
"Kambing ko!" sigaw nito sa kaniyang natatanging alagang kambing.
BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasiaDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...