Kabanata 14

7 2 0
                                    


Ipapaubaya ko na ang mga point of view sa mga tauhan at maaaring may salitang hindi angkop sa kanilang panahon. Magkagayunman, sana ay maintindihan ninyo ang paggamit ko ng ilang moderno at mula sa pambanyagang salita. Sa ganitong paraan din kasi ay mas maiintindihan ninyo ang kuwento, mga pinagsasabi nila at ang ibig nilang iparating sa mga mambabasa.

Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________

Kabanata 14

KUMIKIROT ANG aking sentido sa pagbuhos ng iba't ibang alaala sa pamamagitan ng pagpapakita ng iba't ibang senaryong nakahinto na sing-bilis ng bawat kisapmata kaya naman sinapo ko ang aking noo.

Nawalan ako ng balanse mula sa pagkakaupo kaya naman hinayaan ko na ang sariling saluhin ng malamig na napatuyong lupa.

Ang kanina pang nanghahalinang antok na tumatawag sa akin ay tinugunan ko sa paraan ng pagpikit ko nang marahan.

MARARAHAN NA mga hakbang ang ginagawa ko habang taas-noong pinagmamasdan ang mga kauri kong tahimik lang at inaabala ang kanilang mga sarili sa nakalaan sa kanilang gawaing inutos ng aming Inang Diwata.

Ang ibang nakagilid sa dinaraanan ko ay nagsisipagyukuan. Tinutugon ko lamang iyon ng tango nang hindi lumiliban sa magkakasunod na mga hakbang na aking tinatapak sa lupa papunta sa kubo ng Inang Diwata.

Ayon kay Hiwaga na aking pinsan sa ina ay pinapatawag ako ng kaniyang ina at ng buong nayong ito.

Payak ang pamumuhay namin dito maliban sa may taglay kaming kapangyarihang ipinagkatiwala ng Inang Kalikasan. Ang aming kakayahan ay dapat gamitin sa oras ng kapahamakan at para lang sa kabutihan.

Ang maghangad ng kapangyarihan, karangyaan at katanyagan ay wala sa bokabularyo ng aming lahi. Siguro dahil hindi naman kami tao. Ipinagkibit-balikat ko na lang iyon, bahala sila sa kanilang mga buhay. Kanila iyan. May mga utak sila, hindi nga lang ginagamit. May puso sila ngunit hindi naman nila pinapakinggan ang bawat tibok nito.

Sa tagal kong nagmamasid sa ilan sa kanila, mas itinutuon nila ang kanilang panahon sa mga "mahahalagang bagay" gaya na lang ng kanilang luho at bisyo.

Kaya hayun at napapabayaan ang mga bagay na karapat-dapat bigyan ng sapat na atensyon at maayos na paglinang.

Umiling ako at dahan-dahang binuksan ang pinto sa hawakan nito. Nang tuluyang mabuksan ang pinto, tumambad sa akin ang mag-isang ngingiti-ngiting si Diwa, ang bunso ni Inang Diwata at nakababata ko ring pinsan.

Base sa pamumula ng kaniyang pisngi at ngiting nakaguhit sa kaniyang labi, nakakaramdam na ng pag-ibig ang pinsan kong ito.

Nanliit ang mga mata ko sa kaniya. Hindi naman sa masama ang umibig dahil gaya ko ay nasa tamang edad na siya upang makapagpasya para sa kaniyang sarili, ngunit kung susundan ang guhit ng mga bagay na pinagkakaabalahan niya nitong nakaraang mga araw, ituturo ako nito sa mga tao. Inirap ko na lang ang nararamdamang inis.

Napansin din matapos niyon ni Diwa ang aking presensiya kaya naman nilingon niya ako. Namilog ang mga mata niya at mabilis na nagtatakbo palabas. Gumawa iyon ng malakas at mabilis na bugso ng hangin na humawi sa laylayan ng aking suot na puting bestidang lagpas-tuhod lang ang hangganan.

Hinawakan ko agad iyon at sinundan ng tingin ang tinahak na daan ng aking pinsan. Bumuntong-hininga na lang ako, tinatanong kung nasaan na ba ang Inang Diwata at ang anak niya lang naman ang nakita ko pagkatapos ihawi ang pinto ng silid niyon.

"May ipagkakatiwala ako sa iyong tao bilang iyong unang tungkulin sa ating nayon maging sa lahi natin." paunang mga salita ng Inang Diwata na hindi ko ganun naunawaan dahil na rin mas pinagtuonan ko ang pagsalubong sa pagsulpot niya na lang bigla sa likuran ko.

Nang lingunin ko siya ay nginitian ko, sinabi ang mga katagang kadalasan binabanggit tuwing nagkikita. "Magandang araw, Inang Diwata. Saan po kayo galing at hindi kayo ang naabutan ko kung hindi ang iyong nagkukulay-kamatis na anak?"

Maikli niyang ibinuga ang hangin at pinilig ang ulo. Halata sa hitsura niya ang inis sa kung anumang dahilan.

Hindi ko na kailangang magtanong dahil nang sambitin niya na ang kalipunan ng mga salita, alam ko na agad anong dahilan noon.

"Nandito lamang ako ngunit hindi man lang ako napansin niyang magaling kong anak, Maganda. Paano ba naman ay mas pinagtutuonan ng pansin ang pag-iisip sa nararamdamang pag-ibig! Naku, oras na malaman ko kung sino ang nagpapatibok dalawang beses na mas mabilis kaysa normal sa puso ng aking anak, malalagot siya!" Eksaherada niyang pagpuna.

Magkaparehas kami ng hinuha ng Inang Diwata kaya mas tumaas ang posibilidad na tama iyon.

"Malamang ay mas malala ang gagawin ng Inang Diwata kung isang tao ang dahilan nit---"

Umiling siya at sinenyasahan na akong tumahimik, halatang hindi nagugustuhan ang aking pinagsasabi.

"Hindi ko na nga iniisip ang ganyang bagay, huwag mo nang ipaalala pa, mahal kong pamangkin."

Nginisian ko lang ang iritasyong ipinangtatakot niya sa akin. Kung iba tiyak ang makakaharap niya, agad mababahag ang buntot ng mga iyon siyempre maliban sa akin dahil sa kaniya ako nagmana.

Minsan nga ay ako ang nais niyang mamahala matapos ng kaniyang pamumuno dahil nakikinita niya na magiging mahusay akong pinuno balang araw gaya niya sa nayong ito.

"Anong tungkulin?" Ako na ang siyang nagbalik sa sinasabi niya dahil halos makalimutan niya na ang dahilan bakit ako pinatawag dahil sa iritasyon para sa anak.

Gumaan na ang mukha niya matapos ko iyong itanong, napawi ang mabigat na iritasyon at napalitan ng pananabik sa kung anumang tinutukoy niya.

Bumuga muna ako ng hangin bilang paghahanda sa kung anumang tungkuling ibibigay niya sa akin.

"Oo nga pala! Muntik ko nang makalimutan, Maganda, na may ibibigay ako sa iyong tungkulin. Madali lamang iyon kaya huwag kang mag-alala na mapapahamak ka."

Ginamit ko ang pagpapakipot niyang diretsuhin ako at mas piniling magsimula sa pag-aalu sa nakaambang pag-alala na baka maging dahilan pa ng aking pagtanggi para bumuga muli ng hangin sa kawalan.

Sinulyapan pa muna niya ako bago magsalita, tinatantiya at nag-aabang kung anumang reaksyon ang guguhit sa aking mukha.

"Babantayan mo lang ang batang lakan na mamuno sa lakanato dahil nga pumanaw na ang bantog na lakang ama naman ng susunod na lakan. Kailangan mong ituro sa kaniya ang mga bagay na hindi naituro ng kaniyang ama...

"Hindi naman kasi inaasahang mawawala na lang bigla iyon kaya kampante pa ang ginoong lakan...

"Kaya ang gagawin mo, turuan siya ng tamang pamumuno at aluing kaya naman ng batang lakan ang tungkuling iniatas sa kaniyang mamuno sa nasasakupan ng kaniyang lakanato...

"Tandaan mo, pamangkin kong Maganda, kailangan mo na magtagumpay sa tungkuling ito. Oras na hindi, maaaring magmitsa ng kaguluhan at ang mas malala, dumanak pa ang dugo sa paligid."

Kinakabahan at nananabik sa tungkulin, tumango-tango ako nang ilang beses at mabilis. Napangisi ang Inang Diwata sa akin.

"Ngunit iyong paka-tandaan, pamangkin, huwag na huwag kang iibig sa isang tao o sa mismong lakan. Kasiraan lamang ang makakamtan mo oras na umibig ka sa isa sa kanila. Sinabi ko na sa iyo iyan, huwag mong sabihing hindi, oras na umuwi kang napupuno ng kalungkutan dahil nagmahal ka ng isang mortal."

Napawi ang pananabik, naiwan ang matinding kabang nararamdaman na mas lumala pa yata dahil sa sinambit na pagbibigay-babalang iyon ng Inang Diwata sa akin. Napalunok ako at napakurap-kurap.

Gusto ko mang haplusin ang itaas ng dibdib ko, hindi ko magawa dahil nanginginig ang mga kamay ko. Ayaw kong mapansin iyon ng kausap ko dahil pihadong pagtatawanan niya lang ako.

"Iyan ay babala lamang, ha? Huwag kang kabahan kung alam mo naman sa sarili mong matibay ang paniniwala mo't hindi matitibag dahil lang sa isang lalaking mortal...

"Ano ang nangyayari pag natitibag ang isang bagay? Nasisira...

"Nadudurog...

"Natutumba...

"Tunay na nakakapangamba, hindi ba?"

***

SoFluvius

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon