Kabanata 3

18 2 0
                                    


Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________

Kabanata 3

NAPALUNOK SI Masagana at umawang naman ang labi nitong si Kamagong na tila nagbabalak magsalita. Bakas din ang nagniningning na mga mata nito na tila ikinatuwa ang narinig sa pinapangarap nitong dalaga.

Naputol iyon dahil dumating agad ang ama ni Masagana at pinapasok na sila sa tahanan. Masama ang tingin ng ama niya sa kay Kamagong na napansin niya. Nagtaka siya. Samantalang napayuko na lang ito at tumango.

Pumasok na sila at nagawi ang tingin niya kay Magayon na nakatingin sa kaniya na tila alam ang kaniyang nililihim. Nagsalubong ang kilay niya at inirapan ito.

Umupo sila sa kahoy na upuan dahil sa paanyaya sa kanila ng ama. May mahalaga raw na pag-uusapan. Kinabahan naman siya. Ano naman marahil ito?

"A-Ama, bakit po?" nauutal siya dahil ilang dangkal lamang ang layo niya sa binata.

"Masagana, kilala mo naman si Kamagong, tama ba? Magkakilala na kayo..."

Hindi niya maisip kung ano ang naging reaksyon niya sa kung anu-anong kababalaghang naiisip niya.

Tumango naman ito at itinikom na lamang ang bibig na nagtangkang magsalita ngunit dala ng kaba, wala rin.

"Itong si Kamagong, masipag kaya matipuno ang katawan. Isang hamak na magsasaka lamang dito sa ating munting nayon. Iyon ang akala natin dahil iyon lang ang pakilala nitong isang ito," hindi makapaniwalang sabi ng matandang ginoo. Tatawa-tawa ito at tila tuwang-tuwa dahil na rin sa nalaman nito sa lalaking kasamahan sa pagsasaka.

"H-Ha?" Naguguluhang tugon ni Masagana.

Tinignan niya ang ama at pasimpleng sinulyapan ang katabi. Namula siya at umirap sa kawalan nang makita ang titig ng lalaki sa kaniya.

Bakit ba ganito ang aming pinag-uusapan? Iyon ang tanong sa kaniyang isipan.

Sa pagkakatanda niya ay dumalaw ito nang nabalitaan ang pagdating ni Magayon at kung nakapag-usap ang mga ito ngayon, tila ba pinamimigay na siya ng ama sa binata kung ipagmalaki si Kamagong.

"Siya pala ay kapatid ng Lakan Isug ng Lakanato ng Lawan! Si Lakan Isug, anak!" nagagalak na sabi ng ama sa anak.

Nagkasalubong ang kilay niya. Hindi niya lubos maisip na maaari iyong mangyari. Pumunta itong si Kamagong sa nayon nila na wala gaanong nakakakilala. Hiwaga ang naging dala nito kaya mas kinahumalingan pa ito ng mga kababaihan ng munting nayong ito.

Bumungisngis siya at nagtaka ang dalawang lalaki. Ang bungisngis ay naging halakhak. Hindi iyon maaari! Natatawang banggit niya sa isip.

Inisip niya pang nagpapaniwala naman itong ama niya kay Kamagong. Halata namang gumagawa lamang siya ng kuwento!

Nang makita ang inis na tingin ng ama sa kaniya ay wala siyang nagawa kung hindi pigilan ang pagtawa. Tinignan niya nang bahagya si Kamagong na nakatingin na may ngisi sa labi. Umiwas siya ng tingin.

"Hindi naman iyon maaari, ama. Matagal na nating kasama si Kamagong dito sa nayon at wala namang kahanga-hanga sa kaniya bukod sa katawan niya---" nanlaki ang mga mata niya dahil ipinagkanulo siya ng isip.

Ang dalawang lalaki naman tuloy ang natawa habang sa malapit ay walang bakas na pag-ayon sa hitsura ni Magayon. Abala siya sa pagtingin sa mga ito at patuloy na nahihiwagahan sa mundong kaniyang ginagalawan.

"A-Ang ibig kong sabihin ay... w-wala naman sa tindig niya ang anak ng isang Lakan!" inis niyang sabi dahil tumatawa ang mga ito. Bakit niya ba kasi nasabi iyon, iyan tuloy at iniisip niyang baliw sa katawan ni Kamagong ang pag-iisip niya! Iyon man ang totoo, nakahihiya naman kung malalaman ng iba, hindi ba?

Naiiling siyang nagtungo kay Magayon, umaasang magpakampi ngunit anong magagawa nito? Hindi ito nakapagsasalita ngunit hindi na iyon mahalaga, basta ba ay hindi siya nito nilalait. Ngunit mas nainis siya nang makita ang nakalolokong ngisi ni Magayon na ginaya nito sa dalawa.

Lumabas na lang tuloy siya sa tahanan.

Nasaan na ba ang kaniyang nakababatang kapatid na si Dalisay at bakit natatagalan? Nauunawaan naman niya ang sa kaso ng kaniyang Ina dahil abala ito sa paglalabada sa ilang bahay. Kung wala siyang binabantayan ay tiyak katulong siya ng kaniyang Ina sa ginagawa at mabilis matapos. Hindi sana aabutin ng siyam-siyam.

Tumabi sa kaniya si Magayon na ikinagulat niya. Akala niya naman kung sino na.

"Ikaw pala..." nakatulala niyang sabi sa kawalan habang ramdam ang paninitig ng katabing dalaga.

Nilingon niya si Magayon at nagtaka sa inaasal nito. Tila nagmamakaawa sa kung anong bagay. Tila may sinasabi sa kaniya ang daragang magayon kung makatitig ito.

"B-Bakit ka ganiyan kung makatitig?" tanong niya pa rito kahit alam niyang wala iyong saysay dahil hindi naman nagsasalita itong si Magayon.

"May kailangan ka?" Bumuntong-hininga siya matapos bigkasin iyon. Nais niya nang makakausap ngunit wala namang maitutulong ang titig nito sa kaniya na tila may nais iparating ngunit hindi alam kung paano kaya dumagdag lamang iyon sa iisipin niya.

Sumilip sa bintana si Masagana habang nakikita ang ama na hinahatid na sa bakuran ang pauwi na na si Kamagong.

Nasa tabi niya lamang si Magayon at isinawalang-bahala niya na lang ang pagtataka nito sa ginagawa niya. Itinaboy niya kasi si Magayon upang makasilip ngunit nagtatago naman. Pinagtago niya rin si Magayon kaya mas lalong nagtaka ang dalaga.

Nakita niya na walang paglagyan ng tuwa ang mga mata ng kaniyang ama habang nagpaalam ang binata rito.

Noong umalis siya sa nagtatawanang lalaki ay hindi naman iyon ikinasama ng loob ng kaniyang ama. Naunawaan naman iyon dahil sino ba namang hindi aalis kung pinagtatawanan ka na?

Nang makalabas sa bakuran ang binata ay isinara naman iyon agad ng kaniyang ama at muli pa ang mga itong nagpaalam sa isa't isa. Tinanaw pa ng ama ang pag-alis ni Kamagong bago nilingon ang tahanan nang nakangisi.

Mas lumawak ang ngisi ng ama nang masulyapan niya ang nakatungangang anak sa bintana habang hinahabol ng tingin ang naglaho nang binata.

Hinawakan ng ama si Masagana sa balikat na ikanagulat niya. Napahawak siya sa dibdib at napakurap-kurap. "K-Kayo pala ama." Kinalma ni Masagana ang sarili habang naiinis sa inaakto ng ama na tila inaakusahan siya ng kung ano. Nagkasulubong ang kaniyang kilay at tinanaw si Magayon na ganundin ang tingin, nanghuhusga.

Pinilig niya ang kaniyang ulo. Umawang ang labi ng mang-iinis na ama ngunit hindi iyon nangyari dahil sumigaw nang malakas si Dalisay na narito na raw ito kasama ang kanilang ilaw ng tahanan.

Iyon na ang nilingon nilang tatlo. Lihim na guminhawa ang kaniyang nararamdaman dahil hindi na siya maaasar ng kaniyang ama.

***

SoFluvius

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon