Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 15
ANG LAKAN Isug ng Lakanato ng Lawan ang pagpapaikli sa tinanggap kong tungkulin.
Habang itinatalakay sa akin iyon ng Inang Diwata, nananabik ako at natatakot. Ngunit sinabi ko sa sarili ko na kaya ko. Ako pa.
Noong unang mga araw, ang ginagawa ko lamang ay manmanan siya mula sa malayo o kapag may nakikita akong kausap niya, lumalapit ako sa anyo ng isang paru-paro sa kung nasaan man siya.
Kung iaayon sa pakikipag-usap niya sa mga tao, kakikitaan ang pagiging payak niya bilang isang tao, malayo sa inaakala kong mayabang na lakan. Ganun kasi kadalasan ang naririnig kong kwento-kwento ng mga kauri ko hinggil sa mga pinuno sa iba't ibang bahagi ng yaong mundo.
Napapangiti ako tuwing nakikita kong ngumingiti siya habang kinakausap maging ang mga nasa mababang antas ng pamumuhay base sa pananamit at pag-iwas ng iilan.
Totoo kayang kinakabahan siya? Kung ang pagbabatayan ko lamang ay kung paano siya makitungo, paano siya tuwing umaga at pag may madla, maaaring isipin kong hindi at mapagpasyahang hindi na siya turuan pa.
Pero tuwing gabi sa kaniyang silid, mag-isa sa madilim na paligid, napagmamasdan ko ang gwapo at makisig niyang tindig na may bahid ng sobrang kalungkutan.
Ganito ba ka-gulo ang mga tao? Ganito ba ka-galing maglihim ang isang tao? Ganito ba ka-husay magpanggap ang mga gaya niya? Kung ganun, sobrang nakakalito talaga sila.
Ngunit dumating ang isang araw na pinakahihintay ko. Ang mabakante ang kaniyang oras sa umaga at mapansin ako. Sa pagkakataong iyon, aakitin ko siya bilang isang paru-paro sa pamamagitan ng mga masisigla at magagalaw na kulay sa aking mga pakpak.
Lumiko ako at nagtago, nanatili sa anyo ng isang paru-paro, sa likuran ng puno.
Ramdam ko ang pagsunod niya sa akin, dinig ko ang mga yabag niya papalapit sa aking gawi pati ang pagsigaw niya ng, "Nasa'n ka? Magpakita ka sa'kin!"
Hindi ko alam anong gagawin pero hindi na ako nakapag-isip pa nang lagpasan niya ako. Ang likod lang ng katawan niya at ang pagilid-gilid na ulo sa pagbaling sa kaliwa't kaan kaya natatanaw ko ang gaspang ng kaniyang hitsura at kabuuang tindig.
Pinagaspas ko ang mga pakpak ko at sinundan siya. Natatawa ako sa isip ko habang naririnig ang paghahanap niya sa akin samantalang nasa likuran lang naman niya ako.
Hindi ko alam at hindi ko magawang pigilan ang paghanga sa likod na katawan niya. Naggagalawan ang mga tipak-tipak ng katawan niya sa bawat pagkilos niya.
Suot niya ang isang kasuotang maihahambing sa pananamit ng isang mandirigma. O baka dahil sa pangangatawan niya kaya ko naisip na isa nga siyang mandirigma. Mas malapit sa realidad ang ikalawang dahilan kung bakit.
Gusto ko mang mas tumagal sa pagtawa sa isipan, agaran ko na iyong pinutol at mas pinagpasyahan nang lumapit sa kaniya para dapuan ang kaniyang balikat.
Ngunit bago pa ako tuluyang makalapit, nakita ko ang biglaang paglundag ng isang ahas papunta sa kaniyang likod sa bandang ibabang bahagi nito.
Nagulantang ako ngunit hindi siya nabigyan ng paalala kaya isang kisapmata lang ay natagpuan ko na ang malaking bulto niyang nakahandusay sa may ilang putik sa lupa at may mangilan-ngilang tuyong dahon.
Agad akong dumapo sa dibdib niya upang marinig ang unti-unting pagbagal ng bawat tibok ng kaniyang puso. Kinakabahan ako at naduduwag ngunit hindi ito ang panahon para roon.
Ni-hindi ko pa nga siya natuturuan kung paano mamuno ay nababaon na ang isa niyang paa sa hukay!
Nang makapag-isip-isip na, nag-anyong diwata na ako at agad tinangkang hilumin ang kaniyang sugat. Mabuti na lamang ay kahit paano, nakikinig ako sa itinuturo sa amin ng aming Maestra tungkol sa panggagamot.
Bumigkas ako ng mga salitang pina-kabisado sa amin na dapat sambitin habang nanggagamot upang mas maging mabisa ang isinasagawang panggagamot.
Nag-angat ako ng tingin sa kaniyang mukha kaya naman mas na-detalye ang gwapong hitsura niya sa aking isipan.
Iba ang kaniyang mukha para sa isang tao. Ang guwapo. Para siyang lalaking diwata na kadalasang nagsisilbing pagsanggalang ng aming nayon doon. O kaya isang diyos.
Ang mga tipak naman ng laman ng kaniyang braso ay matipuno, sapat lamang na makipagdigma at makapaslang ng kalaban.
Ngunit kahit magaspang ang kabuuan niyang tindig, hindi ko maiwasang isiping napakaamo niyang tignan ngayong nahihimbing siya dala ng lasong mayroon ang ahas maging siguro ang takot at pagkagulat.
Nang matapos na ang ritwal na aking isinagawa, nagkaroon na ako ng pagkakataong abutin ng kamay ko ang kaniyang mukha.
Nagtagal ang mga daliri ko sa pagdama sa malalambot niyang labi. Napalunok ako at agad iniwas ang tingin, hinaplos nang malamyos ang itaas ng dibdib dahil tumitibok ito dalawang beses higit sa normal nitong pagtibok.
Unti-unti, naghilom iyon at nagsara ang nagdurugong ga-tuldok na sugat.
Bahagyang nag-angat ang dalawang sulok ng aking mga labi para sumilay ang isang ngiti, satispikado na sa resulta ng aking kauna-unang ginamot na seryoso at hindi lang bahagi ng pag-aaral sa panggagamot.
Nang ibunton ko ang tingin ko sa kanyang mukha, napagmasdan ko ang marahang pagsubok na imulat niya ang kanyang mga mata.
Hindi ako nataranta, bagkus ay hinintay pang tuluyan niyang mabawi ang sariling kamalayan kung saanman ito tinangay ng gulat na naramdaman niya kani-kanina lang.
Batid kong ang mukha kong may nakaguhit na sinserong ngiti ang kaniyang natunghayan nang tuluyan na siyang makamulat.
Umihip ang malakas na hanging tinatangay ang mga tuyong dahong nakakalat at mga maliit na tangkay ng puno.
Nakiayon ang aking katawan sa pagsama sa bugso ng malakas na hangin bilang mga makukulay at nagkikinangang abo.
Tinangay ako sa malapit lang ng likuran ng Lakan Isug at nag-anyong paru-parong may makukulay at nagpapagaspasang pakpak.
Unting-unting kumalma ang hangin sa pagsubok kong harapin ang ngayo'y bumabangon na na lakan.
Nag-angat siya agad ng tingin sa anyo kong paru-paro, nakakunot ang noo na halatang nalilito na.
Noon, akala ko'y hindi niya ako napapansin. Kapag nasa malapit niya ako habang nakikipag-usap sa mga kauri niya, hindi niya man lang ako binibigyan ng kahit isang sulyap lang. Abala siya, alu ko sa sarili.
Hindi ko na kailangan pang itanggi na may nararamdaman akong saya tuwing nakikita siyang tumatawa o nakangiti. Tila bahagi ako ng pagkatao niya na nakikiayon sa kung anong nilalaman at nararamdaman ng kaniyang sistema. O baka talagang ibig ko lang maging bahagi niya? Hindi ko na alam. Kahit hibla lang ng bumubuo sa kaniya ay ayos na sa akin.
Natatakot ako sa banta ng Inang Diwata sa pag-ibig sa isang mortal, sinuman iyan. Natatakot akong sumugal sa isang gaya niya. Marami ng mga diwata ang naranasang umibig ngunit nabigo. Sa huli, natunghayan nilang sa kapwa-mortal ang bagsak ng mga iniibig nila.
Kadalasan ko pang naririnig ay ang iba sa kanilang nabigo na nang isang beses sa pag-ibig ang nais pang magtangka. Naisip na rin nila na maging tao dahil iyon sa tingin nila ang kulang sa kanila na nahanap ng kanilang iniibig sa mga pinakasalan ng mga iyon.
Napaka-sama ng kayang gawin ng pag-ibig sa iyo. Hahayaan ka niyang paniwalaan ang mga bagay na hindi naman maaaring mangyari sa totoong buhay. Mga paghahangad na magpapaasa sa ating may posibilidad na mangyari iyon sa realidad.
Wala namang masama sa pagkapit sa pag-asa. Kailangan iyon sa buhay ng bawat isa, ang maniwala at magtiwala. Ang umasang may bagong araw na sasalubong sa atin pagmulat natin mula sa pagkakahimbing buong gabi. Mga simpleng bagay na inaasahan nating mangyayari dahil makatotohanan naman hanggang sa mga komplikadong bagay na pinanghahawakan pa rin nating maaaring maganap balang araw.
Malakas akong pumagaspas at nilisan ang kaniyang kinaroroonan para hindi niya na ako mahuli pa at baka saktan pa ako pag tuluyan nang nakabangon sa pagkakasalampak sa putikan.
***
SoFluvius

BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...