Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 4
IYON ANG kaniyang akala. Na giginhawa pansamantala siya dahil dumating na ang kaniyang kapatid at Ina. Sinubukan niyang simulan ang usapan sa hapag-kainan patungkol sa inabala ni Dalisay at ng ina.
"Wala namang bago, Ate, kaya bakit ka naman nagtatanong? Ako ang pinagbantay sa talipapa ni Manong Kado sa kaniyang puwesto sa talipapa habang naglalaba si Ina."
Nagtaka ang kaniyang kapatid na si Dalisay at ang kaniyang Ina dahil sa biglaang pagtawa ng haligi ng tahanan sa hapag.
Ngumiti ang kaniyang Ina sa asawa nito. "Ano bang nangyari ngayong hapon? Magkuwento naman kayo!" nananabik na sabi ng kaniyang Ina.
Nasapo na lamang niya ang kaniyang noo habang walang pakundangang sinasabi ng ama ang pag-amin ni Kamagong na nais nitong hingin ang kamay ng anak nito upang maipag-isang-dibdib.
Hindi niya alam ang bahaging iyon. Hindi niya nais na kutyain siya kay Kamagong at ang pakay nito ngunit hindi niya naman maiwasang pamulahan tuwing iniisip na nais makipag-isang-dibdib sa kaniya ni Kamagong.
Hindi niya lubos maisip na maaaring mangyari iyon. Akala niya ay hanggang sa panaginip lamang iyon.
"Matagal na naman nang umamin itong si Kamagong sa akin, anak. Matagal na iyong may pagtingin sa iyo ngunit ako, bilang iyong ama, nais ko ang makabubuti sa kinabukasan mo kaya nais ko siyang paghirapan ang aking basbas. Nakuha niya naman na!"
"Hindi niya naman pinaghirapan, ama. Tila baga nasilaw ka nang marinig ang pangalan ni Lakan Isug."
Natahimik siya nang matalim ang tingin ng ama.
"Siguro ganun na nga, anak. Ngunit hindi mo naman ako masisisi kung nanaising kong makapang-asawa ka ng mayaman dahil gaganda ang iyong kinabukasan. Mabuting tao rin iyang si Kamagong, kung alam mo lamang," sabi pa ng ama sa kaniya. Tumango naman ang tatlo habang nahuli sa pagtango ang gumaya lamang na si Magayon. "Huwag kang mag-alala dahil bukas na bukas, gaya ng aming napag-usapan, hahayaan ko na siyang kuhanin ang iyong tiwala. Tiyak na hindi ka magsisisi."
Napapalakpak sa tuwa ang kaniyang ina. "Makakapagsuot ka na ng magagarang kasuotan, anak! Makakapag-aral ka na rin ng baybayin!"
Kumunot ang kaniyang noo. Ang baybayin na tinutukoy ng kaniyang ina ay sulatin ng mga ginoo. Iyong pinakamataas na antas sa lipunan. Tanging ang mga dugong bughaw at mayayaman lang ang maaaring makapag-aral nito.
Sumakit ang kaniyang dibdib na hindi niya man lang maunawaan kung bakit. Dapat ay matuwa siya ngunit tila nasasaktan ang kaniyang puso kaya naman dinama niya gamit ang kamay ang dibdib na kumikirot.
Napatingin siya sa kaniyang mga magulang na nagpalaki sa kaniya. Ang kaniyang tahanan na kinamulatan niya at ang buhay na kinagisnan niya. Wala siyang naging reklamo sa buhay na mayroon siya. Pinunan ng pagmamahal ng kaniyang mga magulang at kapatid maging siya ang kanilang tahanan na hindi na nila ininda pa ang mga bagay na hindi nila makuha dahil wala silang kayamanan at kapangyarihan hindi tulad ng sa iba.
Pinilig niya ang kaniyang ulo, iwinawaksi ang pag-iisip na mawawala ang buhay na nakasanayan niya. Ibig niyang manatili rito sa kanila at hindi iwan ang kaniyang mga magulang at kapatid kapalit sa isang lalaki.
"Ayaw ko po, ama! Ayaw ko pong mawalay sa inyo, a-ayaw ko po!" biglaang sabi niya.
Napansin iyon ng kaniyang mga magulang at napabuntong-hininga na lamang sila dahil alam na nila agad kung bakit.
Naramdaman niya sa kaniyang likod ang humahaplos na kamay ni Dalisay. "Huwag kang mag-alala, Ate. Magkikita pa naman tayo."
Napatingin siya sa kapatid at agad niyang niyakap. Tiyak niyang mangungulila siya sa kapatid at sa buong mag-anak.
Tumayo ang kaniyang mga magulang na naluluha na rin ngunit nakangiti at ipinapamalas na ayos naman sa kanila. Na dapat hindi mag-alala ang kanilang anak na babae dahil sa kapakanan naman ito ni Masagana.
"Ang sabi naman ni Kamagong, dadalhin ka man niya sa Lakanato, ayos lamang sa kaniya ang pagdalaw namin sa inyo," pagpapabatid ng kaniyang ama.
"Oo nga, anak. Saka gagawa naman kami ng paraan upang makahanap ng tahanan malapit sa inyo," pangangako ng kaniyang ina.
Tumango naman siya at bahagyang gumiginhawa ang pakiramdam dahil sa mga naririnig.
"Basta huwag mong kalilimutang mahal ka namin," paalala ng kaniyang ama na hindi na napipigilan pa ang pagragasa ng damdamin at ng luha.
"Opo!"
Nakita niya sa isang banda ang nakangiting si Magayon. Nag-aalangan ito sa kung ano ba ang gagawin. Ang ipagpatuloy ang pagkain o ang sumali sa pagyayakapan.
Tumawa siya at tinawag si Magayon. Naalala niyang hindi pala nakakarinig kaya inabot niya ang kamay rito at napatingin naman ang dalaga roon. Nang abutin iyon ni Magayon ay agaran ang paghila niya rito upang maisali sa yakapan.
Nagulat ang tatlo at nagtawanan kasama ang nakangiting si Magayon na sila ay patuloy na mahiwagang pinagmamasdan.
ISANG UMAGA ay gumising si Masagana na wala na ang kaniyang mga kasama sa bahay. Naiwan siya sa higaan at narinig ang mga itong nagkukuwentuhan sa labas ng kanilang tahanan.
May naririnig siyang ingay mula sa tinatagang kung ano. Nakatitiyak siyang ang ama niya itong abala sa pagtataga ng kahoy na ginagamit nila sa pang-araw-araw na pagluluto. Ngayong araw tiyak ang pahinga ng ama sa pagsasaka.
Sa kaniyang pagtayo ay nakita niya si Masagana na sinusuklay ang mahaba at makinis na buhok katabi si Dalisay na magiliw itong pinagmamasdan. Nasa pintuan ang mga ito.
Narinig nila ang mga yapak niya kaya nilingon siya ng mga ito.
"Ate! Marhay na aga!" masiglang pagbati ng kaniyang kapatid sa kaniya.
Napangiti siya at ginulo ang buhok nito. Nagtawanan naman sila at napahinto si Magayon sa ginagawa at pinagmasdan ang paggulo niya sa buhok ni Dalisay.
Napakurap-kurap ito at nagtawanan silang dalawa nang makitang ginulo ni Magayon ang kaniyang buhok. Ngumiti naman si Magayon, natutuwa sa kanilang dalawa.
Natanaw niya sa labas ng kanilang bahay ang kaniyang ama at Ina na payapang nag-uusap at nakaupo sa upuang kahoy habang iniinom ang kapeng bigas sa basong gawa naman sa kahoy na hinulma.
Napawi ang kaniyang ngiti nang marinig muli ang pagtataga na naabutan niya kanina. Ang inakalang pinagkakaabalahan ng ama ngunit nakaupo naman ito!
Hindi siya makapaniwalang bumuga ng hangin at umirap nang makita sa labas ng bakuran na ang tapat ay ang bakanteng lupa ay si Kamagong na nagsisibak ng kahoy para sa kanila.
***
SoFluvius

BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...