Kabanata 13 (1/3)

7 2 0
                                    


Si Magayon
at ang Lakan Isug
___________________

Kabanata 13 (1/3)

KINAWAYAN NILA ang kanilang inay na naglalakad na kasama ang dalawang bulto ng lalaki. Papunta iyon sa kanilang dating nayon. Nais sana nilang sumama kaso hindi na pumayag ang inay.

"Nais nilang kamkamin ang lupa! Nang wala man lang paalam sa akin, ha!" galit na singhal ng inay nila nang mabasa ang liham na pinadala ng isa sa kaniyang kapitbahay.

Nagkatinginan naman sina Dalisay at Masagana. Sa lupa nilang iyon nakahimlay ang katawan ni Adlaw kaya bakit kakamkamin ng hindi nagpapaalam?

"Humanda sila sa akin at makakatikim sila ng galit ko!" nanginginig na pagbabanta ng inay sa sinumang pangahas na ninakaw ang lupa.

Hinagod ni Dalisay ang likod ng inay. "Inay, wag na ho kayong magalit. Masama ho iyan." nag-aalalang sambit ng bata.

Nahabag naman agad ang inay sa tinuran ng anak niya. "Pasensya ka na, anak. Hindi ko lamang mapigilang magalit. Tinatanggal nila ng karapatan ang tahimik na pagtulog ng inyong ama."

Napaisip naman si Masagana. "Tuyo na nung umalis tayo sa bayang iyon. Kaya bakit kakamkamin? Kung nais nila ng matitirhan, marami pang puwang."

Tumango naman sila dahil batid nila iyon.

"Kaya nga, anak. Ang pakialaman pa ang lupang nilaan upang himlayan ng isang tao ay hindi dapat binabastos ng ganun. Hindi dapat tinitirhan ang libingan."

"Paano ho, inay kung wala naman silang matirhan?"

"Hindi maaari iyon, Dalisay, maaari silang magtayo kung magsisikap sila. Ano? Dahil ba may bahay na ay papamugaran na ng mga makakapal ang pagmumukhang iyon? Hindi ba sila marunong pagtaga ng kahoy upang gamitin sa pagpapatayo? Mga wala pala silang diskarte sa buhay!"

"Hindi ko lang tiyak ngunit may masama akong kutob. Makakapal ang mga mukha ng mga iyan na angkinin ang lupang hindi kanila, baka may higit pa silang kayang gawin."

"Ah, basta ay titiyakin kong hindi sila magtatagumpay na pamugaran ang ating tahanan! Pinaghirapan ng iyong ama ang pagtatayo, kung nais nilang gamitin ay maaari silang magpaalam ngunit ayon sa liham na ito ay sila pa itong mayayabang!"

"Nais ko hong sumama, inay." pagsisimula ni Dalisay sa pagpipilit niya sa inay.

Umiling si Lualhati sa anak at hinaplos ang buhok nito. "Anak ko, hindi ba ay nag-aaral ka pa ng pagsusulat ng baybayin? Iyon ang iyong atupagin at kaya ko namang mag-isa."

Nagulat naman si Masagana at ninais magsalita ngunit naunahan na siya ni Dalisay.

"Inay naman, mas nais ko namang makasama kayo sa paglalakbay. Ano kaya kung lahat tayo ay bumalik?"

"Hindi na, anak. Ano ba iyang pinag-iisip mong bata ka. May maayos na tayong pamumuhay dito at kung babalik tayo ay pagod lang. Dito na kayo at ako na ang mag-aasikaso nito."

"Hindi ho kita sasang-ayunan, inay, sa balak niyong mag-isa. Masyadong malayo ang ating dating nayon. Sa katunayan ay nagtagal din tayo sa laot dahil sa lawak ng dagat na pumapagitna sa dalawang pulo," pagsasabi ni Masagana sa inay.

Tumango ang inay, nauunawaan ang nais-iparating nito sa kaniya. "Nauunawaan ko, Masagana ngunit sana ay huwag niyo nang ipagpilitang sumama. Dito na lamang kayo. Mas mahihirapan kung lahat tayo, babalik."

Natapos doon ang pag-uusap nila pero hindi pa tuluyang nakapagpasya.

Salamat sa pagmungkahi ni Kamagong na maglaan na lang ng dalawang lalaking aantabay kay Lualhati upang masiguro ang kaligtasan nito. Ang mungkahing iyon ang nasunod.

Naiiyak si Dalisay gabi bago ang araw ng paglisan ng inay.

"Tatlong bilog na buwan, anak. Kapag lumagpas na roon ay hindi ko na alam. Mabilis lamang ang magiging paglalakbay dahil sa lakbay-pandagat na ipinahiram ng lakan at ng kuya mo. Pangako, babalik din ako, anak."

Tumango ang batang nagpupunas ng luha. Pinanghawakan niya ang pangakong iyon ng inay.

Dalawang bilog na buwan na ang nagpaliwanag sa madilim na gabi at nababagot na kakahintay ang bata. Isa pang bilog na buwan at lagi naman iyong pinaaalalahanan ng kaniyang ate na huwag na mabagot pa dahil isang buwan pa lang naman.

Kakaraan lamang ng ikalawang bilog na buwan kagabi kaya masyado pang matagal ang pagdating ng ikatlong bilog na buwan.

Nauna na sa pag-uwi si Dalisay mula sa pag-aaral ng baybayin sa isang malaking tahanan ng babaylan.

Hindi man niya maunawaan kung bakit inuutusan ng babaylan na nagtuturo sa kanila na magpaiwan lagi si Magayon tuwing pagkatapos mag-aral sa umaga ay hindi niya na rin gaanong pinagtuonan pa.

Hindi rin naman mukhang naaabuso si Magayon dahil lagi naman itong nakangiti nitong nakalipas na mga araw.

TUMANGO SI Magayon sa babaylan. Bumuntong-hininga ito sa kaniya at umiling. Umalis na rin naman iyon at naiwan siya sa baba ng matayog na puno.

Gaya ng kaniyang inaasahan, nakarinig na siya ng mga yapak papalapit. Nang mag-angat siya ng tingin ay nakita niya si Isug. Ngumiti siya rito at napangiti naman ang seryosong lakan sa kaniya.

Lumapit ito sa kaniya at niyakap siya mula sa likod. Mas lumawak ang ngiti ng dalaga.

Sumulpot ang mga kamay ni Magayon sa puwang ng mga kamay niya at beywang.

Hinawakan nito ang kaniyang kamay na may hawak ng panulat. Iginiya ng kamay nitong nakahawak ang kamay niya na sumulat.

Sa mga simbolo ng baybayin ay mababasa ang salitang "mahal kita".

Napatingin siya sa gawi ni Isug at halos magdikit na ang tungki ng kanilang mga ilong.

Napalunok si Magayon at napangisi naman si Isug. Agad iniwas ni Magayon ang tingin dito at kunwari pinagtuonan ng pansin ang pagsusulat.

Nagsulat siya at dala nito ang kamay ni Isug habang nagsusulat. Nang matapos, tinignan ni Isug ito at binasa.

"Si Magayon at ang Lakan Isug."

Narinig niya ang pagbungisngis ni Isug. Pinagtaka niya ang paggiya ng kamay ni Isug sa kaniya.

Binura gamit ang tintang mula sa dugo ng manok ni Isug ang salitang lakan kaya naging "Si Magayon at ang Isug" na lang. Sinunod na binura ni Isug ang "ang" at pinalitan ng "si".

"Yan..." Nagtanguan ang dalawa.

Si Magayon at si Isug.

Nagtagal pa ang pananatili nila roon sa lilim ng puno hanggang sa mapansin nila ang paglubog ng araw na tila nagtatago sa mga puno.

Nagsipagtayuan na sila at nagkatinginan muna bago nila tuluyang gawin ang dapat. Inuwi na ni Isug si Magayon sa kanila. Hindi naman iyon napansin ng magkapatid na may ibang pinagkakaabalahan.

Masaya ang mga araw pero sa pagliwanag ng bilog na buwan sa ikatlong pagkakataon, tila nag-aalala na sila at nananabik sa pagbabalik ng kanilang ina.

Ilang araw pa ang lumipas matapos ang ikatlong bilog na buwan, walang ina nila o kahit ni-anino nito ang nagbalik. Naiiyak na sila sa sobrang pag-aalala at gusto na sundan ang ina. Pero noong naghahanda na sila na puntahan sa dating nayon ang ina, nakatanggap sila ng liham.

***

SoFluvius

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon