Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 17
NAPAMULAT AKO ng mga mata. Bumungad sa aking paggising ang isang bagong umaga. Ramdam ko ang ginhawa dahil ang aga kong nakatulog, mabuti at wala gaanong ginawa kagabi.
Bumangon ako at nag-unat-unat. Dinig ko rin ang mga nag-aawitang mga ibon na nakadapo sa sanga sa mismong bintana ng aking malawak na silid-tulugan.
Dumungaw ako sa durungawan ng bintana habang pansin na ang presensiya ng mahiwagang paru-paro na nitong nakaraang araw ko lamang napansing tila nakasubaybay sa aking bawat kilos.
Maaaring tawaging espiya ngunit sa taglay nitong gandang nakabibighani, masyado naman yatang nanghuhusga.
Binalingan ko iyon ng tingin ngunit agad namang nagtago sa likuran ng puno, sa kung saan hindi ko siya maaaring makita.
Ito rin ang pinagtatakhan ko. Takot siyang makita ko siya ngunit lapit naman nang lapit.
Kinuha ko na lamang ang barong damit na hinubad ko kagabi dahil sa init. Sa katunayan ay iniwan kong bukas ang bintana, wala naman sigurong mananamantala.
Napangisi ako nang may maisipan. Namalayan ko na lamang ang sarili kong umaakyat sa malaking sanga ng naturnag puno.
Naging madali lamang iyon dahil simula pagkabata ay akin na itong ginagawa. Ang umakyat sa punong tinanim pa ng aking lolo.
Huminga ako nang malalim, inaamoy ang sariwang hangin na banayad kung umihip. Nang may ngiti sa mga labi, ipinalibot ko ang tingin sa kabuuan ng lakanatong pinamamahalaan ko at kinalakhan ko.
Sa isang malaking gusali ako nakatira kung saan naroroon ang silid-tanggapan at silid-tipunan pati lahat ng mga silid na nilaan sa pamamahala ng buong lakanato.
Nasa ikaapat akong palapag, gawa sa mga tuyong korales ang buong gusali kaya napakatibay ng pundasyon at mismong pagkakatindig nito.
Mataas na ang puno ngunit hindi pa ito ang pinakamataas na kaya nitong iangat. Kapanahunan pa ito ni Lolo kaya kung may ililipas pa ang panahon ay tiyak na may itatangkad pa ang puno, mas mataas pa sa mga itinayong pader noon.
Malawak ang buong lakanato. Sa palibot ay malalawak na lupang-taniman at ang iba, mga gusaling nilaan sa iba pang bagay gaya ng gusali para sa mga aklat, gusali para sa panggagamot ng mga babaylan, paaralan na mga napiling babaylan ang nagtuturo sa mga batang dugong-bughaw.
Ang mga kabahayan na nasa malapit ng gusaling nasa sentro, ang tahanan ng lakan, ay may kalakihan dahil ito'y pag-aari ng mga babaylan. Ang sumunod ay sa mga dugong-bughaw. Ang lupang-taniman ang naghihiwalay sa mga mayayaman at may katungkulan sa mga ordinaryong mamamayan pati na rin ang mga tagapagsilbi at mga magsasaka.
Sa labas din ng lakanatong ito ay may mga tahanan para sa mga taong napagpasyahang dito malapit sa lakanato na manuluyan.
Ang mga daang nagdurugtong ay tinuyong lupang walang damo. Mga kabayo ang nagsisilbing sakayan upang makarating sa paroroonan bukod sa paglalakad at pagsakay sa kalabaw.
Maaga pa ngunit marami ng mga tagapagbantay namin ang nag-iikot. Oo nga pala at araw na ng paniningil ng buwis kaya may lagayan sila kung saan naroon ang mga inaning pananim, mayroon pang dalawa na nagtutulong upang hilahin ang nagwawalang baboy.
Nakita ko sa gilid ng aking mga mata ang biglaang pagdapo ng paru-paro sa aking balikat. Pinakatitigan ko iyon. May pagkamahiyain pa yata ang mahiwagang paru-paro kaya umalis na agad at pumagaspas na naman papalayo.
Maagang umaga ay marami na ang nagsisimula sa kani-kanilang araw, may ilang magsasakang napapadali ang gawain sa tulong ng mga kalabaw. May mga tagapagbantay na naniningil ng buwis. May mga batang naglalakad, sinusundan ang bawat yapak ng kanilang guro. Mga babaylan na naglalakad na papunta sa gusaling ito upang simulan ang kanilang tungkulin. Ang alamin ang mga mangyayaring kaganapan at siguruhin ang aming kaligtasan.
BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...