Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________Kabanata 2
ILANG ARAW ang lumipas, hindi pa rin nila narinig na magsalita ang dalaga na pinangalanan nilang Magayon dahil sa angking ganda nito.
Gayumpaman, natutuwa sila tuwing ngumingiti ang dalaga. Nakagagaan ng pakiramdam, sa totoo lang.
Nais mang samahan ni Dalisay lagi si Magayon ay hindi naman maaari. Kailangan niyang tulungan ang ama sa pagsasaka sa taniman ng mayamang si ginoong Abatan na may-ari hindi lamang ng tanimang inuupahan ng ama maging ng kalahating lupain sa nayon.
Ang ina naman ay abala sa paglalabada kaya ang naiwan kay Magayon ay si Masagana.
"Alam mo, Magayon, maganda ka naman. Sobrang ganda pa nga, e. Ang kaso, hindi ka naman nagsasalita kaya pihadong delikado ka. Bakit kasi hindi ka nagsasalita?"
Tinignan lang ni Magayon ang bumubukang bibig ni Masagana. Wala itong naririnig sa kahit anong pinagsasabi niya.
"Kung nagpapanggap ka naman upang aming kaawaan, titiyakin kong pagsisisihan mo. Mahirap na nga kami at walang makain, pinatuloy ka pa namin tapos gagawan mo kami ng masama? Ha!"
"Hindi ko na talaga batid ang magagawa ko. Nakakaduda rin kasi. Biglaan ang pagsulpot mo sa talipapa at walang nakakikilala sa iyo samantalang sa liit ng nayon na ito, halos lahat magkakilala. Masyadong mabait naman si ina at ama upang patuluyin ka na ngayon pinagtatakhan ko kung anak ba talaga ako nila?"
Sinundan ng tingin ni Magayon ang pagpilig ng ulo ni Masagana at ang ngisi sa labi nito. Ngumiti tuloy si Magayon sa inaasta nito.
"Noong una, aminado naman akong naiinis ako sa iyo kasi ang ganda mo, hindi na nga ako maganda tapos may dadating pang mukhang diwata? Paano na ko niyan?" tumawa mag-isa si Masagana habang pinagmamasdan niya ang paninitig ni Magayon.
Noong una, naiinis si Masagana sa paninitig nito ngunit kalaunan, naunawaan niya na ring nahihiwagahan ito sa kung bakit bumubuka ang kaniyang bibig upang makapagsalita. Isang kakayahang hindi kayang gawin ni Magayon.
Marami ang lalaking nagsusulyapan mula sa bakuran ng tahanan nina Masagana at alam niya kung bakit. Maging ang kanyang hinahangaang si Kamagong na tanyag dahil sa ganda ng hubog ng katawan nito dahil na rin sa pagiging magsasaka nito. Makalaglag-panga rin ang hitsura nito na kaakit-akit sa mga mata ng tinging kababaihan. Abala rin ang naturang lalaki sa pagdalaw miminsan sa kanilang tahanan simula tiyak nang matunugang may daragang magayon na tumutuloy rito, bagay na hindi naman nito ginagawa noon. May kalapitan din naman ang sinasakang palayan nila sa tahanan nila ngunit kahit kailan, hindi dumalaw itong si Kamagong kahit man lang magpahinga tapos ngayon, biglang iyon na ang idadahilan nito pagkatapos magsaka kasama ang haligi nitong tahanan nila.
Nais na ring mag-asawa nitong si Masagana ngunit wala namang nanliligaw sa kaniya. Alam naman niya na kinatatakutan ang kaniyang ama ngunit hindi niya napigilang isipin na hindi naman siya maganda kaya walang nahuhumaling.
Sabi niya sa sarili, kahit sinong magtangkang manligaw, susunggaban na niya kaagad. Nasa tamang edad naman na siya at ilang beses na nagtatanong sa kaniya ang mga kamag-anak na kinaiinis niya nang sobra.
Nagtaka man si Masagana sa biglaang paghawak sa kamay niya nitong si Magayon ay binuntong-hininga niya na lamang iyon.
Ang kaniyang pinagtuonan ng pansin ay ang pag-iisip sa pangarap niyang makapang-asawa na. Nais niya si Kamagong o kahit sinong gaya nito. Kung maaari ay sana mas mayaman daw.
Naisip na naman niya tuloy ang nakapanlalaway na katawan ni Kamagong. Ang matipuno nitong katawan na kadalasan niyang nakikita tuwing tanghali upang magdala ng pagkain sa kaniyang amang abala sa pagsasaka. Ang mga putik na nakadikit sa katawan na minsan niya na ring kinainggitan.
Sa kaniyang pagpikit nang marahan, naramdaman niya ang kamay nitong si Magayon na humihiwalay nang marahan din sa kaniyang palad.
Sa kaniyang pagmulat, natanaw niya na lumabas na itong si Magayon sa tahanan. Sinundan niya ito agad dahil narinig niya ang pagkakagulo ng mga lalaking kanina ay patago-tago pa sa pagsulyap, ngayon ang kakapal na ng mga mukhang kinukuha ang pansin ni Magayon.
Nais niya naman talaga si Magayon ngunit ayon na rin sa kaniya, naiinggit siya sa dalaga na madaling naaagaw ang pansin ng mga kalalakihan. Si Magayon para sa kaniya ang nagpapaalala na pangit siya at walang karapatang maging pihikan sa lalaki.
Minsan nga, pinangarap niyang sana siya na lamang si Magayon upang pagkaguluhan ngunit ayaw naman niyang hindi makapagsalita. Hindi sanay sa ganun si Masagana. Mahilig siyang magsalita at makipagkuwentuhan sa mga kapitbahay, malakas man iyan o kahit pabulong pa.
Nakita niyang sinalubong ni Magayon ang kaniyang ama at ang binatang kinahuhumalingan niya. Napairap na lamang siya nang natanaw ang ngiting-tagumpay ni Kamagong habang malapit ito sa daragang magayon.
Mapalad itong si Kamagong at nakalalapit sa dalaga, hindi gaya ng mga nagkakagulong lalaki sa labas ng bakuran na nung dumating ang ama niya ay agaran nitong pinagtataboy ang mga ito. Hindi na naman na nagpumilit pa ang mga ito dala ng takot sa kilalang nananaga tuwing may kaaway at tuwing nalalango sa alak.
Bumuntong-hininga siya nang magtama ang paningin nila ni Kamagong. Napairap siya dahil gumuguhit ang alaala na nandito lang ito dahil kay Magayon.
Kumakain silang apat ng sinapot bago maghapunan. Inis siyang ngumunguya tuwing sumusulyap si Kamagong sa kanilang banda na natitiyak niyang laan kay Magayon. Nilingon niya si Magayon na walang kaalam-alam sa pinaparanas nito. Natutuwa siyang nakikita niya nang malapitan ang binata ngunit tuwing naiisip niyang nandito ito para sa ibang babae ay nanlulumo siya.
Hindi niya naman sinisisi itong si Magayon na ang silbi ng bibig ay ngumuya at ngumiti lang ang mga labi. Ang siyang may kasalanan ay si Kamagong na malabo yata ang mga mata at bakit hindi siya nito makita.
Dala ng inis ay lumabas siya ng tahanan nila at iniwan mag-isa si Magayon na abala sa pagkain ng sinapot at ang dalawang lalaki na kumakain din habang nag-uusap ng mga bagay-bagay.
Siya ay nakahalukipkip habang tinatanaw ang malayong kakahuyan kung saan naiwan itong kapatid niyang si Dalisay dahil pinuntahan pa ang kanilang ina.
Habang iniisip ang mali sa kaniya at mali sa lalaking hinahangaan niya gayundin ang mali ng tadhana na umaayaw sa kaniya ay naramdaman niyang may sumunod sa kaniya na nasa likuran.
Bumuntong-hininga siya. "Pasensiya na, Magayon, iniwan kita. Alam mo iyon, ang sama nung lalaking iyon, ang labo pa ng mata, hindi makita ang pagtingin ko sa kaniya---" pagkalingon niya sa kung sino ang nasa likuran na akala niyang si Magayon ngunit mali pala ay namula siya.
Lumingon siya upang tiyakin na si Magayon nga iyon, hindi man sumasagot ngunit lumalapit naman kaagad kaya nagduda siya kung iyon nga. Ngunit ang akala niyang hindi maaaring mangyari ang siyang nangyari.
Dahil ang nasa harap niya, si Kamagong.
***
SoFluvius

BINABASA MO ANG
Si Magayon at ang Lakan Isug
FantasyDinala siya ng kaniyang mga paa patungo sa mataong lugar na walang kahit na anong parte niyon ang naalala niya mula sa kaniyang pagkatao. Mas ikinakaba niya pa lalo ang katotohanang may mga taong nagmamasid sa kaniya na tila ba hindi titigil sa naka...