Kabanata 16

10 3 0
                                    


Si Magayon at
ang Lakan Isug
_______________

Kabanata 16

IBIG KONG madama ang panandaliang katahimikan.

Hinilot ko ang aking sentido habang pilit inuunawa ang bawat salitang tinuturan ng mga babaylan sa palibot ng pahabang hapag. Lahat ng upuan ay kanilang inuupuan habang ako ay nasa kabisera nito.

Bawat salita nila ay mahalaga. Ang kanilang bawat sasasabihin ay dapat na tumatak sa aking isipan.

Nakasalalay sa akin ang kinabukasan ng buong lakanato at ng daan-daang mamamayan nito.

Malamig dito sa loob ng konseho ngunit dahil sa nadaramang pagkagulo ng isipan ay halos maligo na ako sa aking sariling pawis.

"Hindi yata tayo pinagtutuonan ng pansin ng ating bagong lakan." sambit ni ginoong Yabag na nagpabalik sa akin sa katinuan. Iyon kung matino pa ba ang aking pag-iisip.

Napatingin muna ako sa kaniya saka ipinalibot ang titig sa lahat ng babaylan na naririto.

Karamihan ay mga babayi na may makukulay na kasuotan at mga palamuti sa buo nilang katawan gaya ng mayroon sa akin.

Ang mga matatandang babaylan ay mayroong sandamakmak na pinta sa balat na palatandaan ng kanilang pagtuklas sa kani-kanilang buhay.

Mga kulay-pulang sutlang pumapalibot sa kanilang ulong nagsisilbing tanda ng kanilang katayuan sa pamahalaan ng lakanato. Nagsisilbing paalala na hindi sila marapat na basta na lamang tapakan ninuman, nasa tuktok sila.

"Paumanhin. Sadyang hindi ko pa kayang unawain ang lahat ng mga bagay na inyong ibinabahagi nang isang araw lamang." pagsasabi ko ng totoo.

Isang pagak na tawang halatang ginawa upang ako'y maliitin.

"Hindi maaaring ganiyan ang dahilan ng isang lakan, lakan Isug. Sa totoo nga niyan ay wala dapat na dahilan ang isang pinuno kapag namamahala. Dahil ang totoong namumuno, hindi kailanman tatakbuhan ang tungkulin dahil lamang may balakid."

Napatango-tango ako roon. Tama ang sinabi ni ginoong Yabag.

"Huwag mong masamain, lakan, ngunit hindi mo kayang kabisaduhin ang lahat ng aral na dapat mabatid ng isang lakan sa maigsing panahon lamang."

Napakurap-kurap ako sa takot dahil sa narinig sa babaylang nasa aking kanan. Si ginang Manawari.

Napayukod ako dahil totoo naman.

"Mabuti pang ipaubaya niyo na lamang, lakan Isug sa iba ang pamamahala ng lakanato. Tutal ay pare-parehas tayo ng ninanais dito. Ang kung anong ikabubuti ng ating bayan." sabi ng katabi niya.

Napalunok ako at mas lalong naguguluhan dahil marami na akong naiisip. Maaaring makabubuti ito ngunit nangako ako kay ama na ako ang susunod na mamamahala ng lakanato anuman ang mangyari.

Ngunit hindi ko talaga kaya iyon sa ngayon.

Biglaan ang pagkamatay ni ama. Hindi namin inaasahan na sa katunayan, halos hindi namin kayang paniwalaan.

Bata pa lamang ako ay pinauunawa na sa akin ng aking ama na balang araw, kapag hindi niya na kaya pang mamuno, ako ang hahalili at magbubuhat ng tungkuling iyon.

Sa aking palagay noon, madali lamang. Hindi kita sa mga ngiti ni ama na nahihirapan siya. Kaya pinagkibit-balikat ko lamang ang mabigat na tungkuling sa pagdating ng araw, aking gagampanan.

Ako ang natatangi niyang anak at siyang tagapagmana ng aming angkan. Ang angkan na matagal na panahon ng namamahala sa buong bayang ito. Bawat henerasyon namin, ang panganay ang naaatasang mamuno matapos ang nauna sa kaniya.

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon