Kabanata 18

5 2 0
                                    


Si Magayon at
ang Lakan Isug
________________

Kabanata 18

BUMUNTONG-HININGA ako, hinihintay ang pagsasalita ng kung sinong kasama ko na ngayon sa silid ngunit walang napala ang aking paghihintay. Sino ba itong pumasok at bakit hindi pa yata marunong magsalita?

Nangunot ang noo ko, tinangka nang mag-angat ng tingin.

Nagtama ang mga mata namin pagkaangat ko, nakaguhit ang ngiti sa kaniyang mapusyaw na malambot na labi.

Napalunok ako. "S-Sino ka?"

Ang kaniyang pambihirang gandang ngayon ko pa lamang napagmasdan ay nagpabuhay nang walang pasabi sa walang kabuhay-buhay ko ngayong araw.

Tinanggal niya ang nakatalukbong na tela sa uluhan niya upang mas isiwalat pa ang buhok niya. Mas lumawak ang kaniyang ngiti, tinitignan ako nang mataman na akin ding sinusuklian ng tingin.

"Magandang umaga, Lakan Isug." pagbati niya na agad nagpatayo sa akin mula sa pagkakaupo.

Isinara ko ang kanina ko pang nakaawang na mga labi nang mapansin ang paninitig niya roon.

Nakanguso ang mga labi niya, pinipigilang matawa.

Nanliit ang mga mata ko sa kaniya kaya naman umayos siya sa pagkakatayo.

Muli siyang yumukod at sa pag-angat ng tingin niya sa akin ay nakatagilid ang ulo niya, inaasahan ang aking pagtugon.

Ikinondisyon ko na muna ang aking lalamunan bago pa nagsalita.

"M-Magandang umaga rin... binibini?"

Napakurap-kurap siya at bahagyang iginilid ang mukha at ihinarang ang mga takas na hibla ng buhok saka ko narinig ang mga bulong niyang hindi ko maunawaan.

"Binibini?" nahihiwagahan kong tanong sa kaniya.

Agad naman siyang natatarantang muling nilingon ako nang may mapaglarong ngiti sa mga labi.

"Ano sa tingin ko ang pangalan ko, mahal na lakan?"

Nagkasalubong ang kilay ko roon, nagtataka bakit ganoon siya magtanong sa akin kung maaari niya naman na akong diretsuhin.

Nag-isip pa muna ako kunwari ngunit ang totoo ay masyado na akong nagtataka sa kung ano bang pakay nito rito.

"Ganda?"

Nanlaki ang mga mata niya at agad muling itinagilid ang mukha, itinabing ang takas na hibla ng buhok at bumulong-bulong, hindi ko pa rin maunawaan.

Nakangiti siya nang muli akong harapin.

"Parang ganoon na nga ngunit ibang lenggwahe."

Napangiti ako nang tipid ngunit ramdam ko na talaga na nilulukob ng sistema ko ang sobrang pagkalito at pagkailang.

Ako pa talaga ang naiilang dito, ha? Bumuntong-hininga na lamang ako.

"Hindi naman siguro Husay?" Hindi naman kasi nababagay para sa gandang iyan ang pangalang Husay.

Umiling-iling siya at ngayon pa lang inilapag ang telang kanina ay kaniyang ginamit pantalukbong sa kalapit na upuang kahoy.

Nag-isip pa muna ako at sinabi ang isa pang alam kong salita mula sa ibang nayon.

"Magayon?"

Hindi ko alam kung paano ngunit tila nagningning ang mga mata niya. Tila namamangha at ngayon pa lamang marinig iyon ngunit tumango siya.

"Oo! Magayon nga ang aking pangalan, Lakan Isug, ang galing niyo naman palang humula ng pangalan!" napapalakpak pa siya.

Tumango-tango na lamang ako, ngayon ko pa lamang naisipang isingit ang dapat na pag-usapan namin.

Si Magayon at ang Lakan Isug  Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon