Part 16

1.4K 63 0
                                    


"NANLALAMIG ka," puna ni Daniel kay Celine. Pinisil nito ang palad niya na gagap nito. Celine looks away. Itinuon niya ang paningin sa labas ng sasakyan. "Hey..." Hinawakan ni Daniel ang baba niya at masuyong pinaharap rito. Naging malikot ang mga mata niya. "Gusto mong bumalik na muna tayo sa bahay? Maybe you're not yet ready to...face them... Meet them."

Umiling siya. "T-tumuloy tayo." They were on their way to see her biological parents. Matuling lumipas ang isang linggo simula nang balitaan siya ni Daniel ng tungkol sa tunay niyang magulang. Sa loob ng isang linggo ay nag-isip siya, tinimbang ang mga bagay-bagay. Bagaman hindi niya lubusang matanto kung ano ano nga ba ang naging konklusyon niya sa mga pag-iisip niya. Kaninang umaga ay sinabi niya kay Daniel na puntahan na nila ang mga magulang niya.

"Pero mukhang hindi ka pa handa," ani ni Daniel. Nakasapo na ang isang palad nito sa isang bahagi ng pisngi niya at ang hinalalaki masuyong humahaplos.

"Hindi ko alam kung magiging handa nga ba ako. K-kung hindi ngayon ay kailan pa?" aniya. Umabante siya sa upuan ng natutulog na si Christopher. Ipinaloob niya ang kanyang hintuturo sa nakatikom na mga daliri nito. Humigpit ang pagkakahawak ni Christoff sa daliri niya na ikinangiti niya.

"Pero tila hindi maayos ang pakiramdam mo. Namumutla ka."

Bumalik siya sa pagkakaupo. Sinubukang kalmahin ni Celine ang sarili. Ang totoo ay umaalon nga ang sikmura niya. Para bang may mga nagkakagulong paru-paro sa loob ng kanyang tiyan. Dahil marahil ng nerbiyos at antisipasyon. "Please stop the car," sabi niya nang maramdaman ang tila pagtutubig ng loob ng pisngi niya. Inutusan nga ni Daniel ang tsuper na itabi ang sasakyan at ihinto. Dali-daling bumaba ng sasakyan si Celine. Nagsuka siya. Halos magluha ang mga mata niya sa pagsuka.

Agad nakasunod si Daniel at masuyong hinagod ang kanyang likod. Nagdulot iyon ng ginhawa sa kanyang pakiramdam. Inabutan siya ng asawa ng bottled water. Nagmumog si Celine. Ang ibang tubig ay ginamit niyang panghilamos sa mukha. "Feeling better?"

Tumango siya, marahang ngumiti. "Oo."

Naglabas ng panyo si Daniel mula sa bulsa nito bago marahang tinuyo ang mukha niya. Ang sunod na namalayan niya ay nasa loob na siya ng mga bisig nito. Ipinikit ni Celine ang kanyang mga mata. Ah, may isang Daniel sa buhay niya. And he was the greatest thing that ever happened to her. Kapag kasama niya ito ay wala siyang hindi mahaharap.Wala siyang dapat ipangamba.



"NARITO na tayo," ani Daniel pagkaraan pa ng mahigit tatlumpong minuto. Sa gilid ng mga mata niya ay napansin niya na kalat na ang dilim sa paligid, bagaman hindi niya sinusubukang magmasid pa sa labas. Tila pumasok ang sasakyan sa isang gate. Bumuga ng hangin si Celine.

Okay. For once, let's get this over and done... "Tayo na kung ganoon."

"Stay with Christopher. Babalik ako maya-maya para kunin siya," bilin ni Daniel sa yaya na nasa passenger's seat. Agad namang tumalima ang yaya at bumaba para lumipat sa backseat. Bumaba na sila ng sasakyan. Nang mag-angat si Celine ng paningin, sumalubong sa mga mata niya ang isang katamtamang laki ng bahay. Bukas ang mga ilaw sa labas. Tama nga siya ng sapantaha na pumasok sila ng gate at ngayon ay nakaparada na ang sasakyan sa bakuran ng bahay. Lumunok siya. Kinakabahan. Ginagap ni Daniel ang palad niya. Nilingon niya ang asawa at bahagyang nginitian. Humugot siya ng isa pang malalim na hininga bago tinanguan si Daniel, hudyat na handa na siyang pumasok sa bahay na iyon at kilalanin ang mga taong bahagi rin ng buhay niya. "Kung maramdaman mo na gusto mong tumakas, o tumakbo palayo, sabihin mo lang sa akin, ha? I'll carry you. Dahil hindi pa puwedeng mapuwersa ang mga binti mo, ako muna ang magiging mga paa mo. I'll run and carry you to wherever you want to go."

Natawa siya kahit papaano. Bagaman alam niya na hindi iyon biro lamang para kay Daniel. "Tatandaan ko," aniya. Humakbang siya pasulong. Muling humakbang. At muli. Dahil sa dumadagundong na pagkabog ng dibdib ay halos hindi na niya maunawaan kung papaano pa sila nakapasok ng bahay, o kung sino ang nagpapasok sa kanila. Parang bumalik lang ang reyalidad kay Celine nang makita niya ang may edad na babae at lalaki, gayundin ang isang may kabataang babae na nahahawig sa kanya. Nakaupo ang mga ito sa isang sofa pero agad tumayo nang makapasok sila sa front door. Nagtubig ang mga mata nang mga ito nang makita siya. Hindi malaman kung lalapitan siya o hindi. Napansin ni Celine na tila may dugong banyaga ang matandang lalaki.

Siya man ay namamasa ang mga mata. Parang ipinako ang mga paa niya sa semento. Ni hindi siya makagalaw. Ramdam niya nang manginig ang kanyang mga labi. Sumulyap siya kay Daniel. Sila ba? Sila ba ang mga magulang ko? Tumango si Daniel na para bang nababasa talaga ang iniisip niya. Kinagat ni Celine ang dila niya para kontrolin ang emosyon. Ang totoo kahit hindi siya magtanong ay nararamdaman niya iyong tinatawag nila na lukso ng dugo.

"A-Angel..." nangangatal ang boses na wika ng matandang babae. Angel. Sabi ni Daniel ay iyon daw ang ipinangalan sa kanya. Humakbang ito ng isa papalapit sa kanya, inaabot siya. Pero ang naging reaksiyon niya ay ang paghakbang paatras. The old woman, seeing her reaction, cried and stop moving forward. Nag-iwas ng paningin si Celine kasabay ng tuluyang pagtulo ng mga luha niya. Sumakit ang lalamunan niya at naninikip ang kanyang dibdib. Hindi niya iyon sinasadya. Dala lamang iyon ng reflex niya.

Naramdaman niya ng pisilin ni Daniel ang palad niya. Muli niyang sinulyapan ang asawa, umaamot ng lakas. Pinahid ni Daniel ang luha niya. "Kung hindi mo kayang gawin ngayon ay bumalik na lang tayo sa ibang araw," mahinang sabi nito.

Umiling siya. "H-hindi na puwedeng umatras. I...I can do this."

"Gusto mong iwanan muna kita? Doon muna ako kay Christoff sa sasakyan?"

"Please," pagsang-ayon niya.

"Okay. Tawagin mo lang ako kung kailangan mo ako." Hinangkan ni Daniel ang kanyang ulo. Pagkatapos niyon ay nagpaalam ito sa matatanda na lalabas muna umano ang ito. Naiwan si Celine na nakatayo pa rin.

"I-Ineng," sabi ng matandang lalaki. Pumiyok din ang tinig nito, kasabay noon ang paglalandas ng luha sa pisngi nito. "H-halika. Ma—maupo ka." 

Sunshine And You 2 (Completed)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon