Pagdating ko sa base camp ay nandoon na ang mga sasakyang gagamitin. Agad ko namang nakita si Jane at siya lang ang nakikita kong nakangiti sa lahat ng sumama, ang iba ay halatang napilitan lang tulad ko. Kumaway ako kay Jane at tinugon naman niya ito, maglalakad na sana ako palapit nang may bigla nalang may humila sa'kin palayo.
"Sasama ka?" Hindi ko inakalang si Doc. Asher pala ang humila sa'kin. Puno ng pag-aalala ang kaniyang mukha na dapat niyang ipakita kay Jane kaysa sa'kin.
"Opo," seryoso kong saad. Huwag niyang sabihin pipigilan niya rin ako? Punong-puno na nga ako sa mga Evergard dadagdagan niya pa.
"Huwag Merari, may panahon pa para magbago ang isip mo. Ayaw kong mapahamak ka." Napahilamos pa siya sa kaniyang mukha at hindi mapakali. Palihim akong napairap.
"Bakit niyo pa ito ginagawa? Ayaw ko pong bigyang kahulugan ang kinikilos niyo pero hindi na po kasi tama."
"Hindi pa ba halata Merari? Gusto kita, hindi mahal na ata kita," saad niya pero puno ng pagtataka ang kaniyang mukha nang makita na wala man lang akong emosyong ipinapakita. "Merari."
"Hindi ko pa nararamdaman kung ano po ang pagmamahal Doc. Asher pero sa sitwasyon ngayon sa tingin ko ay hindi niyo po ako mahal."
"Nagdududa ka ba sa pagtingin ko sayo? Merari, mahal talaga kita." Hinawakan niya ang dalawa kong kamay pero agad ko itong tinanggal na mas ikinatigil niya.
"Doc. baguhan palang po ako, ilang linggo palang akong nagsisimulang magtrabaho dito. Hindi pa tayo gano'n kalapit at minsan lang tayong mag-usap. Paano po nangyaring mahal niyo na ako?"
Napatigil siya saglit, "kailangan bang may rason? Kailangan bang malapit tayo sa isa't-isa para mahalin ka?"
"Pisikal na anyo lang ang nagugustuhan niyo Doc. At hindi pagmamahal ang ibig sabihin ang nararamdaman niyo. Hindi mo pa ako lubos na kilala, hindi niyo alam ang totoo kong pag-uugali. Kadalasan ito ang nagiging dahilan na may mga relasyong hindi tumatagal." Naalala ko tuloy ang pagmamahalan ni Papa at sa aking ina na kalaunan ay nawala rin. "Iba po ang magmamahal Doc. Asher, hindi ko pa naman ito nararamdaman pero alam ko pong napakalalim nito."
Hindi siya nakaimik at napayuko na lamang. Minsan talaga ay hindi maiwang padalos-dalos tayo ng desisyon sa buhay.
"Sana po ay malinawagan kayo Doc." Ngumiti ako sa kanya bago umalis.
Sa aking pagbalik ay tanaw ko na agad si Jane na hindi mapakali sa kaniyang kinatatayuan. Nang makita ako ay dali-dali siyang lumapit. "Huwag kang mag-aalala pinaalala ko lang sa kaniya kung ano ang pagkakaiba ng gusto sa pagmamahal." Ngumiti ako sa kaniya at hinila siya sa hilera para sumakay sa sasakyan.
Bago kami sumakay ay ibinigay muna namin ang form. Buong byahe tahimik lang ako, may halong kaba at takot sa mangyayari sa'min sa doon.
"Kalma, alam kong kinakabahan ka. Meron naman tayong mga kasamang mga sundalo," giit ni Jane na nakangiti sa'kin, napansin niya yata ang pananahimik ko at takot sa aking mukha.
Pagdating sa bukana ng bayan ng Swendey may nakaharang na grupong mga sundalo, nang makilala ay agad kaming pinadaan. Pero kapansin-pansin ang pagod sa kanilang mga mukha at halatang walang pahinga. Ilang minuto pa ang dumaan bago naming narating ang sentro ng bayan, abo nalang ang naiwan at wala ng establisyementong pwede pang gamitin, tulad ng nangyari sa Campbell. Bakas ang gulat at lungkot ng bawat isa habang nakatingin sa nangyari sa buong bayan. Hindi man lang ako nabigyan ng pagkakataong makita ang ganda nito bago pa may nangyari. Matatagalan pa bago bumalik sa dati kung anuman ang mukha nito noon.
"Ganito rin ba ang nangyari sa Campbell Merari?" tanong ni Mira na sumama rin.
"Oo, ganitong ganito." May iilang pinababa para tumulong sa mga naiwang mga sugatan na nasa daan parin. Dumating naman kami ng matiwasay sa base camp sa Swendey ngunit malala ang nadatnan namin. Satarangkahan palang tanaw na ang nakahilerang walang buhay na katawan. May mga sundalong sugatan, sa gulo ng base camp hindi agad kami nakagalaw. Bumalik lang kami sa ulirat nang marinig ang tunog ng pagsabog at putukan. Lahat napatingin sa kabilang dako may malaking bundok doon at kitang-kita ang usok galing sa pagsabog. May digmaan ngang nangyayari.
"Sumunod po kayo sa'kin." Isang sundalo ang lumapit sa'min, dinala niya kami sa isang tent kung saan pasamantala muna kaming titira. "Matapos niyo pong magbihis ay diretso na po tayo sa emergency tent kung saan kasalukuyang dinadala ang lahat ng sugatan."
"Hindi ba pwedeng magpahinga kahit saglit lang? Pagod kami galing sa mahabang byahe," reklamo ni Kris isang nurse.
Mapaklang ngumiti ang sundalo pero halata na nainis siya sa reklamo nito. "Wala rin kaming pahinga Miss, walang tulog at nasa ilalim na ng lupa ang aming mga paa. Uunahin pa ba naming magpahinga kung ganito na ang sitwasyon?" Agad itong umalis habang kami ay napatahimik sa kaniyang sinambit. Doon ko lang din napansin ang pagod ng kaniyang mukha.
"Bilisan natin para matulungan sila," giit ni Jane na nagbigay ng sigla sa lahat. Siya na yata ang pumangalawa kay Princess Zuriel sa kakulitan at kasiglahan.
Agad kaming kumilos nang makita ang sitwasyon na maraming sundalo ang hindi pa nagagamot at umiiyak sa sakit ng kanilang sugat. Ilang oras pa ang dumaan bago naging kalmado ang lahat, may iilan pang dumadating pero hindi kasing dami kanina. Kalagitnaan na ng gabi nakauwi ang mga sundalong galing sa gyera, at may bago na namang grupo na aalis bilang pamalit.
"Coffee," inabutan ako ni Mira at agad ko namang tinanggap. "Ang sakit na ng katawan ko, sumisigaw na ito na dapat akong matulog."
"Tiisin mo lang Mira hindi pa pwede, hanggang madaling araw pa tayo dito. At hangga't hindi rin sila magpapahinga." Tinanaw ko ang mga grupo ng sundalo na abala parin. "Swenerte lang tayo may panahon pa tayong matulog pero sila madaling araw palang kahapon gising na ang diwa nila."
Dalawang grupo lang kaming magpalitan sa umaga at gabi na shift. Matatagalan pa ang pagdating ng ilang tulong galing sa ibang bayan.
"Diyan ka muna, titingnan ko lang ang mga pasyente ko sa kabilang tent." Tumango ako, si Doc. Pete lang ang nandito at ako, 'di ko nga inakalang sa tanda niya ay sumama pa sa ganito ka delikadong lugar.
"Tulong!" napatayo ako sa aking kinauupuan nang makita ang sundalong tumatakbo papalapit.
"Kinakailangan namin ng manggamot." Kinausap niya si Doc. Pete at naghintay lang ako sa magiging desisyon nito.
"Miss Merari, ihanda mo ang mga gamit may pupuntahan tayo." Agad akong tumango at isinilid sa isang bag ang mahahalagang gamit. "Magdala ka ng maraming towel."
Dinala kami ni Sergeant Dean, ang sundalong humingi ng tulong sa isang tent. "Nandiyan po siya sa loob, kung may kailangan po kayo ako po ang kukuha."
Kanina pa ako nagtataka kung bakit hindi nalang niya dinala ang pasyente sa emergency tent na ginawa para doon ipagamot mas madali at kompleto ang gamit. "Pumasok na tayo Miss Meerari." Sinundan ko si Doc. Pete.
"Nandito na po pala kayo," isang pamilyar na boses ang aking narinig pagtingin ko ay nanlaki ang aking mata ng makita si Lieutenant Eli. Agad naman niya akong napansin. "Merari?"
"Nasaan ang pasyente?" tanong ni Doc.
"Nanndito po." Hinawi niya ang nakaharang na tela, pagtingin ko ay agad kong nakita ang pamilyar na mukha na nag-aagaw buhay.
"Zaizen."
BINABASA MO ANG
A War Between Us (UNEDITED)
Historical FictionAng pag-ibig daw ay kusang dumadating sa hindi inaasahang oras at panahon. At lalong lalo na sa hindi inaasahang tao. Sa unang pagtama ng tingin, at sa unang pamamaalam ay umusbong ang kakaibang damdamin. Kahit pa ilang beses sa 'di inaasahang na mg...