Chapter 3

91 8 1
                                    

Pamilyar na sa akin ang ganitong eksena. Lock down, walang lalabas, curfew, travel pass, vaccines... pamilyar na dahil napagdaanan ko na 'to noong nakaraang tatlong buwan, dahil sa Elisio virus - virus na naghahatid ng sakit sa kasukasuhan at panghihina.

Kaso, ibang virus na naman ang tumama sa bansa. Isang virus na naging sanhi ng kamatayan ng milyon-milyon noong Middle Ages. Pero, ayon sa balitang nabasa ko, hindi kailangang matakot dahil may vaccine na ang bubonic plague. Ang problema ngayon, kung saan kukuha ng supply ang gobyerno gayong paubos na ang budget at papabagsak na ang ekonomiya. Nag-aagawan din ang malalaki at makakapangyarihang bansa sa vaccine.

"Vivid, sinong lalabas?"

Napalunok ako. "Wala bang magboboluntaryo?"

Nagkatinginan ang mga tenants. Kasalukuyan kaming nakaupo palibot sa nag-iisang fire burner ng apartment building. Hindi ako nakabili ng butane gas para sa portable burner, maging 'yong ibang tenants. Kaya umaasa kami sa nag-iisang burner na sinusuply-an ng nag-iisang LPG tank.

"Natatakot akong lumabas," bulong babae. Bagong salta ng apartment building.

Napalunok ako. "Dapat maging matatag tayo."

"Vivid? Nanginginig ang kamay mo," sabi ni Rey.

Tumingin ang lahat sa akin kaya tinago ko sa likod ang mga kamay ko. Sa totoo lang, kanina pa nanlalamig ang pakiramdam ko. Pinapalakas ko lang ang loob nila kaya sinusubukan kong 'wag ipakita sa kanilang natatakot ako.

Pero takot na takot na ako. Pinipigilan ko lang ang sariling mag-break down.

"Wala 'to," tanggi ko at umikhim. "Ako na ang lalabas para bumili ng groceries."

"Salamat, Vivid."

"Thanks, Vids!"

"The best ka talaga, Letecia."

Tumayo ako at naglakad palapit sa counter. Nakita ko pa ang nag-aalalang mukha ni Aling Josefina. Tumango ako. Kinuha ko ang pera mula sa counter pati na ang listahan ng mga bibilhin.

Lumunok ulit ako at pumihit. Sinuot ko ang mask at shades, pati na ang raincoat.

"Basta 'wag kayong matulog sa lapag. Saka 'wag mag-expose ng balat. Isuot niyo rin ang mask," rinig kong paalala ni Rey sa mga tenant bago ako tuluyang lumabas ng apartment building.

Binuksan ko ang payong at tumapak sa basang sementadong daanan. Napakislot ako nang biglang kumidlat at kumulog. Humigpit ang hawak ko sa hawakan ng payong at pigil-hiningang tumakbo sa ilalim ng ulan.

Nagliliwanag ang langit sa maya-mayang pagkidlat, at napapapikit ako sa takot sa malalakas na kulog. Walang sasakyan sa highway. Nanginginig akong nagpalinga-linga. Tumakbo ako papunta sa grocery store na halos kalahating kilometro pa ang layo.

At habang tumatakbo, hindi ko na napigilan ang sariling maiyak. Hindi ko na kayang itago ang takot sa ilalim ng ulan at malakas na bugso ng hangin. Nanginginig na ang kalamnan ko at nangangatal ang mga ngipin sa takot. Hindi ko na kaya...

"Lord!" iyak ko. "Please... walk before me! Lead me! Lord save me!"

Humagulgol ako sa gitna nang pagtakbo. Nanlabo bigla ng tingin ko pero pinuwersa ko pa rin ang mga paang tumakbo. Hindi dapat ako huminto. Hindi dapat ako sumuko!

"Lord... Lord please..." bulong ko.

Hindi ko alam kung talaga bang nakarating ako nang ligtas sa grocery store, pero nakita ko ang sarili kong nakatayo na sa entrada. Walang customer sa loob at tanging cashier lang ang tao sa loob. Nakasuot siya ng full-protectice gear mula ulo hanggang paa.

Suminghot ako at humakbang papasok. Mabilis akong kumuha ng shopping cart at naglagay ng mga perishable, preserved, at canned goods. Inubos ko ang sampung libong budget para sa grocery.

Mabilis ang kilos ng cashier. Ni hindi nagsalita. Basta lang niyang sinilid sa supot ang mga binili ko, kaya gamit ang E-money, in-scan ko ang QR code na nasa gilid ng counter saka nag-transfer ng pera sa account na 'yon. Pinakita ko sa cashier at tumango siya.

Mabilis kong kinuha ang mga binili at lumabas ng tindahan. Tumitila na ang ulan kaya hindi ko na kailangang buksan ang payong. Malalaki ang hakbang na bumalik ako sa pinanggalingan habang nakasukbit sa balikat ko ang j-handle ng payong at bitbit ng magkabilang kamay ang mga malalaking supot.

Tahimik na sa highway. Pero nasa kalagitnaan ako ng kalsada nang bigla nalang akong nakarinig ng sirena ng ambulansiya. Kinagat ko ang labi at binilisan ang malalaking hakbang.

Pagtapak ko pa lang sa entrada ng gusali ay natigilan ako. Nakita ko ang ilang naka-protective gear na mga tao. Mukhang... sinundo nila sa Aling Josefina na tahimik na naglalakad sa gilid nila. May suot na mask ang matanda.

Nahinto ang mga ito nang makita akong nakaharang sa daan.

"Miss," tawag pansin ng isang boses lalaki. 'Yong taong nasa kaliwa yata ang nagsalita.

"S-Sa'n niyo siya dadalhin?"

"Nakitaan ng sintomas si Mrs. Josefina Calbaryo. Itinawag ng isang tenant niya kaya nagpunta kami rito agad. Kukunin namin siya para agad maturukan ng gamot. Babakunahan na rin kayo para wala nang mahawa pa."

Naglakbay ang tingin ko kay Aling Josefina. Nakatitig sa akin ang malamlam niyang mga mata. Tumango ako. "S-Sige. Pupunta ba kami sa -"

"Hindi na. May tauhan ng pinakamalapit na ospital ang magsasadya rito."

"S-Sige."

Tumabi ako at hinayaan silang makadaan. Pinagmasdan ko lang na lumayo ang ambulansya hanggang sa nawala na ito nang tuluyan sa paningin ko. Doon ako pumasok sa loob ng apartment building.

Nakita ko ang seryosong mga mukha ng kasamahan ko. Napalunok ako at nag-iwas ng tingin. Nilagay ko ang dalawang malalaking supot sa counter.

"Sinong magluluto ng hapunan?" pabulong kong tanong.

Umikhim si Rey. "Hindi ako marunong."

Tumingin ako sa iba pa pero umiling lang sila. Napabutong-hinga ako. "Pa'no 'yan? Hindi rin ako marunong magluto."

"P-Pwede naman sigurong hotdog? Maalam akong lumuto ng hotdog."

Napatingin ako sa babaeng nagsalita. Kasamahan siya ng bagong salta. Tumango ako. "Sige. Para makapagpahinga na tayo."

Nagtulong-tulong kami sa gawain. May nagluto, naghain, nagligpit, naghugas, at naglinis. Napangiti tuloy ako. Kahit na labinlima lang kami rito at walang kaalam-alam kung ano ang basic things na dapat naming matutuhan, makakapagpahinga kaming may laman ang tiyan.

Pero hindi nawala sa isip ko si Aling Josefina. Bumaling ako kay Rey. "Sinong nagsumbong sa otoridad?" pabulong kong tanong.

Nagkibit-balikat siya. "Natakot siguro ang iba kaya nagsumbong sila. Alam mo naman, Vivid, matatakutin ang lahat ng mga nandito. Isa pa, baka nga nahawa ng virus si Aling Josefina."

Mariin kong tinitigan si Rey at bumuntong-hinga. "Kunsabagay, kailangan din nating mag-ingat. Tapos ka na riyan? Akyat na tayo sa kuwarto. Gusto ko nang magpahinga."

Tumango siya at sabay kaming umakyat sa hagdan. Rinig ko pa ang balita sa nakabukas na radyo ng bagong saltang tenant...

"Sa magkasunod na outbreak ng virus, iminumungkahi ng kongreso na ipasa ang New Normal Society, kung saan mapapawalang-bisa ang physical money at ipapasok ang E-money. Sa madaling salita, ipapasok ang cashless society, kung saan lahat ng transaksyon ay idadaan sa E-Wallet o Electronic wallet."

Cashless society... hindi ba isa 'yon sa plataporma ng one world government?

#071620.8.41P

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon