Chapter 11

58 6 1
                                    

Nagsisimula na.

"Vivid! Ah!"

"Rey!"

Mabilis akong bumalik at dinaluhan siya. Hingal na hingal na siya at tagaktak ang pawis. Mariin niyang hinawakan ang kamay ko. "S-Si Walrus... Si Walrus..."

"O-Okay lang siya. Maayos lang ang asawa mo, Rey."

Naluha siya. "Hindi ko na kayang t-tumakbo, Vivid."

Umugong ang himpapawid dahil sa tunog ng papalapit na helicopter. Mas lalong nanlamig ang pakiramdam ko. Dahil sa adrenaline rush, nabuhat ko si Rey at naitakbo ko siya pasilong sa isang malaking puno para magtago mula sa mga opisyales na rumuronda sa himpapawid para tingnan kung may tao pa sa ibaba.

"V-Vivid -"

"Shh." Binaba ko siya sa lilim ng puno at tumingala sa sanga at mga dahon. Malalago ang mga 'yon kaya hindi na ako masyadong nag-alala. "Hintayin natin sina Walrus at Sergio bago magpatuloy sa pagtakbo."

"Si Yuri at Marlon? Nasa'n na sila?"

"Dinakip si Marlon at si Yuri... hindi ko na nakita."

"A-Ano?"

Lumunok ako bago lumuhod sa gilid niya. Maagap kong inabot ang kamay niya at bahagyang pinisil. "Basta... makatuntong tayo sa Mantalongon, wala na tayong problema, okay?"

"Sure ka bang ligtas tayo doon, Vivid?"

Dahan-dahan akong tumango. "Nandoon sina Maam Rachel. Ansabi niya, may mga Kristiyanong refugees doon. Maghihintay sila sa atin kaya kumapit ka lang, 'kay?"

Huminga siya nang malalim at tumango. Dumaan ang helicopter sa punong pinagtataguan namin. Doon lang ako nakahinga nang maayos. Napasandal ako sa puno at tinanaw ang helicopter na papalayo.

Marahang umihip ang hangin at nasamyo ko ang amoy ng hinog na mangga. Tirik ang araw at malalaki ang mga kumpul ng ulap sa himpapawid. Nakasisiguro akong walang ulan mamaya. Napabuga ako ng hangin. Sana nga ay hindi uulan dahil mas mahihirapan kami.

Nasa liblib na kami ng Dalaguete. Hindi ko alam kung anong baranggay pero ang huli kong naalala, nakalampas na kami sa Obo.

Kinailangan naming maghanap ng matataguan lalo pa't sinimulan na ang pag-marka sa mga tao. Mabuti na lang, naka-apply ako at si Rey para sa National Identification System kaya pinalampas kami sa mga border, pero inalam nila kung saan kami pupunta. Hindi namin sinabi kung saan talaga at tanging Cebu City lang ang nilagay namin sa database. Wala namang kaso kina Sergio at Walrus dahil naka-save na sa database ang mga pangalan nila. Ang kailangan na lang nila ay matamnan ng microchip sa pulso at noo para scan to go na lang kung sakaling hahanapan ng ID. Nagbigay din sila ng lokasyong hindi pareho sa amin ni Rey bago sila pinalampas sa borders. At sa bawat border ng munisipalidad, iba't ibang dahilan at iba't ibang lokasyon ang binibigay namin.

Nagkanda-triple na siguro ang mga pangalan namin sa database kaya sa border ng Argao at Dalaguete, naghinala na ang mga sundalo. Kung hindi lang dahil sa isang kakilala ni Walrus, baka hindi kami makalampas. Kaso, kinumpiska nila ang dalawang motor na gamit namin kaya naglakad kami papasok sa munisipalidad ng Dalaguete.

Buhat ni Walrus si Rey sa likod habang nakasunod lang kami ni Sergio sa kanila. Wala akong nadalang gamit pwera sa wallet na halos walang lamang cash. At inisip kong wala namang kwenta ang cash dahil hindi na tumatanggap ang mga tindahan ng perang papel. Mayroong nagprotesta pero sino ba ang makikinig? Saka, nakahanda na ang lahat. Sa araw na ito matatapos ang deadline ng pagmamarka dahil bukas ay ganap nang cashless society ang bansa.

Lahat ng mahihirap, sapilitang nilagyan ng marka. Magbabayad sila ng buwis sa itinalagang "bayad center" ng gobyerno, at 'yon ang magsisilbing "amount" na pagkukuhanan ng bayad sa lahat ng bibilhin ng mga tao. Alam ng lahat ng Kristiyano na isa 'yong mark of the beast kaya marami ang tutol. Pero... may magagawa ba kami kung ito ang nakasaad sa propesiya?

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon