Narating namin ang intersection. Malinis at walang katao-tao. Dalawang daan, pakanan at pakaliwa lang ang sementado, habang 'yong isang napakaliit ay puro bato.
Tirik ang araw at malakas ang ihip ng hangin na may kasamang alikabok. Napaubo si Yuri habang napangiwi ako nang malanghap ko ang alikabok ng kalsada. Hinawi ko ang jacket pataas sa mukha ng sanggol para hindi niya malanghap ang nalanghap ko.
"Doon sa gitnang kalsada," untag ko kay Yuri.
Tumango siya at dahan-dahang naglakad paabante. Pansin kong medyo bumibilis na ang hakbang niya, at hindi na rin siya minuto-minutong umiinda. Mukhang nasanay na siyang maglakad. O kaya naman dahil lang sa adrenaline kaya nagiging mas mabuti na ang kalagayan niya.
"Ngayon lang ako nakapunta rito sa Mantalongon," sabi ni Yuri. "Ang ganda pala rito?"
"Ngayon lang din ako nakapunta."
"Paano mo nami-memorize ang daan papunta sa lugar na sinasabi mo?"
"Hmm... minimorya ko na sa Lapu-Lapu pa lang."
"Ah, sa Lapu-Lapu pala kayo namalagi." Umikhim siya. "Hulaan ko, may nagbigay ng mapa?"
Nagkibit-balikat ako. "Parang gano'n na nga. Binigyan lang niya ako ng direksyon at kung anong landmarks ang dapat kong tandaan. Isa lang naman ang mainroad sa Mantalongon. Mula sa tulay, may intersection. Tatlong daan - pakaliwa, pakanan, at gitna - pipiliin ang gitna. Lumakad hanggang sa marating ang dead end."
"Dead end?"
Ngumiti ako. "Yep. Dead end means end of road. Tatahak tayo sa mas masukal na daan."
"Ha? Bakit -"
"Shh... baka may makarinig. Magtiwala ka lang, Yuri."
"O-Okay. Hindi ko alam kung anong lugar ang tinutukoy mo kaya medyo kinabahan ako bigla."
Napangiti na lang ako sa sinabi niya. Tumingin ako sa harap at hinawakang mabuti ang sanggol. Halos ramdam ko ang singaw ng init na nanggagaling sa sementadong kalsada. Mabuti na lang, medyo makapal ang tsinelas na nasuot ko nang tumakas ako sa Mansyon de Ursula.
Nagbaba ako ng tingin kay Yuri. May suot siyang sneakers at parang hindi naman niya iniinda ang init. Tinaas ako ang kamay sa harapan ng mukha ng sanggol para hindi maarawan, tapos pinagpatuloy ko ang paghakbang paabante. Nasa gilid ko pa rin si Yuri na mas bumibilis na ang hakbang kaysa kanina.
"Nauuhaw ka na ba?" naisip kong itanong sa kaniya.
Umiling siya. "Gusto kong sumilong pero kailangang makatawid tayo sa kabila."
"Sige, bilisan na natin."
Ilang minuto pa at narating namin ang kabilang bahagi ng intersection. Pinauna ako ni Yuri sa makitid na daan. Aniya'y ako na ang mauna at susunod lang siya.
"Basta sumigaw ka kung may kailangan ka," paalala ko.
"Alang problema."
Tumango ako at naung maglakad pasulong sa makitid na daan. Puno ng hagunoy at lagpas-taong cogon ang gilis ng daan kaya mas inilapit ko ang sanggol sa katawan ko. Baka mamaya, may insektong kumagat sa balat ng kalong-kalong ko.
"Ayos ka lang ba diyan, Yuri?" tanong ko habang nasa harap ang titig. Patuloy ako sa pagsulong.
"Oo. Ayos lang ako."
Malakas sa pandinig ko ang boses kaya alam kong malapit lang siya sa likuran ko. Nakampante naman ako saglit saka pinagbuti ang paglakad paabante. Pero hindi mabilis, katamtaman lang para makahabol si Yuri.

BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
PertualanganIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...