Chapter 22

32 5 0
                                    

Ang tanging iniwan ni Marlon ay ang inihaw na isda. Pinilit ko pang ipakain kay Yuri ang isda, kahit na halos magkandabuhol-buhol na siya sa kakaayaw niya.

"Kumain ka," utos ko saka sinubukang ipasubo sa kaniya ang isang buong isda.

Humagulgol siya. "Vivid, 'di ko na kaya."

"Kayanin mo."

"Anlaki ng isda!"

Doon lang ako huminto sa kakasubo sa kaniya. Bumuntong-hinga ako saka tinapon ang naiwan na patpat. Nilunok naman ni Yuri ang huling piraso ng isda na hawak niya. "Busog ka na?" tanong ko.

Tumango siya. "Kanina pa, ayaw mo lang maniwala."

Sumubo ako ng piraso ng isda saka ngumuya. Lumunok ako. "Pagkatapos natin dito, aalis na tayo."

"O-Okay."

"At 'wag ka nang umiyak. Baka maubusan ka ng tubig sa kakaiyak, wala pa naman tayong purified water dito."

Tumahimik siya at lumabi. Bumuntong-hinga siya pagkuwan. "Vivid," tawag niya.

"Hmm?"

"Di ba kasama mo last time si Rey? Nasa'n siya ngayon?"

Natigilan ako sa tanong niya. Napatitig ako kay Rizador na mahimbing na natutulog sa isang malapad na ugat ng puno, katabi lang ni Rey.

Nagbaba ako ng tingin. "Wala na siya," bulong ko.

"Wala...?"

Tumango ako. "Namatay siya bago pa man niya makita ang asawa niya."

"S-Sandali." Lumunok siya. "Kayong dalawa lang ang nakita namin ni Marlon."

"Pinauna kami ng asawa niya." Napabuga ako ng hangin at napatingala sa puno. "Namatay si Rey habang iniluluwal ang anak niya."

"Pati ang bata...?" Mapait akong ngumiti at tumango. Napasinghap siya at natutop ang bibig. "V-Vivid..."

"Nakakalungkot pero kailangan kong tanggapin. Pero alam mo 'yong pakiramdaman ng pagsisisi?" Pagak akong natawa. "Gano'n. Sobrang sakit. Halos napuno ang utak ko ng sana. Sana. Sana hindi na lang." Sumulyap ako kay Yuri. "Nakakasawa ang sana, 'Ri."

"A-Alam ko." Napalunok siya. "Kumusta ang asawa niya?"

Hindi ko inasahan ang biglang panlalabo ng paningin ko dahil sa nagbabadyang mga luha. Mabilis kong pinahid ang luha sa pisngi. "W-Wala na rin siya."

Nanlaki ang mga mata ni Yuri. "Ibig sabihin... buong mag-anak -"

"Oo. At... at ang mas masakit, ako mismo ang naglibing sa kanilang tatlo." Napasinghap ako sa biglaang buhos ng mga luha. Paulit-ulit kong pinalis ang mga 'yon. "M-Masakit," naiiyak kong sambit.

"Vivid," tawag ni Yuri. Hinuli niya ang kamay kong paulit-ulit na pumapahid sa basang pisngi. "Hayaan mo ang sarili mong umiyak. Walang pipigil sa 'yong umiyak dito."

Tila isa 'yong sinyales para rumagasa ang mga luha ko. Hindi ko na pinigilan. Ibinuhos ko na lahat-lahat. Nando'n lang si Yuri, tahimik na hinahagod ang likod ko at paulit-ulit na sinabing magiging maayos din ang lahat.

Kaso, magiging maayos nga ba?

Kahit naman masakit na makitang magkasama sina Walrus at Rey, mas gugustuhin ko pang makita silang masaya kaysa makita ang puntod ng dalawa. Sobrang sakit. Kasi kahit na kay Rey ang atensyon ni Walrus, kahit paano'y nakikita, nakakasama, at nahahawakan ko pa rin siya. Hindi tulad ngayon na isang jacket na lang ang naiwan sa akin. Na kahit maputol ang litid ko sa kakasigaw ng pangalan niya, alam kong hindi niya maririnig o magawang sumagot man lang.

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon