Marahan ang lagaslas ng tubig sa mabatong Ilog ng Dalaguete. Banayad na umihip ang hangin at sinayaw niyon ang mga sanga ng punong nakapalibot sa Ilog. Binaba ni Walrus si Rey habang naupo si Sergio sa isang malapad na bato. Tumingala ako sa langit. Papalubog na ang araw at tama nga ang hinala kong sa pinakamataas na puno tatama ang kahel na sinag niyon.
Nagbaba ako ng tingin at panaka-nakang sumulyap kay Walrus. Kausap niya si Rey habang marahang hinahaplos ang lumulubong tiyan ng kaibigan ko. Napanguso ako at naglakad palapit sa isang malapad na batong katabi ng inuupuan ni Sergio.
"May gusto ka kay Walrus?" tanong ni Sergio pagkaupo ko sa malapad na bato.
Nangunot ang noo ko sabay iling. "W-Wala."
"Kitang-kita ko sa mga mata mo." Pumulot siya ng maliit na bato at hinagis sa ilog. "Ganiyan din ang tingin ni Reymalyn kay Walrus."
"H-Ha?"
Ngumiti siya saka sumulyap sa gawi ko. "Pareho kayong may gusto kay Walrus."
"Pa'no mo naman nasabi 'yan?" Umiwas ako ng tingin sa kaniya. "Saka imposible. Hindi ako mahilig sa may asawa."
Hindi na siya umimik. Nang tumingin ako sa kaniya, nakita kong seryoso na siyang nakatitig sa ilog. Malalim yata ang iniisip. Napabuntong-hinga ako at humalukipkip habang titig na titig din sa rumaragasang ilog. May ilang tilamsik ng tubig pang lumukso sa naka-rubber shoes kong mga paa.
"Vivid?"
"Ha? Bakit?"
Nagsalubong ang dalawang kilay ni Sergio. "Naniniwala ka sa Diyos?"
"Oo naman." Napatungo ako. "Naniniwala akong may Diyos."
"Naniniwala ka talaga sa Kaniya?"
Napatingin ako ulit kay Sergio. "Oo. Bakit? Hindi ka ba naniniwalang may Diyos?"
Tumaas ang sulok ng labi niya saka marahang napailing. "Pasensya na. Hindi ko lang maiwasang... maitanong sa 'yo kung may Diyos ba."
"Bakit? Anong problema, Sergio?"
Bumukas-sara ang palad niya saka nilapit sa akin para ipakita. "Hindi ko alam kung anong dahilan ba't napunta ako sa mundong 'to, Vivid. Hindi ko alam kung bakit tumatakbo ako palayo sa gobyerno. Hindi ko alam kung bakit sumama ako sa inyo. Hindi ko alam kung bakit nandito ako ngayon." Nag-angat siya ng tingin at nagtama ang tingin naming dalawa. Mariin siyang tumitig sa mga mata ko. "Alam mo ba kung bakit... Vivid?" bulong niya saka humawak sa gilid ng batong inuupuan niya.
"Uh..." Napaiwas ako ng tingin at napakurap-kurap. Pinaglapat ko ang mga palad ko. "S-Siguro para maging bantay namin?" Pagak akong natawa. "Pasensya na. Hindi ko layong i-offend ka. Ibig kong sabihin... hindi ko rin alam kung bakit. Wala naman sigurong dahilan. Uh, baka gusto ko lang talagang tumakas mula sa humahabol sa atin para ipagtanggol ang paniniwala ko. Hmm... I fight for my belief. Kaso, hindi ko rin alam kung bakit lumalaban din ako. Ewan, hindi ko alam. Pero sigurado akong takot na takot ako. Hindi ko lang magawang maamin sa dalawa."
"Inamin mo sa akin."
"Yup. Naamin ko kaya sa atin lang 'to." Ngumiti pa ako nang marahan sa kaniya bago muling binaling ang tingin sa harap. Ramdam ko ang titig ni Sergio sa gilid ng mukha ko pero hindi na ako nag-atubiling tumingin ulit sa gawi niya.
Hinayaan kong tangayin ng hangin ang ilang hibla ng buhok ko habang inaalala ang summer break namin ni Rey last year.
Sa beach 'yon sa Boracay. Nagsa-sun bathing kami. Naghahabulan sa puti at pinong buhangin, gumawa ng sand castle, nilublub ang ulo sa malinaw na tubig-alat, tinanaw ang ilang speed boats na nagkalat sa dagat, kumuha ng litrato na isang napakagandang sunset ang background.
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
MaceraIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...