Chapter 17

38 5 0
                                    


Gabi. Naalala ko ang sinulat kong passage sa isang kuwento, "sa gabi magtatagpo ang saya at dalamhati." Ngayon ko napatunayang totoo nga. Sa gabi tahimik ang mundo, kaya madali lang magnilay-nilay. Sa pagkakataong 'yon... baka maghahalo ang saya at dalamhati. Saya na nabuhay ang anak ng kaibigan ko, at dalamhati dahil sa pagkawala niya.

Pero agad nawala sa isip ko ang tungkol sa bagay na 'yon nang tumama sa mukha ko ang liwanag. Tiningala ko ang nagniningning na mansiyon sa harap. Hindi ko lubos akalaing sobrang lawak pala ng maisan, at parang nasa kabilang bundok pa ang Mansiyon de Ursula na pinagmalaki ni Jack.

Ngayon, kitang-kita ko kung gaano kalaki at karangya ang harapan ng mansiyon. Ano pa kaya ang mararatnan ko sa loob?

"Binibini, dito ka na muna. Ipagpapaalam kita kay Fetiana."

"Fetiana?" bulong ko.

"Heredera ng Ursula. Sandali. Babalik ako." Ngumiti pa siya bago tumalikod at patakbong pumasok sa loob ng mansiyon.

Napalunok ako. Kumabog ang dibdib. Hindi ako pwedeng magkamali. Kitang-kita ko ang tatak na 666 sa kamay niya. Kita ko at hindi ako pwedeng magmalik-mata. Nakamarka na siya patungong impyerno. Mas lalo lang nanuyo ang lalamunan ko sa naiisip.

Pero wala akong pagpipilian. Sobrang lamig sa labas tuwing gabi kaya mahihirapan ang bata. Baka ikamatay niya ang lamig. Saka, wala pa rin akong kain hanggang ngayon. Himala ngang hindi ko ramdam ang gutom simula nang magising ako kaninang umaga. Baka kapag nagtagal kami sa labas, mahihimatay na naman ako sa gutom. Hindi pwedeng maiwan ang bata nang mag-isa.

"Hush... hush," bulong ko sa hangin.

Nilibot ko ang paningin. Nag-iisa lang ang mansiyon sa gitna ng malawak na kadiliman. Hindi ako sigurado kung ano ang nandoon sa dilim. Baka pananim o kaya naman mga puno ng mangga. Wala na kasing ibang nagliliwanag na ilaw sa paligid liban sa mansiyon sa harap.

Nakita ko si Jack na lumabas ng malaking main door at malalaki ang hakbang na lumakad palapit sa puwesto ko. Dahil walang ibang liwanag liban sa mansiyon, sa paningin ko, natakpan ng anino ang kabuuan ni Jack. Para akong nakakita ng aninong naglalakad palapit sa kinatatayuan ko.

"Ahana."

"H-Ha?"

Narinig ko ang tawa niya. "Bakit tila nakakita ka ng multo?"

Napakurap ako. Napapikit sa liwanag ng mansiyon at napaiwas ng tingin. "W-Wala 'to," bulong ko.

Nakita ko sa gilid ng mata ang pagtango niya. "Halika na. Naghihintay na si Fetiana sa 'yo at sa bata," sabi niya saka pumihit at naunang maglakad pabalik sa mansiyon.

Bumuntong-hinga ako. Wala naman sigurong masama kung makikikain at makikitulog ako sa bahay na minarkahan na?

Nanginginig akong humakbang paabante. Sa loob-loob ko, gusto ko nang tumakbo palayo. Pero sabi naman ng isip ko, wala akong choice kung hindi humingi ng tulong kina Jack at Fetiana. Naisip ko ring mas kailangan ng bata ngayon ang may masisilungan lalo pa't masyado pa siyang sensitibo sa lamig.

"Kapit lang, baby. Ngayong gabi lang 'to," bulong ko saka lumunok.

Unang tapak ko pa lang sa main door, halos maihi na ako sa takot. Naalala ko ang ugong ng helicopter, ang pagtakbuhan ng mga tao, ang mga sigaw ng protesta sa iba't ibang bansa. Naalala ko rin ang buong araw naming pagbiyahe nina Walrus, Sergio, at Rey. Nagsakripisyo ang dalawang lalaki para mailigtas kami ni Rey. Pero heto ako, humahakbang palapit sa kalaban. Nagbaba ako ng tingin.

Nahihiya ako sa tatlo. Pero wala akong choice. Wala!

"Sumunod ka, Ahana."

Tumango ako kay Jack. Mas pinagbuti ko ang pagyakap sa sarili, na hindi pinipisa ang maliit na sanggol. Humakbang ako papasok sa sala. Halos ipikit ko na ang mga mata dahil sa matinding liwanag na mula sa malaking chandelier sa itaas. Kung sa ibang pagkakataon, baka mapahanga ako sa ganda at rangya ng bahay, pero hindi sa ganitong sitwasyon.

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon