Kanina pa sumasakit ang ulo ko pero binabalewala ko lang. Tinuon ko ang atensyon sa daan na naiiwagan lang ng isang maliit na flashlight. Nauuna si Sergio at nakasunod ako sa kaniya. Nasa likuran ko naman si Walrus na buhat-buhat si Rey sa likod.
Binabaybay namin ang daan papunta sa direksyon ng tulay. Inalis ko na ang rubber shoes dahil puro bato ang kasalukuyan naming binabagtas. May parte ngang muntik na akong madulas, buti nakuha ko ulit ang balance bago pa man humalik ang mukha ko sa mga malalapad at madudulas na mga bato.
"Mas malinaw na ang ugong. Malapit na tayo," saad ni Sergio.
Huminga na muna ako nang malalim at hinigpitan ang hawak sa rubber shoes. "Ingat ka, Sergio. Sobrang dulas ng mga bato."
Huminto siya at nilingon ako nang bahagya sa balikat. "Mag-ingat ka, Vivid."
Tumango ako at marahang ngumiti, kahit pa hindi niya maaaninag ang mukha ko sa dilim. Nagpatuloy siya sa ingat na paghakbang paabante. Lumingon ako kay Walrus. Ilang metro ang layo niya sa akin.
Umikhim ako. "Ayos lang ba kayo?" tanong ko.
"Don't mind us," hingal na sambit ni Walrus. "Walk ahead."
"Okay." Pumihit ako at nagpatuloy sa paghakbang pasunod kay Sergio.
Malamlam pa rin ang repleksyon ng buwan sa tubig at tanging bulto lang ng mga puno ang napapansin ko sa gilid ng mata. Banayad ang lagaslas ng tubig sa ilog na sinasabayan ng marahang ingay ng mga kuliglig sa paligid. Yabag naming tatlo lang ang sumisira sa melodiya ng kalikasan. Napahinga ako nang malalim. Langhap ko pa ang hamog sa madaling-araw.
Napalunok ako nang kumirot na naman ang ulo ko. Napahinga ulit ako nang malalim. Bakit ba palagi na lang kumikirot ang ulo ko? Nitong mga nakaraang buwan, minsan lang magpaparamdam ang migraine pero ngayon, para bang oras-oras binibiyak ang ulo ko sa sakit.
Nilapat ko ang hintuturo sa sentido at marahang hinilot habang humahakbang paabante. Kinurap-kurap ko ang mga mata at lumakad. Paisa-isa.
"Dito na tayo," anunsyo ni Sergio.
Nag-angat ako ng tingin. Una kong napansin ang malalaking ilaw sa ilalim ng naglalakihang tents. Maraming military troop sa entrada ng maiksing tulay. May nakatayo, naglalakad, at nag-uusap. Nakasuot ng camo pants at gray shirt ang ilan pero kadalasan camo outfit mula ulo hanggang paa. Nakasuot sila ng boots at may hawak-hawak na rifle.
Lumingon si Sergio sa akin at hinila ako patago sa nagtataasang cogon. Sinenyasan niya rin si Walrus. Dumapa kami sa likod ng mga cogon. Nagkatinginan kami ni Sergio at napabuga ako ng hangin.
"Sobrang dami nila," bulong ko.
Naramdaman ko ang pag-upo ni Walrus sa tabi ko. Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-upo ni Rey sa kabilang gilid ni Walrus.
"Hindi tayo makakadaan nang hindi nakikita."
Napalunok ako at mariing tumitig kay Sergio. "Pa'no 'yan?"
"Wala kang plano?"
Umiling ako. "Wala akong maisip." Huminga ako nang malalim. "Sobrang dami nila."
"Relax lang, Vivid. Relax lang," paalala ni Rey.
Bumaling ako sa kaniya at ngumiti. Marahang akong tumango at sinunod ang sinabi niya. Ilang ulit akong huminga nang malalim. Bumaling ako kay Sergio. Lumunok muna ako bago nagsalita. "Baka may daan pa."
"Malakas ang agos ng tubig sa ilog. Kaya nating sumalungat sa agos, pero mahihirapan si Reymalyn," bulong ni Sergio.
"A-Alam ko. Alam kong mahihirapan talaga siya."
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
MaceraIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...