Chapter 16

44 7 0
                                        

Naalimpungatan ako sa sinag ng araw na tumatama sa mukha ko. Iginalaw ko ang ulo sabay mulat ng mga mata. Una kong nakita ang berdeng mga dahon na nakakabit sa sanga ng isang puno. Nagsasayawan ang mga sanga dahil sa hangin, at sa tuwing nagagalaw ang sanga ay siyang paggalaw rin ng mga dahon. Lumulusot ang sinag ng araw mula sa mga espasyo ng luntiang mga dahon.

Napakurap ako. Inalala ang huling nangyari. Nang matauhan, napabalikwas ako ng bangon at nagpalinga-linga sa paligid. Hanggang sa makita ko si Rey na nakahiga sa lupa. Pikit na pikit ang mga mata niya at kagat-kagat pa niya ang sweater. Ilang ulit akong bumuntong-hinga bago umusog palapit sa kaniya.

"Rey," tawag ko saka humikab. Pinikit-pikit ko pa ang mga mata para mawala ang antok sa sistema ko. "Rey, gising na. Kailangan na nating umalis," paos kong saad.

Umikhim ako at nag-unat-unat. Luminga ako sa paligid. Puro kahoy ang nakikita ko. Parang nasa isang gubat kami. Wala na rin 'yong puting kalsada na kumukonekta sa tulay. Nakagat ko ang labi. Baka lumiko kami sa kung saan. Nilibot ko pa ang paningin hanggang matanaw ko sa malayo ang isang taniman ng mais.

Kinusot ko ang mga mata at tinanaw 'yon. Napangiti ako. Malapit lang ang taniman ng mais kaya malamang, may kalapit lang na bahay na pwede naming mahingan ng tulong.

Muli akong nagbaba ng tingin kay Rey at marahang tinapik ang pisngi niya. "Rey. Gising na. May bahay na doon, baka pwede tayong makahingi ng tulong." Tinapik ko pa ang pisngi niya saka sinundot siya sa tagiliran. Pero wala siyang imik ni kibo.

Nangunot ang noo ko. Pinakititigan ko si Rey. "Nagbibiro ka na naman ba? Hindi nakakatawa. Rey. Rey!"

Pero wala akong nakuhang sagot sa kaniya. Mas lalong nagsalubong ang mga kilay ko saka inalis ang kagat-kagat niyang sweater. "Rey," tawag ko pa ulit sa kaniya.

Tinitigan ko siya. Doon ko napansing sobrang putla ng mukha niya. Bumaba ang tingin ko sa dibdib niya. Walang kilos. Kumabog ang dibdib ko.

"Rey? R-Rey?" nahihintakutan kong tanong.

Binaba ko ang tainga at tinapat sa ilong niya. Wala akong narinig ni naramdaman pumapasok at lumalabas na hangin sa ilong niya. Inabot ko ang palapulsuhan niya at dinama ang pulso niya. Walang tibok. Tinaas ko ang hintuturo at gitnang daliri sa leeg niya para damhin ang pulso. Wala ring tibok.

"Rey? Rey!" Niyugyog ko nang niyugyog ang katawan niya. "Rey! Hindi ka pwedeng mamatay! Hindi, hindi pwede! Rey!"

Ilang beses ko nang sinampal at niyugyog ang katawam niya pero wala nang palatandaan na humihinga pa siya. Mabilis na nagsituluan ang mga luha ko sa suot niya. "R-Rey."

Napatingala ako. "I-I'm sorry... I'm sorry kasi wala ako no'ng panahong nahihirapan ka, Rey. I'm... I'm sorry kasi iniwan kitang nahihirapan dito. I'm sorry kasi tinulugan kita. I'm sorry... sana, sana hindi ako nagpadaig sa sakit ng ulo ko. B-Baka hindi sa ganito hahantong ang lahat."

Humagulgol ako. Binaon ko ang mukha sa dibdib niya at umiyak nang umiyak doon. Ilang minuto akong lumuha nang makarinig ako ng igik. Isang matinis na igik.

Napaangat ako ng tingin at nagpalinga-linga sa paligid para hanapin ang pinanggalingan ng boses. Pero walang tao.

Napayuko ako. "I'm sorry. Nangako ako kay Walrus at Sergio na aalagaan kita pero binigo ko sila." Huminga ako nang malalim at pumikit. "R-Rey, ni hindi ko nasabi sa 'yong nagustuhan ko ang asawa mo. I'm sorry. Hindi ko sinasadyang mahulog sa kaniya. I'm sorry... R-Rey..."

Lumunok ako saka tumayo. Humakbang ako ng ilang metro mula sa puno at luhaang naghanap ng pwedeng panghukay. Hukay. Napaluhod ako sa damuhan at sinapo ang mukha. Hindi ko alam kung ilang minuto akong nakaluhod doon. Naramdaman ko na lang ang nakakapasong init ng araw na sinusunog ang balat ko. Doon na ako tumayo at pinagpatuloy ang paghahanap ng pwedeng panghukay.

Last Degree (Complete)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon