Buntis si Rey at ayaw niyang sabihin kung sino ang ama ng dinadala niya. Ilang ulit ko nang sinubukang paikutin siya para mahuli ko pero sadyang napakatinik niya pagdating sa pagtatago ng sikreto. Nakaka-frustrate na. Ni hindi siya natitinag sa talas ng tingin ko sa kaniya. Hindi umiimik. Hindi rin nag-aangat ng tingin habang sumusubo ng kanin.
Lumunok ako at uminom ng tubig. Pabagsak kong binaba ang baso. "Sabihin mo na," untag ko.
"Kumain ka lang, Vivid."
"Pero kailangan kong malaman kung sinong ama!"
Nag-angat siya ng tingin at bagot akong tiningnan. "Ako ang magpapalaki sa bata. Ako lang, Vivid. Kaya ko naman kaya 'wag mo nang alamin kung sino ang ama."
"Pero, Rey..." Huminga ako nang malalim. "Dapat malaman ng ama niyan na may anak siya sa 'yo. Pa'no kung mahirapan ka?"
"Ayos lang ako, Vivid."
"Rey."
Tumitig siya sa akin. "Bakit?"
"Nakipag-ano ka na labas sa kasal. Alam mo naman
sigurong kasalanan 'yan."
Napabuga siya ng hangin at binaba ang kutsara. "Alam ko. Pero nangyari na kaya wala akong choice kung hindi buhayin ang bata. Ayaw ko nang gambalin pa 'yong ama niya."
Naningkit ang mga mata ko. Binaba ko ang kutsara at humalukipkip sa harap niya. "Sabihin mong... si Walrus ang ama niyan."
Nanlaki ang mga mata niya at agad nagbaba ng tingin. Pumalatak ako. Sinasabi ko na nga ba. Naalala ko 'yong sinabi niyang nakipag-inuman si Walrus sa kaniya. Last month. Last month lang! Sana mas naging mahigpit ako sa kaniya.
"Vivid please 'wag mong sabihin -"
Nahinto siya sa pagsasalita nang may yabag na umalingawngaw sa sala. Palapit 'yon dito sa kusina. Mabilis na umiling si Rey sa akin bago muling nagbaba ng tingin. Nilagok niya ang isang baso ng gatas bago dahan-dahang sumubo ng kanin.
"Nandito lang pala kayo," boses ni Sergio.
Nakita ko sa gilid ng mata ang pag-upo niya sa stool na nasa gilid ko. Kasunod niya si Walrus. Dumiretso ang huli sa refrigerator at uminom ng tubig. Hindi siya umimik, at hindi ko rin inalis ang matalas na titig sa likod niya. Parang naramdaman niya ang mga titig ko kaya lumingon siya. Nagtama agad ang tingin naming dalawa. Nangunot ang noo niya saka walang imik na naglakad paalis ng kusina.
"Vivid..." Lumunok si Rey. "K-Kain ka na?" Hilaw ang ngiti sa mga labi niya.
Napabuga ako ng hangin at kinagat ang burger. Ninguya ko 'yon sabay buntong-hinga. Hindi talaga ako matatahimik hangga't hindi nalalaman ni Walrus ang kasalukuyang estado ni Rey. Pero nirirespito ko ang desisyon ng kaibigan ko. Isa pa, hindi dapat akong manghimasok dahil buhay ni Rey 'yon. Ang magagawa ko lang ay pagsabihan siya at ipaalam kung anong maganda o masamang epekto ng desisyon niya.
"Buksan mo nga 'yong TV, Sergio. Antahimik ng kusina," bulong ni Rey. Panaka-naka siyang nag-aangat ng tingin sa akin pero sa tuwing nagtatama ang tingin naming dalawa ay binababa niya ang tingin. Umiiwas sa matatalas kong titig.
Tumayo si Sergio at binuksan ang TV na nasa entrada ng kusina. Bumalik siya sa bakanteng stool sa tabi ko. Inikot-ikot niya ang kutsara na nasa loob ng tasa. Paminsan-minsan, tumitingin siya sa gawi ni Rey saka nag-iiwas ng tingin. Humalumbaba ako at tumingin sa TV.
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
AventuraIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...
