Hindi ko alam kung maganda ba ang naisip kong magpunta sa bundok. Pero sa naalala kong sabi ni Maam Rachel, nandoon sa isang tagong lugar ng Mantalongon ang Christian church. Kaya imposibleng makikita ko 'yon sa kapatagan, lalo na sa mga hasyendang nakapalibot sa kabundukan ng Mantalongon.
Ang dapat kasi, dadaan sa tulay para makita ang interseksyon sa gitna ng dalawang hasyenda. Ang ikatlong daan sa interseksyon at patungong itaas ang daan papunta sa Christian church. Pero naligaw kami ni Rey, at ngayon, hindi ko na alam kung saan ang alternatibong daan pabalik sa main road. Kaya lalakbayin ko na lang ang bundok. Baka may makita akong daanan o senyales na magtuturo sa akin sa tamang daan.
Naisip ko na rin kaninang magtanong kay Juvi pero sabi nga niya, may nakikinig sa usapan namin. At alam kong matatagalan kami kung magsa-sign language pa ako sa kaniya. Sa lagay ng isipan niya kanina, baka mahirapan siyang maintindihan ang gusto kong iparating. Kung ibubulong ko naman, natatakot akong may sensor nakadikit sa suot ni Juvi.
"Nakakatakot ang dilim," bulong ko.
Papaakyat na ang daanan kaya kailangan kong kumapit sa mga puno. Mabuti na lang, lumulusot ang liwanag ng buwan sa bawat kahoy ng mahogany kaya malinaw kong nakikita ang daan. Nakakaiwas ako sa mga matutulis na bato at sangang nakausli.
Huminto na muna ako saglit at sumandal sa puno. Huminga ako nang malalim. Mga limang beses. At inayos ang pagkakahawak sa sanggol.
Natawa ako nang may maisip. "Mabuti na lang weightless ka, baby. Baka kanina pa kita nabitiwan. Hmm..."
Hindi ko na narinig ang pag-igik niya. Pero paminsan-minsan, kumikislot siya. Hanggang ngayon, hindi ko pa rin naririnig ang iyak niya at nakapikit pa rin ang mga mata niya. Sa tuwing nag-aalala ako, bigla na lang akong matatawa. Sumasagi kasi sa isip ko ang pagiging premature ni Baby.
"Pagod na ang Tita Vivid mo, e. Pahinga na muna tayo, ha?"
Dumadausdos ako hanggang mapaupo ako sa lupa. Ingat kong nilagay ko sa ibabaw ng hita ang sanggol saka bumuntong-hinga.
Kuliglig at paminsan-minsang pagsasayawan ng dahon sa mga sanga ang tanging naririnig ko sa paligid. Malamig din ang hangin at panaka-nakang nanginginig ang kalamnan ko sa tuwing sumasagi ang simoy ng hangin sa balat ko. Hindi ko alam kung magpasalamat sa bagong damit o 'wag na lang. Mas nanunuot kasi ang lamig sa isang manipis na white dress. Mabuti na lang, makapal ang lampin na nakabalot sa sanggol kaya nabawasan ang pag-aalala ko sa bata.
"Pero kung totoong sina Sergio at Walrus ang dalawang lalaking sinasabi ni Juvi, sino kaya sa dalawa ang nakaligtas?" Bumuntong-hinga na naman ako.
May pag-asang nabuhay sa loob ko sa kaalamang may dalawang lalaking naligaw sa Mansiyon de Ursula. Maaaring sina Sergio at Walrus ang mga 'yon. Pero may takot sa sistema ko kung sakaling sila nga 'yon. Dahil hindi ko alam kung sino sa dalawa ang patay o buhay. Ang nakaligtas at hindi.
"Sana..." Bumuntong-hinga ulit ako saka umiling. "Ipagpasalamat ko na lang kung sila nga 'yon."
Iniyakap ko ulit ang sanggol saka tumayo. Pinagpatuloy ko ang pag-akyat pataas sa bundok. Napapahinto na lang ako sa tuwing umaalulong ang aso doon sa ibaba, tapos bigla-bigla na lang lumalakas ang ihip ng malamig na hangin. Tuloy, sobrang ingay ng mga dahong nakapalibot sa akin. Napapakislot nga ang sanggol.
"Shhh," alo ko.
Bigla na lang akong nakarinig ng atungal. Huminto ako sa paghakbang at pinakinggang mabuti ang tunog. Hindi pala atungal. Isang ungol at hingal. Na parang nahihirapan. Nasasaktan.
Napalinga ako sa paligid at hinawakang mabuti ang sanggol. Inilapit ko pa nang husto sa katawan ko at sinugurong hindi mahuhulog kung sakaling magkaroon man nang takbuhan.
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
AdventureIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...