Hindi na ako nagtangkang pumasok sa lupain ng mga Ursula. Lumiko ako sa kakahuyan. Tinungo ko ang pusod ng gubat, kung saan malalaki ang ugat ng mga puno, nakadipa ang matatayog na mga sanga, at malalago ang mga lalaki at matutulis na dahon.
Doon ako tumayo. Doon ako natigilan. Doon ako napaisip.
Anong buhay pa ba ang mararatnan ko ro'n? Anong ipaglalaban ko ngayon? Wala na si Rey, si Shiela, at si Walrus. Ako mismo ang naglibing sa mga labi ng mag-anak. Habang si Sergio... si Walrus na mismo ang nagsabing wala na siya. Alam ko. Sigurado na akong wala na akong makakasama pagkarating doon sa church. Sa pagkakataong ito, sigurado na ako.
Dahan-dahan akong humakbang palapit sa puno. Sumandal ako ro'n padausdos na umupo sa lupa. Iniyakap ko ang jacket ni Walrus na hawak niya nang makita ko siya. Ito lang 'yong huling ala-ala ko sa kaniya.
Tulala kong tiningnan ang isang halamang namumukadkad na tinatanglawan ng sinag ng araw. Napangiti ako. Ang gandang pagmasdan. Parang isang nakatayong pag-asa sa gitna ng sigalot.
"Ha... uh... hmmm!"
Napaupo ako nang maayos at napalinga sa paligid. May naririnig akong ungol ng nahihirapan. Isang impit na sigaw. Pamilyar... parang babaeng nanganganak.
"Haaa.... uh ang sakit. Ayoko na, ha!"
Napatayo ako. Rumehistro sa pandinig ko ang pamilyar na boses. Bumilis bigla ang tibok ng puso ko. Nabuhayan ang dugo ko!
"Ah! Uh!"
Lumunok ako. "Y-Yuri?" Nawala ang ingay. Umikhim ako. "Wag kang matakot. Si V-Vivid 'to."
"Vivid?" Narinig ko ang paghingal niya. "N-Nandito ako, V-Vivid!"
Hinanap ko ang pinanggalingan ng boses. Mariin ang hawak ko sa jacket at mabilis ang paghinga dahil sa kaba. Dalawang malalaking puno ang naraanan ko bago ko nakita si Yuri na nakasuksok sa isang malaking ugat. Nakasandal siya at nasa aktong panganganak. Butil-butil ang pawis sa mukha at puno ng mantsa ang suot na dress.
"V-Vivid," ngiti at hingal niyang sambit. "V-Vivid..."
Nabitiwan ko ang jacket. Mabilis akong lumapit sa kaniya at hinawakan ang kamay niya. "Huminga ka nang malalim. Masakit ba?"
Naiiyak siyang tumango. "Kumikirot. Para akong malalagutan nang hininga sa sobrang sakit, V-Vivid."
"Hingang malalim. Sabayan mo ako, 'kay?" Tumango siya. Ngumiti ako at humigpit ang hawak ko sa kamay niya. "Hingang malalim." Ginawa niya ang sinabi ko ko. "Iri."
Napasigaw siya habang umiiri. Nanlaki ang mga mata ko. Baka may makarinig sa amin!
"Ang s-sakit..." daing ni Yuri.
"Shhh... hinaan mo, baka may makarinig."
"H-Hindi ko..." Huminga siya nang malalim at naiiyak na umiling. "...kaya."
Naghanap ako nang maaring makagat niya. Nakita ko ang suot niyang sweater. Tinuro ko 'yon. "Hubarin mo 'yan. Kagatin mo para hindi ka masyadong makasigaw."
Tumango siya. Tinulungan ko siyang hubarin ang sweater na suot-suot niya. Mabilis niya 'yong kinagat at napakapit sa puno. Nanunubig ang mga matang napatingin siya sa akin. Ngumiti ako at tumango sa kaniya. "Kaya mo 'yan. Nandito lang ako, Yuri."
Mabilis siyang tumango ulit. Huminga siya nang malalim at umiri. At sa bawat subok niya, para rin akong nalalagutan ng hininga. Naramdaman ko ang pamumuo ng butil ng pawis sa noo at leeg ko, lalo na nang mas dumiin ang pisil ni Yuri sa kamay ko. Tumigil siya saglit at huminga nang malalim. Hiningal ako bigla sa kaba.
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
AventuraIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...