Media: Is He Worthy by Shane and Shane
....
Isa 'yong umagang hindi nababahiran ng dilim. Para sa akin, kaya kong i-sakripisyo ang pagsusulat para makita lang kung paano umakyat ang araw sa silangan. Sa oras na 'yon... hindi ako makagalaw sa pagkamangha, habang nakatayo sa itaas ng bangin at nakatingin sa bukang-liwayway. Malaya ang mga ibong lumipad sa himpapawid.
Sa ibaba ng bangin ay parang walang hanggang kakahuyan. Kita ko rin dito ang iba't ibang hugis ng tuktok ng kabundukan na nakapalibot. Sa itaas, doon sa kalangitan, malalaki at makakapal ang kumpul ng mga ulap. Nagkukulay-mais pa ang ibang ulap nang matanglawan ng sinag ng bukang-liwayway.
Hindi ko namalayan ang luhang naglandas sa pisngi ko. Hindi ko alam kung bakit habang tinititigan ko ang papaakyat na araw, bumabalik ang mga ala-ala sa nagdaang taon. Lahat ng ginawa ko. Lahat ng tawa, ngiti, luha, sawi, at hinanakit. Bumabalik sa isip ko ang masasayang ala-ala. At ang mga ala-alang 'yon ay may kasamang pait.
Napahugot ako nang malalim na hininga. Parang sasabog ang puso ko sa saya at lungkot, sa pangungulila at pagsisisi, sa pagmamahal at pagpapatawad. Halo-halong emosyon ang nangingibabaw sa akin na hindi ko mapangalanan kung ano nga ba ang nararamdaman ko sa mga oras na 'yon. Naguguluhan ako.
"Vivid."
Kumurap ako at dahan-dahang pumihit. Nakita ko si Sister Rachel na nakangiti sa akin. Tumama ang marahang sinag ng papakyat na araw sa mukha niya, kaya tinaas niya ang kamay para harangan ang sinag.
Ngumiti ako sa kaniya at humakbang paabante. "Magsisimula na ba, Sister?" tanong ko.
"Oo. Handa na rin si Yuri at hinihintay ka na lang."
"Sige. Pupunta na ako, Sister."
Sabay kaming naglakad pabalik sa simbahan. Naraanan pa namin ang hardin ni Bonbon. Malulusog ang mga tanim. Napabuntong-hinga ako. Naalala ko si Sergio noon na nagdidilig ng halaman sa labas ng apartment building. Siguro, kung makikita niya kung gaano katataba ang mga tanim dito, tiyak kong masisiyahan 'yon.
"Mukhang naaabala na namin si Brother Saul, Sister." Marahan akong ngumiti. "Nakita ko kaninang binuhat niya ulit paakyat ng hagdan si Yuri."
"Nagreklamo ba ang kaibigan mo?"
"Sinabi niya sa aking nahihiya na siya. Dalawang araw nang inakyat-baba ni Brother Saul ang hagdan habang buhat si Yuri."
Marahang natawa si Sister Rachel. "Hindi naman nagreklamo si Brother Saul. Sa tingin ko, kusang loob namang binubuhat ni Brother ang kaibigan mo."
"Hmm..."
"Wag mo nang alahanin 'yon. Pagkatapos ng isang linggo naman ay magiging maayos na ang kaibigan mo. Mas mabuti nang makalanghap ng sariwang hangin dito sa itaas ang kaibigan mong si Yuri, para hindi naman malugmok sa payag niyong dalawa. Nakakatulong ang pagdidilig niya sa hardin para mabaling ang atensyon niya. Alam kong hindi madali ang mamatayan ng pamilya."
Tumango ako saka ngumiti sa kaniya. "Okay din 'yon, Sister. Mas naaalagaan ko rin si Rizador."
Narinig ko siyang bumuntonghinga. "Alam mo, Vivid, naisip kong napakatuso talaga ng mundo. They want people to be dependent on technology, so that when this hour will come, we won't have excused. So that we will have only two choices... to be illegal or not. To be killed when refuse to obey, or to live and have the mark?"
"Naisip ko rin 'yan, Sister." Bumuntonghinga ako. "Pero may tanong na ngayon lang ulit pumasok sa isip ko. Kung New World Order any ipapatupad nila, bakit hinayaan nilang kumalat sa social media? Balita ko, maraming kaguluhan sa ibang bansa dahil dito."
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
AvventuraIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...