Lumubog na ang araw sa kanluran kaya nakabukas na ang mga ilaw ng poste sa paligid ng pantalan. Nagliliwanag din ang gusali ng DepEd sa itaas. May dalawang daan - isang sementadong pababa at isang hagdanang paakyat. Pinili namin ang huli. Hampas ng alon sa dalampasigan ang naririnig ko habang papaakyat kami sa itaas ng hagdanan. Kita ko pa 'yong istraktura ng simbahan habang sinusulyapan kung anong mararatnan sa itaas. Nauna na ang kalalakihan na kasama namin sa biyahe kanina.
"Mag-tricycle na lang tayo, Vivid. O kung swertehin baka may masasakyan tayong E-Bus."
Bumaling ako kay Rey. "May E-Bus na rito?"
"Yep. Umiikot sa buong Lapu-Lapu. Dumadaan sa coastal road," hingal niyang sambit at hindi man lang tumingin sa gawi ko.
"Ah." Binaling ko ulit ang tingin sa harap. Inihakbang ko ang paa sa huling baitang ng hagdanan. Napabuga ako ng hangin at binaba ang maleta. Pinahid ko ang pawis sa noo. "Dadaan ba 'yong E-Bus sa sinasabi mong Humay-Humay?" Tiningala ko ang tatsulok na nagliliwanag sa itaas ng dingding ng simbahan, saka muling bumaling kay Rey.
Binaba niya ang malaking bag sa sementadong kalsada at nag-unat-unat. Huminga siya nang malalim. "Tricycle 'yong kadalasang dumadaan sa Humay-Humay. Main road ang ruta ng E-Bus." Ngumuso siya. "Ay. Tara na nga. Tricycle na lang tayo."
"Sabi na nga ba." Natawa ako at napabuga ng hangin. Tatlong beses akong huminga nang malalim para makalmahin ang nagrurumentado kong puso. Hindi ko akalaing nakakahingal 'yong mataas na hagdan. "Saan na tayo?"
Nasa gilid kami ng tuwid na kalsada. Dumidiretso ang kalsada sa dalawang magkabilang daan. May dalawang daan din sa harapan - sa magkabilang gilid ng simbahan. Binitbit ni Rey ang kaniyang malaking bag saka tumawid ng kalsada. Sumunod ako habang hila-hila ang maleta. Rinig ko ang tunog ng takong ng sapatos niya, saka 'yong ingay ng gulong ng maleta ko.
Tinahak niya ang kaliwang daan sa gilid ng simbahan. Lumingon siya sa akin at hinintay ako. Binilisan ko ang hakbang hanggang makasabay ako sa kaniya. Nagpatuloy kami sa paglakad. Madilim na sa malaki-laking kalsadang tinatahak namin, pero biglang bumukas 'yong mga ilaw sa itaas na parang ginawang banderitas. Nasilaw ako sa biglang liwanag kaya napabaling ang mukha ko sa kaliwa. Natigilan ako.
May malaking parke roon na may maraming tanim at parang mushrooms na structure sa gilid. Nang tingnan kong mabuti kung anong nasa gitna ng parke, nakita kong may structure sa gitna na pinaliligiran ng malalaking rehas.
Nauna si Rey pero napahinto nang maramdamang hindi ako sumasabay sa kaniya. Lumingon siya sa akin. "Vivid?"
"Gusto ko munang libutin 'yong park. Pwede ba?" Tinuro ko ang parke.
Nangunot ang noo niya at bumaling sa tinuro ko. "Plaza? Ok. Halika. Bilisan lang natin, ha? Baka nayamot na si Sir Walrus."
"Hayaan mo na. First time ko rito kaya gusto kong sulitin. Alam mong ilang buwan din akong mabuburyo sa loob ng bagong apartment," sabi ko habang humahakbang papasok sa entrada ng plaza.
Binitbit ko ang maleta pababa sa hagdanan at nilibot ang tingin. Napangiti ako sa lawak ng plaza. Pakiramdam ko, para lang akong maliit na insekto sa malawak at malaking plaza. Binaba ko ang maleta at hinila palibot sa lugar. May mga rectangular plant box sa gilid, saka hardin na binabakuran ng kulay puting kawayan. May mga poste ng ilaw sa bawat kanto ng plant box. Malamlam ang ilaw na nanggagaling sa mga mga 'yon. Kulay kahel. Parang magandang dating site ng couples ang lugar. Kaso, wala akong makitang tao liban sa ilang pulubing natutulog sa mga bench.
"Manong, anong ginagawa niyo?"
Nahinto ako sa paglibot at lumingon sa gawi ni Rey. Nakatingala siya sa isang poste ng ilaw. Nang tumingin ako sa tinitingnan niya, nakita ko ang isang lalaking may inaayos sa itaas ng poste. Nakatayo siya sa hagdanan na hindi ko napansin kanina. May kinakalikot siya.
BINABASA MO ANG
Last Degree (Complete)
AdventureIn order for the survival of mankind, the world leaders decided to unite. It is after the global economic loss due to the pandemic. Vivid Letecia, a fictionist and fearful woman, give her support for one world government. But months later, the new g...