Kabanata 07
"J-JunJun..."
Matalim ang titig na binibigay niya kay Felix. Pinilit kong umalis sa kanyang pagkakayakap pero hindi niya ako pinakawalan, mas lalong humigpit ang yakap niya.
Bakit pakiramdam ko ay ligtas ako sa yakap niya?
Gustong-gusto ko ang init ng kaniyang katawan at ang paraan ng paghigpit ng yakap niya.
Masama na ito.
"Belle? Kilala mo ba 'yan?" tanong ni Felix. Sinilip ko ito sa kanang balikat ko, halata sa hitsura niya ang pagtataka. Hindi naman pwede na magsinungaling ako, na hindi ko kilala si JunJun. Matalik na kaibigan ko si Felix at ayokong masira ang matatag na linya sa pagitan naming dalawa.
Tumango ako. "O-Oo...boyfriend ko."
Nagsalubong ang kilay ni Felix. Umiwas ako ng tingin nang tulala niya akong tiningnan na para bang hindi siya makapaniwala sa narinig.
"A-Ano..." mahinang bulong niya.
Umangat ang tingin ko kay JunJun. Dinungaw niya ako.
"Pakawalan mo muna ako. Kailangan ko lang siya makausap," saad ko. Ilang segundo muna niya akong tinitigan hanggang sa dahan-dahan na lumuwag ang pagkakayakap niya sa akin.
Hinarap ko si Felix at nilapitan siya. "May kailangan kang malaman..." sinilip ko si JunJun na diretsong nakatingin sa akin, binalik ko muli ang tingin kay Felix na nakaawang ang bibig.
Malalim akong napabuga nang marahas na hininga. "Pag-uwi na lang, madaming tao ang makakarinig sa sasabihin ko."
"Ano bang pinagsasabi mo?"
"Basta! Sumunod ka na lang." bulong ko. Tumango siya na ikinangiti ko. Bumalik muli ako kay JunJun at hinawakan ang braso nito. "Bakit ka nga pala nandito?" tanong ko.
Suplado niya akong dinungaw. "Sinamahan ko si Nanay na magbenta, pinauna ko na siyang pinauwi. Nakita kasi kita na kasama ang lalaking 'yan..." inginuso niya si Felix. "Sino ba 'yan?"
"Childhood friend ko,"
"Bakit iba makatitig sa'yo?" umigting ang panga niya at naramdaman ang tensyon sa katawan niya. Do'n ako nagsimulang kabahan nang humakbang ng isang beses palapit kay Felix, hinigit ko siya pabalik.
"G-Gano'n lang siya makatitig. Hayaan mo na, umuwi na tayo. Magdi-dilim na oh." turo ko sa kalangitan.
Bumuga ako ng marahas na hininga habang tinitingnan si JunJun na salubong ang kilay. Malapit na kami sa bahay at nasa likuran namin si Felix na tahimik lang din. Minsan ay nililingon siya ni JunJun at nakikita ko ang masamang titig niya. Pagdating namin sa bahay ay hindi pumasok si Felix, nag-bigay lang ito ng senyales na hihintayin na lang niya ako sa may dalampasigan.
"Oh, anak. Saan ka galing?" bungad na tanong ni Nanay. Abala siya sa pagbibilang ng pera. Si Louise ay nanonood ng T.V.
"Sa barangay lang, Nay. Nanghiram kasi ng libro si Kapitan tapos napadpad ako sa palengke kasama si Felix."
"Bumalik sila dito?" gulat niyang tanong.
Tumango ako. "Opo..."
Pinisil ni JunJun ang kamay ko kaya nilingon ko siya. "I'm sorry pala kanina, masyado 'ata ako naging possessive sa'yo..." Aniya. Umawang ang labi ko sa sinabi niya. Humihingi siya ng tawad dahil lang sa ginawa niya? Wala namang problema sa akin 'yon....
Gusto ko nga eh.
"O-Okay lang...Sa susunod huwag mo lang ako higitin ng gano'n, nakakagulat." tawa ko.
BINABASA MO ANG
Beautiful Lie with Scars ✔
Romance[TO BE PUBLISHED] It takes a lot of truth to gain trust, but just one lie to lose it all. Belle is a gentle and compassionate woman who lives in a simple house at Baybay, Aklan. Despite their lower status, she's goal-oriented. She will prove to ev...