Kabanata 28
Aria
Payapa ang dagat. Sobrang naka-kalma. Ang init ng panahon pero hindi naman ganoon kainit ang hangin. Inaantok ako. Ang sarap sanang matulog dito sa ilalim ng puno ng niyog habang nakahiga sa duyan kung hindi lang ako tinawag ni Rina. Kakain na daw ng tanghalian.
"Naku ate! Mukhang madami ka na namang makakain. Nagluto si inay ng ginataang sugpo at alimasag." Bulalas niya at halatang excited umuwi dahil sa bilis ng lakad.
Tumawa ako habang humahabol sa lakad niya. "Baka ikaw. Kita mo kabilis mong maglakad. 'Kala mo uubusan ng ulam."
Sinimangutan niya ako at saka ngumuso. Umiiling-iling tuloy ako at natatawa dahil sa reaksiyon ng mukha niya.
"Nakasimangot ka na naman Rina." Puna ni inay dito.
"Kasi naman 'yang si ate. Lagi akong inaasar." Mas sumimangot ang kaniyang mukha.
Tumawa lamang ako ng mahina.
Payapa ang buhay. Masarap ang biyaya ng dagat. Mangingisda si itay at dito lang sa bahay si inay. Laging ganito, kakain kami ng ani ni itay at lulutuin ni inay. Halos pare-pareho lang naman ang ani pero iba-iba ang luto kaya hindi nakakasawa.
Guro si Rina sa paaralan dito, elementarya ang tinuturuan niya. Sakto lang at bakasiyon ngayon kaya kasama namin siya madalas sa bahay, hindi pa nagsisimula ang brigada eskwela. Ako naman? Mananahi ako sa isang maliit na patahian ng uniporme sa loob ng eskwelahan kung saan nagtatrabaho si Rina. 'Di ko rin alam kung paano ako natutong manahi. Ilang buwan matapos ang aksidente, sumama ako kay Rina at naghanap ng trabaho.
Si Rina? Hindi ko siya tunay na kapatid. Nanay niya si inay Irma at itay Raul. May tatlong taon na rin siguro akong nandito. Sinubukan naman namin na ipagamot ako pero kasi... mahal at wala rin namang nangyayari kaya sumuko nalang ako. Sayang kasi ang oras at pera. Mas mabuti pa na sa pagpapagawa nalang ng bahay mapunta. Matanda na sila inay at itay, at isa lang ang hiling nila— na matapos itong bahay. Para 'pag naulan ay 'di kami pinapasok sa loob ng tubig dahil sa mga tulo sa bubong.
Simple lang ang buhay namin dito at masasabi ko na masaya ako. Naging totoo ang pamilyang kumupkop sa akin. Nai'kwento nila lahat kung ano ba ang nangyari at kung paano ako napunta sa pamilyang ito.
Kagaya ng sabi ko ay tatlong taon na ako dito. Isang pang-karaniwang araw para sa pamilya pero espesyal dahil kaarawan daw ni itay kaya naisipan nilang kumain at lumabas. Medyo malayo ang lugar na ito sa bayan at mahabang lakarin pa bago ang kalsada. Habang naglalakad ay may nakita raw sila na isang kotse malapit sa bangin, laking gulat nila na mayroong duguan na babae sa loob nito.
Sa gulat nila ay tinaggal nila ang babae sa kotse at tinakbo sa pinaka-malapit na klinika sa lugar. Hindi natuloy ang selebrasyon ng kaarawan ni itay pero masaya sila dahil nakapagligtas sila ng buhay.
Sa tuwing may bonus si Rina noon sa trabaho ay pumupunta kami sa doktor. Pero nang makaranas kami ng bagyo ay naisipan nalang namin na ipagawa ang bahay. Wala rin naman kasing nangyayari. Wala pa rin akong maalala. Sabi sa amin nung nakaraan ay kailangan raw magpunta sa Maynila para sa espesiyalista. Maynila? Pamasahe pa lamang magkano na, tapos pagpapagamot pa? 'Wag nalang.
Pero siyempre, hindi ko maiwasan minsan na magtanong. Kung sino nga ba ako?
"Aria... tulala ka na naman anak." Puna ni inay sa gitna ng aming pagkain.
"Siguro inay iniisip niya kung sasagutin ba niya ang balik-bayang anak ni Ka Maricel." Tawa ni Rina.
"Aba'y sino ba? 'Yun bang si Lester? Balitang babaero ang batang iyon gawa ng seaman daw." Naiiling si inay. "Karaming lalaki riyan anak, mamili ka ng mabuti nang hindi ka masaktan. 'Di bale ng hindi kagwapuhan basta mamahalin ka ng tapat at kaya kang samahan sa hirap at ginhawa."
Napatigil si Rina sa pagsubo ng kanin. "Kaganda ni ate, inay. Panigurado ay may kasintahan na ito baka hindi lamang niya maalala."
Napatigil kami lahat. "Hala ate. Pasensiya na." Biglang paumanhin ni Rina.
"Ayos lang. Hindi ko nga rin alam kung bakit hindi ako makaalala. Baka masiyadong pangit ang nakaraan kaya kahit mismong utak ko ibinaon na sa limot ang lahat." Ngumiti ako para hindi na sila mabagabag pa.
—-
Lumipas ang mga araw. Tahimik, payapa at masaya. Pero masasabi ko na parang laging may kulang. Laging lumilipad ang utak ko sa kawalan kasabay ng ihip ng hangin. Tila laging tinatangay ng simoy ng hanging dagat ang lahat ng emosyon na mayroon ako. Hindi ko mang maiwasang mag-isip pero tila tinatanggal ng dagat ang lahat ng pangamba ko."Aria..." Nagulat ako sa tumabi sa akin. Kasalukuyan kasi akong nakaupo dito sa may papag sa harapan ng bahay namin.
Tumingin lang ako sa kaniya sandali bago ibinalik ang tingin sa kahabaan ng dagat. "Pista sa susunod na buwan. Gusto mo bang sumama sa pagdiriwang sa bayan kung magkataon?" Naupo siya sa tabi ko.
"Itatanong ko kay Rina kung gusto ba niyang sumama at magpapaalam muna ako kina inay at itay." Magalang kong sagot dito at nanatili pa rin ang aking mata sa dagat.
"Ah ganoon ba? O'sige. Kung gusto mo ay ako na ang magpaalam nang payagan ka?" Napatingin ako bigla sa kaniya.
"Huwag na Allan. Ako na ang bahala roon."
Si Allan. Sa loob ng tatlong taon ay naging mabuting kaibigan ko siya. Kahit kailan hindi ko siya nakitaan ng kakaiba kagaya sa ibang lalaki, na parang laging may ibang interes bukod sa pakikipag-kaibigan. Dahil sa loob ng tatlong taon, ayos naman sa aking makipag-usap sa ibang tao pero hindi ko makuhang magtiwala kahit kanino. Hindi ko alam pero nahihirapan ako.
Bukod sa itinuring kong pamilya rito ay wala na akong ibang pinagkakatiwalaan pa. Para kasing iba ang nakikita ko sa mga mata nila. Tila isang misteryo na ang daming tinatago. Nakakatakot.
"Una na muna ako. Papalaot pa kami manaya nila itay." Paalam ni Allan.
"Ingat kayo." Ngiti ko sa kaniya.
At kagaya ng dati mag-isa ulit ako. Nakatingin sa dagat at napupunta sa kawalan.
BINABASA MO ANG
Lips Don't Lie
General FictionThey say lips don't lie but I guess they are fvcking wrong 'coz lips do lie, terribly.