Kabanata 30

7 0 0
                                    

Kabanata 30

Pamilya

Bangungot.

Isang bangungot ang gumising sa akin. Tila totoong-totoo. Tagaktak ang pawis ko at tila hinabol ako ng lagpas sampung kabayo. 'Di ko namalayan na nakatulog pala ako kanina matapos kong magtinda. Pero tandang-tanda ko ang bawat detalye ng panaginip ko.

Uno, Hillary, Son.

May anak ako?  Nakalimot man ako pero alam ko naman ang ibig sabihin ng salitang son.

Bigla akong napakapit sa tiyan ko. Niraramdam kung minsan bang nagkaroon ito ng laman.

Son?

So lalaki ang anak ko? Pero paano?

Sino si Uno? At Hillary? Hindi ko matandaan ang buong pangalan na sinabi niya. Ako ba si Hillary? Pero ako si Aria.

Aria...

Ang pangalang ibinigay ng pamilyang kumupkop sa akin. Sino nga ba ako? Sa loob ng tatlong taon kong pamamalagi dito ay ngayon lamang ako nagkaroon ng panaginip na tila totoong-totoo.

Isang bangungot.

Bumangon ako at dumiretso sa banyo. Maliit lang ang banyo dito pero sementado na dahil inuna naming ipagawa nang matanggap ang bonus ni Rina. Isang tahimik na lugar para makapag-isip. Kada buhos ko ng tubig mula sa tabo at bawat dampi ng malamig na butil nito sa aking balat ay mas napapa-isip ako.

Sino nga ba ako?

"Ate." Malakas na katok ni Rina ang gumising sa malalim kong pag-iisip.

"Ate. Dalian mo. Ikaw na lang ang inaantay. Nariyan na si Allan." Dagdag pa niya kaya dali-dali akong kumilos.

Tumutulo pa ang buhok ko nang humarap ako sa kanila. "Ay ang ganda. Ang ganda natin." Ngiti ni Rina at saka sumabit sa braso ko.

"Nasa plaza ang anak ni mayor ate. Chance ko na iyon para magkaroon ng mayamang nobyo. Ang gwapo pa. Sobrang perfect talaga ni Miguel." Bahagya akong napatigil.

Miguel?

Parang narinig ko na iyon kung saan. "Okay ka lang ba?" Untag ni Rina nang mapahinto ako sa paglalakad namin.

"Nai-kwento mo na ba dati ang sinasabi mong Miguel?" Napakunot ang noo niya sa tanong ko.

"Bakit? Interesado ka ate? Aba ate. Akin na si Miguel ha." Walang reaksyon ang mukha ko pero napapaisip pa rin ako. "Biro lang. Lika na nga."

Maraming tao sa plaza. Maingay, maraming ilaw at nagkakasiyahan ang mga tao. Sa kabila ng ingay ng paligid ay mas rinig ko ang pagsigaw ng utak ko.

Sino si Hillary?

Iniwan ko si Allan at si Rina sa kumpol ng mga taong nagsasayawan. Nagpunta ako sa sulok at naupo. Kapayapaaan sa isang maingay na lugar. Tila utak ko na laging sumisigaw.

Lagi akong sumasama kay Rina at Allan tuwing ganitong okasyon. Bukas na ang pista at laging may programa para sa mga mamamayan ng bayang ito. Lahat gastos ni mayor para sa masaganang taon na lumipas.

Maliit lang ang bayang ito pero hanggang ngayon hindi ko pa nalilibot. Bahay, plaza, bayan at sa eskwelahan kung saan nagtatrabaho si Rina. Iilang lugar na kabisado ko nang puntahan. Sa loob ng tatlong taong pamamalagi ko rito, masaya naman ako. Lumilipas ang bawat araw pero laging parang may kulang. Lagi akong naghahanap ng sagot na kahit mismong utak ko hindi alam kung saan kukunin ang mga sagot sa dami ng katanungang naiisip ko lagi.

Napatingin ako sa mini stage na ginawa nila sa harapan para sa programa. Bigla kasing nagsigawan ang mga tao, mukhang siya ang anak ni mayor.

Morenong lalaki na may maamong mukha. "Uno..."

Lips Don't LieTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon