Madalas ang gabing tahimik kay Cas. Tahimik hindi dahil walang ingay sa paligid kundi tahimik dahil bingi na siya sa lahat ng ingay na humihiyaw sa loob ng isipan niya. Iniwasan niyang dumaan sa harapan ng auditorium kung saan may mga pulis na agad na nag-iikot-ikot. At dahil nagkakagulo pa rin sa paligid, walang nakapansin sa kanya na isa siya sa mga nasa loob ng subastahan bago pa mangyari ang barilan.
Nagsisisi naman siyang tinanggap niya ang trabaho para sa mga Devide, at iniiwasan niyang mabanggit ang katotohanan kung bakit siya nagtatrabaho roon nang palugi. Maliban din naman kay Joseph Zach na puno't dulo ng lahat, nakapagpupuslit din naman siya ng ilang mahahalagang bagay gamit ang cargo. Binibigyan na lang niya ng positibong resulta ang negatibong dahilan ng mga trabaho niya.
Hawak ni Joseph Zach ang dokumento para sa cargo. Puwede na niyang gamitin iyon pam-blackmail sa atraso nito sa pag-iwan sa kanya. Pakiramdam niya, tapos na ang problema niya sa mga Devide. Pero malamang na hindi pa tapos ang problema niya sa mga Zordick at Wolfe.
Binaybay niya ang kalsada ng pamilihan. Wala siyang dalang pera dahil si No. 99 ang nagbabayad ng lahat. Gusto sana niyang bumili ng kape, ang kaso ay walang laman ang lahat ng bulsa niya. Napatitig tuloy siya sa vending machine na katabi ng music shop.
Ang lalim ng buntonghininga niya at sinuntok nang mahina ang makina. Umuga lang iyon kaya inulit niya ngunit mas lumamang ang pagtulak. Lumakas ang pag-uga ng makina, maging ang mga lamang can doon. Isa pang suntok at dumapo ang kamao niya sa malaking palad. Pairap niyang tiningnan ang may-ari ng kamay at mukha ni No. 99 ang bumungad sa kanya, na kung makatingin ay parang sawang-sawa na itong sundan ang mga kabaliwan niya sa buhay pero wala namang magawa kundi sumunod pa rin.
"You can ask for money," sermon nito.
"Lahat na lang ba, iaasa ko sa 'yo?" naiinis na sinabi ni Cas, binawi ang kamao at umamba na naman ng suntok.
Bago pa makalapit sa makina ay hinawakan na ni No. 99 ang kamao ni Cas at ibinaba iyon. "Mga ganitong desisyon mo ang nagpapalala ng sakit mo." Dumukot siya sa bulsa at hinulugan ng barya ang vending machine.
"Payag na 'ko kay Arthur Wolfe," tinatamad na sinabi ni Cas habang nakatitig sa nalaglag na baso sa loob ng makina at pag-dispense doon ng mabangong black coffee.
"Sinabi ko nang ayoko sa kanya."
"Ikaw ba ang makikisama?" inis na sinabi ni Cas nang sulyapan ang dating asawa.
"That's the point kaya nga ayoko." Itinuro niya ng ulo ang kape para kunin na iyon ni Cas.
Umirap lang ang babae at kinuha ang kape niyang umuusok pa. Nakapagitan sa isang malaking gusali at music shop ang vending machine na tanging may ilaw sa makitid na eskinita kung nasaan sila.
Sumandal si Cas sa brick wall ng katabing gusali habang ninanamnam ang kape niya sa kalagitnaan ng gabi.
"Dapat kumain ka muna ng hapunan," sabi ni No. 99 na nakatayo naman sa harapan niya, nakakrus ang mga braso, at tila ba binabantayan siya kung may gagawin pa ba siyang kabaliwan.
"Wala akong gana," sagot ni Cas at humigop sa mainit na inumin habang nakatulala. "You can throw your sarcasm on me, or do your usual scolding routine of how stupid I was for letting Joseph ruin my freaking life."
Umasa si Cas ng sermon sa dating asawa ngunit wala siyang narinig na kahit isang salita mula rito.
Maingay sa paligid ngunit natatahimik na naman silang dalawa. Ganoon ang tipikal nilang gabi. Magkasama ngunit tahimik. Kung magsalita man, parating nauuwi sa singhalan o pagbabalita, tapos tatahimik na naman. Hindi na rin alam ni Cas kung paano sila nagkakaintindihan ni No. 99 sa ganoong siste.
BINABASA MO ANG
The Backup Plan (Book 13)
RomanceThe BackUp Plan by Lena0209 ------ Dalawang taon pagkatapos ng kanilang divorce, hinahanapan na si Cas ng magiging tagapagmana niya, at wala siyang ibang maisip na magiging ama ng anak niya kundi ang ex-husband niyang si No. 99-isang highly-classifi...