Sanay ang Citadel sa mga trabaho ni No. 99 na ginagawa sa labas. Kung magtrabaho man ay parating mababa na sa limang araw. Kaya naman kapani-panibago ang pag-alis nito sa Citadel para lang magdasal sa templo sa tuktok ng bundok, doon sa probinsya ng bansang pinanggalingan nito. Walang kaugnayan sa trabaho bilang Superior, walang mapakikinabangan para sa panig ng Citadel.
Gaya ng parating sinasabi ng Fuhrer, hindi hihinto ang Citadel sa pagkawala ng isang Superior. At walang ikinaiba ang unang araw na wala si No. 99 sa iba pang araw nila—maliban sa buhay ni Cas. Ngunit dahil nangako siyang pagbalik ni No. 99 ay wala itong ibang makikitang sugat sa kanya kundi ang pagaling nang hiwa sa braso ay hindi niya na sinubukang hawakan ang kahit anong kutsilyong meron siya maliban sa ibinigay nitong balisong na gawa sa ginto ang kaha, may ukit ng crest ng mga Hwong at ang pangalan ni Hwong Yoo-Ji sa hangul at napakatalas naman na metal ang talim. Sinubukan niyang ipanghiwa iyon noong mahawakan niya pagbangon sa kama. Nagpalipad siya sa hangin ng papel na mula sa isang itatapon nang kontrata mula sa pinagkuhaang drawer at inunday ang patalim. Mabilis ang pagbagsak ng papel at wala man lang naging hirap na nahati iyon sa dalawa.
Pinagmasdang mabuti ni Cas ang kalat na papel sa sahig. Gusto niyang saksakin ang sarili ngunit pinipigilan niya dahil magagalit si No. 99 kapag ginawa niya iyon. Walang dahilan para magsuot siya ng bestida kaya lumabas siya ng silid na naka-round neck tee at nakasiksik ang laylayan sa denim jeans. Gumamit siya ng holster para sa patalim na ibinigay sa kanya ng dating asawa at isinukbit iyon sa lagayan ng belt ng pantalon.
Tatlong taon nang nag-a-adjust ang Citadel kay Cas. Ginagawa naman niya ang trabaho niya pero halatang wala siyang gana sa kahit alin doon.
Lumampas ang isang araw na wala si No. 99 na ang tanging pinanghahawakan lang ni Cas ay ang patalim na bigay nito. Pumasok siya sa opisinang matamlay, ginawa ang trabaho niya nang wala sa mood, inalalayan lang siya ni Ara sa mga iyon. Maliban doon, wala nang nangyaring iba pa.
Ilang araw ding ganoon si Cas. Paulit-ulit ang araw, mas lalo niyang nararamdaman na walang ibang taong may pakialam sa kanya sa Citadel kundi si No. 99 lang. Minsan ay kinakausap siya ni Joseph, ngunit dahil din sa trabaho nitong nangangailangang lumabas ng Citadel at makipag-usap sa mga branch managers, bihira lang din silang magkita o magtagal sa pag-uusap. Kinukumusta lang siya kapag libre ito o nagpapaalam kapag aalis. Dinadalaw siya ni Xerez at dinadalhan ng meryenda, at ito ang unang nakapansin na hindi na siya napapadpad sa Matriarca. Ngunit dahil nalalapit na ang pagdating ni Arthur Wolfe, hindi rin ito nakakatagal na kausap siya. Gusto sana niyang tawagan si No. 99 at kumustahin man lang ngunit sinabi na nitong walang telepono sa matutuluyan nito sa Ganghwa-do, mas lalo na sa bundok ng Manisan.
Hindi nga humihinto ang pag-inog ng mundo sa Citadel dahil lang malungkot ang isa o dahil wala ang isa. Sumapit ang bisperas ng Kapaskuhan, at hindi gaya sa labas ay iba ang selebrasyong ipinagdiriwang nila. Pagdating ni Arthur ang pinaghahandaan ng buong Citadel—hindi lang dahil sa pagiging duke niya sa norte kundi dahil itinuturing na siyang magiging puno ng mga tagapagmana ng ikatlong henerasyon ng mga Superior. At ang magiging babaeng anak niya kay Cassandra Zordick ang kailangang ipakasal sa paparating na anak ni Joseph Zach sa susunod na dalawang taon.
Kompara sa tipikal na pagdiriwang na maraming bisitang inaanyayahan, ang pagdiriwang sa Citadel ay binubuksan lang para sa mga nasasakupan niyon. Hindi iyon pagdiriwang na nagkakasiyahan ang lahat kundi binubuo ng pagsaludo ng mga Guardian sa isang mahalagang bisita mula sa Vorotta I papasok sa kastilyo. Dadaan doon ang sasakyan at sasalubungin si Arthur Wolfe ng mga Decurion upang bantayan hanggang sa dining hall para sa tanghalian na dadaluhan ng lahat ng mga nakaupong Superior—maliban kay Hwong Yoo-Ji.
Naglaan ng tatlong araw para mag-ensayo ng prusisyon para doon, tatlong araw ding hindi dinaluhan ni Cas dahil ang katwiran noong unang araw ay masama ang tiyan. Sa sumunod na araw ay sinabihan siya ni Ara na nagsabi ang Fuhrer na ayaw siya nitong makita sa prusisyon dahil masama ang loob sa ginawa niyang kasinungalingan. Walang tanga sa Citadel na maniniwalang masama ang tiyan niya gayong ayaw niya naman talagang mag-ensayo. Sinabi niyang ayaw rin niyang makita ang Fuhrer kung ganoon ang iniisip nito. At gaya ng nakasanayan, dumepensa na naman si Xerez na hindi naiintindihan ni Cas ang katwiran ng Fuhrer kaya ayaw siya nitong padaluhin sa ensayo. Sinabi nitong lahat ng ginagawa ng Fuhrer ay may kalakip na malalim na dahilan—na sasagutin din niya ng wala siyang pakialam sa mga dahilang iyon.
BINABASA MO ANG
The Backup Plan (Book 13)
RomanceThe BackUp Plan by Lena0209 ------ Dalawang taon pagkatapos ng kanilang divorce, hinahanapan na si Cas ng magiging tagapagmana niya, at wala siyang ibang maisip na magiging ama ng anak niya kundi ang ex-husband niyang si No. 99-isang highly-classifi...