Nasa etiquette ng mga Guardian na bawal ang kahalayan sa Citadel mula sa salita, sa kilos, at sa gawa. May karampatang parusa ang lalabag doon lalo pa’t ang Citadel ay lugar kung saan sila nagtatrabaho. Iyon nga lang, hindi iyon sakop sa batas para sa mga Superior. Ngunit nadala ni No. 99 ang etiketang iyon kaya alam niya kung kailan siya lalapit at kung kailan siya didistansya sa mga babaeng nakapaligid sa kanya, Guardian man o kapwa Superior. Kaya abot-abot ang inis niya habang kinakaladkad si Cas palabas ng gym.
Kilala niya si Li Xiao Ye, at hindi na siya nagtataka kung bakit kasundo ito ni Joseph Zach. Mahigpit si Madame Qi sa pagdidisiplina sa mga anak niya ngunit iba ang sukatan ng ugali ng mga babae sa pamilya. Mas malakas ang babae at sila ang nagdedesisyon sa halos lahat. Ang asawa nito ay isa lang disenyo sa palasyo dahil wala nang mas malakas pa sa babaeng kayang tumayo sa sarili niyang mga paa. Dominante si Lady Li at maghahanap at maghahanap talaga ito ng taong magpapaamo rito. At ayaw niyang isiping siya iyon.
“Ano bang ginagawa n'yong dalawa?” naiiritang bulyaw ni No. 99 nang bitiwan ang kasama.
Panay ang lingon ni Cas sa paligid para makita kung sino-sino ba ang makakapanood ng sigawan nila ni No. 99. May mga Guardian na nandoon ngunit kailangang umiwas dahil personal ang usapan nila. Hindi marami ngunit sapat na para makapagbalita hanggang sa kastilyo.
“Cassandra,” mahigpit na pagtawag ng lalaki para lang matuon ang tingin niya rito.
“Hindi ako ang nag-umpisa!” sigaw rin ni Cas at nagtatalo na sa mata niya ang inis at pagluha. “Bakit nagagalit ka sa 'kin?!”
“Hindi ako nagagalit sa 'yo! Inaabala n'yo 'kong dalawa!” Dinuro niya ang gym sa kanan. "Hindi kita isinama rito para ganoon ang mangyari!"
"Ako ba yung sumugod?! Ako ba yung umatake?!" Marahas niyang itinulak ang dibdib ni No. 99 ngunit hindi niya ito natinag sa kinatatayuan. "Bakit mo 'ko sinisigawan?! Anong karapatan mo, ha?!" Paulit-ulit niyang sinuntok ang matigas na dibdib ni No. 99. Kaiba sa paglaban nito kay Lady Li kanina, lahat ng suntok na ginawa niya ay sinalo lang nito habang nananahimik. "Bakit hindi mo sinabi sa 'king nag-assist siya sa 'yo sa checkup?! Bakit hindi mo sinabi sa 'king nandito siya?!"
Bago pa maitulak ulit ni Cas si No. 99 ay sinalo na nito ang pulsuhan niya at hinatak na naman siya paalis doon dahil napupuno na ng sigawan nila ang paligid.
“Bitiwan mo 'ko! Hwong Yoo-Ji!" Panay lang ang pagpalo ni Cas sa kamay ng lalaki at natigil lang siya nang halos ibalibag na siya nito papasok sa sasakyan. "Ano ba?!"
Kunot na kunot ang noo ni No. 99 nang makasakay na siya sa driver seat at sapilitang sinuotan ng seatbelt si Cas na lalabas na sana ng sasakyan. "Cassandra, tumigil ka na!"
Isang malutong na sampal ang namagitan at nagpatahimik sa kanilang dalawa.
Hingal na hingal si Cas habang pinanlilisikan ng mata si No. 99. Pilit niyang nilalabanan ang kilabot na bumalot sa katawan niya nang biglang magdilim ang mukha nito. Hindi na niya naiwasang manginig ang labi at kusang tumulo na ang luha kahit ayaw niyang maluha.
Matapos ang sampal na iyon ay wala nang salitang lumabas sa bibig ni No. 99 at nagmaneho na lang ito paliko sa Vorotta IV.
Tahimik ang unang minuto ng biyahe maliban sa hikbi ni Cas na pigil na pigil nitong tinatago ngunit kusa namang lumalabas. Panay lang ang iyak niya nang tahimik habang kagat-kagat ang hinlalaki at nakatanaw sa labas ng bintana ng sasakyan.
Maganda ang bagsak ng tanghaling araw sa dinaraanan nila ngunit parang bumabagyonoara kay Cas. Hindi na siya magtatanong kung saan sila papunta. Isa lang naman ang daang iyon na alam niya kung saan ang tungo.
Naiiyak si Cas dahil nagkasigawan sila ng dati niyang asawa. Hindi naman ito madalas na sumisigaw. Madalas itong galit pero hindi siya sinisigawan. Alam niya sa sarili niyang hindi siya ang nanguna. Nandoon siya sa bench at nananahimik pero nilapitan siya ni Lady Li. Iniisip niyang dapat ito ang sinisigawan ni No. 99 at hindi siya dahil wala naman siyang kasalanan. At isa pa, iniisip niyang nagsinungaling ito dahil hindi nito sinabi na naroon si Lady Li sa checkup. Bigat na bigat siya sa nararamdaman niya kaya dinaan na lang ng katawan niya sa tahimik na pag-iyak ang lahat.
BINABASA MO ANG
The Backup Plan (Book 13)
RomanceThe BackUp Plan by Lena0209 ------ Dalawang taon pagkatapos ng kanilang divorce, hinahanapan na si Cas ng magiging tagapagmana niya, at wala siyang ibang maisip na magiging ama ng anak niya kundi ang ex-husband niyang si No. 99-isang highly-classifi...