xiii. Sparks

844 68 29
                                    

"Ticket."

Si No. 99 ang nag-abot ng ticket nila ni Cas sa ticket inspector sa loob ng tren. Seat 43 at 44 ang naroon, okupado ng dalawa ang pandalawahang upuan sa bandang gitna ng unang bagon ng tren. Si Cas ang nasa may bintanang bahagi at ang lalaki ang nasa aisle. Hindi gusto ni Cas ang nasa may parteng bintana ngunit sinabi ni No. 99 na doon siya mauupo at huwag na siyang magreklamo. Habang tinitingnan niya ang ayos nilang dalawa ay binabakuran siya ng sandalan ng kaharap na upuan at ni No. 99.

Hindi masikip sa upuan at may kaluwagan naman ang dibisyon ng bawat isa. Nailalapat pa niya nang diretso ang mahahabang binti kung nais niyang uminat. Makapal din ang kurtina na kaparehong tela ng malambot na inuupuan nila.

Maingay ang tren kompara sa ibang sasakyan kaya nakailang silip si Cas sa kanan niya kung tunay ba itong nakatulog. Nakaalis na sila sa Ricktown Cape at kasalukuyang binabagtas ang malawak na hangganan ng Ventes Ragos kung saan kailangang baybayin ang mahabang tulay na tren lang ang tanging daan na umookupa ng sarili nitong riles.

Hindi maiwasang mamangha ni Cas habang nakasilip sa bintana. Nagtatagpo ang asul na langit at madilim na bangin sa paningin niya. Hindi lang siya ang namangha, may ilang bata ang tumitili sa malapit habang tuwang-tuwa na isinisigaw ang bahagi ng rumaragasang tubig sa ibaba nila.

Iyon ang gusto niya sa mga biyahe. Nasasaksihan niya ang ganda ng kalikasan, pinakakalma siya niyon, at pinararamdam sa kanya na may mas makapangyarihan pang puwersa sa mundo kaysa sa mga tao sa paligid niya.

Hindi niya namalayang nakangiti na pala siya habang nakatitig na sa papalapit na kakahuyang ilang minuto lang ay dinadaanan na ng tren paglagpas ng hangganan. Nagliliparan sa hangin ang mga ibon na tila ba nabulabog ng tren mula sa pamamahinga. Napalapit siya sa salaming bintana at bahagyang itinaas iyon nang mabuo ang hamog ng kakahuyan doon.

Pumasok sa puwesto nila ang lamig at amoy ng alimuom na dulot ng kakahuyan. Nakikita niya ang mga hayop doon na animo'y pinanonood sila. May ilang malalaking usa ang nagtatangkang humabol sa tren at sinasabayan ang pag-andar niyon.

Naisip ni Cas na nag-aaksaya lang ang mga hayop na iyon ng lakas sa paghabol sa isang bagay na nakapabilis ng galaw.

Napapikit siya sa naramdamang lamig mula sa nakabukas na bintana. Nagdadala ang hanging ng maliliit na hamog na nagdulot ng halumigmig sa parteng iyon ng tren.

"You're gonna catch a cold." Napatingin si Cas bandang likuran niya nang sumilid doon ang isang kamay at ibinaba ang bintana. Muling bumalik ang init at kasabay ng pagbaba ng bintana ang pagbagsak din ng lungkot sa mukha ni Cas na animo'y inalisan ng kinatutuwaan niya.

"We have our day offs. Instead of keeping yourself inside your room hurting yourself, I'll take you out sometime."

Napatitig si Cas sa mukha ni No. 99 dahil sa sinabi nito. Hindi niya maipaliwanag ang pakiramdam sa loob-loob niya sa mga sandaling iyon. Nananatili pa ring blangko ang mukha ng lalaki na hindi kababakasan ng kahit anong pahiwatig subalit alam niyang hindi ito nagbibitiw ng mga salitang hindi nito kayang panindigan.

Gusto talaga niyang malaman kung paano nagagawa ni Hwong Yoo-Ji na sabihin ang mga hiling niya sa kailaliman ng utak niyang minsanan lang namang umangat at magpakita ngunit nasisilayan pa rin nito, kung hindi man kusang hinuhugot mula roon.

"Hindi na 'to sakop ng tungkulin mo," paliwanag ni Cas habang nakatingin sa harapan at komportableng isinandal ang sarili sa upuan. Dahil kung abala na ang tingin niya sa sarili niya, mas abala pa si No. 99 dahil buong guild ang pinagseserbisyuhan nito. "Saka sa dami ng ginagawa mo sa guild, wala ka nang oras para sa mga ganito."

"Wala rin namang pinagkaiba kung dadalhin kita rito at pagsunod ko sa lahat ng kabaliwan mo. Alam ng buong guild kung kanino nauubos ang oras ko."

Kumunot agad ang noo ni Cas at di makapaniwalang tiningnan ang katabi. "Sinsisi mo ba 'ko?" Hindi sumagot ang lalaki kaya lalo siyang nairita. "Sinasabi ko lang kung ano dapat ang priority mo. You don't have to do unnecessary things if it wasn't your job to do in the first place. Alam kong busy ka, kaya kino-consider ko rin 'yon. Ni hindi ka nga natulog kagabi tapos gising ka pa rin hanggang ngayon."

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon