xxx. Late Night Talk

600 64 13
                                    

Ang napag-usapan ay sa silid ni Cas matutulog si Arthur, ang kaso nga lang ay nagsabi na itong mananatili na lang sa ibang kuwarto. Wala naman nang nagreklamo dahil bisita siya ng Citadel.

Nasa ikaapat na palapag din ang kuwarto na ibinigay kay Arthur kaya nang magsalubong sila sa pasilyo ni Cas na kukuha sana ng maiinom sa pantry ay pareho silang napahinto sa paglalakad.

Nahagod ni Cas ng tingin si Arthur. Nakasuot na ito ng navy blue silk nightwear, isang pares ng buttoned sleep top at pajama. Bago sa paningin niya ang damit, mukhang mamahalin. Hindi siya nagsusuot ng ganoon kamahal na seda. Napagpag tuloy niya ang suot na vintage blouse na itinatago ang maikling cotton shorts bilang pantulog niya. Ang huling silip niya sa relo ay alas-onse na ng gabi. Nagtaka tuloy siya kung bakit gising pa ito.

"Sinabi nila kanina na nagbibiro ka lang," pagbasag ni Arthur sa nakakailang na katahimikan nila.

Nanatili ang titig ni Cas sa mga mata ni Arthur. Hindi ito gaya ni Mikhail Wolfe. Mas malumanay itong makipag-usap kapag sila lang dalawa.

"Hindi ako nagbibiro. Hindi naman sa may galit ako sa 'yo. Alam kong gagamitin ka lang nila at may karapatan kang malaman 'yon."

"Nauunawaan ko naman," sagot nito. "Sinabi rin nila kung kanino ang blangkong upuan sa hapagkainan kanina. Sumama ang loob ko nang bahagya."

"Dahil sa ginawa ko?"

"Dahil masama ang pakikitungo ng iyong ama sa iyo. Naririnig ko siyang nagsasalita nang masama tungkol sa anak niya."

"Walang bago roon. Anak ako ng giyera. Walang prinsesa sa lugar na 'to."

Humugot ng hininga si Arthur at tumango na lang. "Saan ka pala tutungo?"

"Kukuha ng tubig sa pantry."

"Sabay na tayo."

Saglit pang tinantiya ni Cas ang alok nito at kalaunan ay pumayag na rin siya.

Magkasabay nilang tinahak ang mahabang pasilyo sa kalagitnaan ng gabi para lang kumuha ng tubig sa dulong bahagi ng palapag kung nasaan ang pantry. Kadalasang mga butler, Guardian, at mga maid ang pumupunta roon. Bihira ang mga Superior dahil sanay silang nag-uutos.

"Hindi nila binanggit ang tungkol sa asawa mo," biglang sabi ni Arthur habang binabagalan ang paglalakad para makasabay sa bagal ni Cas. "Ang binanggit lang niya ay hiwalay na kayo."

"Totoo rin naman."

Sinilip agad ni Arthur ang mukha ni Cas para magtanong dahil kasasabi lang nito na may asawa ito at bigla ring binawi. Matangkad na si Cas ngunit pababa pa rin ang tingin niya rito dahil hindi man lang ito umabot sa dulo ng ilong niya.

"You're divorced," paninigurado ni Arthur.

"It's too complicated. One year lang naman ang contract. Nag-expire lang."

"Last year?"

"Three years ago."

"Oh." Biglang napatango si Arthur at napaisip sa sinabi ni Cas. "And you're still together."

"He's the one taking care of me and my health."

Nagusot ang dulo ng mga labi ni Arthur at napatango. "Looks like he's a good man."

"He's one of the guild's assassins. He's No. 99."

"Oh!" Nagulat lang lalo si Arthur at biglang lumawak ang ngiti niya nang marinig ang pangalan na iyon. Natawa pa siya nang mahina kaya siya natingala ni Cas.

"May problema ka sa kanya?"

"Nothing," nakangiting sinabi ni Arthur at nang makalapit sa pinto ng pantry ay siya na ang nagbukas ng pinto niyon saka inalalayang pumasok si Cas.

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon