xxi. Heartache

690 67 13
                                    

Kinailangan ni Cas na gawin ang trabaho niya at natambakan na siya ng mga papeles sa mesa. Napakakalat na ng office table niya kaya napilitan na siyang basahin iyon at pirmahan ang dapat pirmahan. Iyon nga lang, may ibang papeles doon na kailangang halughugin ang records dahil pagkatapos sa kanya ay ifo-forward agad sa Fuhrer. At ayaw niyang masermunan ng Fuhrer dahil lang tinamad siyang mag-research.

Sa ikaapat na palapag ng kastilyo ng mga Zach, sa isang malaking record room ang inilaan para sa mga files ng nakaraang transaksyong hinawakan ng Citadel. Naroon ang mga napirmahang kasunduan, naamyendahan, binago, at orihinal na dokumentong tinatabi para kung sakaling mangailangan ng resibo ng transaksyon ay may mailalabas sila.

Hinahanap niya ang record noong nakaraang apat na taon, isang procurement papers para sa contractor na gagawa ng branch na pinapatayo nila sa Copenhagen. Naipatayo na iyon ngunit kailangang ayusin ang audit reports at siya ang nakaatas sa finance at accounting. Aayusin pa niya ang natanggap na proposal para sa expansion ng gusali at kukuwentahin pa kung magkano ang idadagdag sa babayaran.

Nakasalansan ang mga folder sa malalaking wooden shelf na mahigit isang palapag ang taas. Gagamit ng hagdan kung kailangang abutin ang tuktok, kung hindi man dadaan sa pasilyong inilaan para sa munting ikalawang palapag ng isang buong malawak na silid.

Bihira ang nakakapasok doon at tanging mga Superior lang ang maaaring magkalkal, maliban pa sa mga Decurion at Serving Guardian na doon lang nakaatas para magbantay. Hindi lahat ay nakakapasok maliban na lang kung nakatanggap ang opisina ng dokumentong nangangailangan ng nakaraang record.

Sa dami ng shelf na naroon, kahit bukas naman ang nagtatayugang bintana ay nadidiliman si Cas sa paligid. Malungkot, tahimik, ultimo yabag ng takong niya at tunog ng suot na relo ay rinig na rinig. Hindi siya naniniwala sa mga multo ngunit magkaganoon pa man ay nagdudulot talaga ang katahimikan sa record room ng kilabot sa kanya. Amoy na amoy pa naman ang mga lumang papel sa paligid kaya nakadagdag iyon sa pagkapraning niya.

Record sa hilera ng 1980s, panglimang grupo ng mga shelf, isang puting folder na lukot-lukot na ang mga kanto, nakita na rin niya ang file na kailangan niya.

Humarap siya sa isang bintanang may nakahilig na mesa para patungan ng libro at doon niya binasa nang maayos ang laman ng folder.

Sa unang pahina, naroon ang pangalan ng project at sino ang contractor. Kaparehong contractor na nasa file na nasa opisina niya. Sa sumunod na pahina ang paliwanag ng accountant sa bawat gastos, kasunod ang breakdown ng mga expenses. Inabot ng limampung libong dolyares ang gastos mula sa materyales hanggang sa mga tauhan. Siya ang kukuwenta ng gastos sa extension at ipapa-approve na lang sa Fuhrer para makapaglabas na ng tseke sa bangko upang masimulan na ang proyekto.

"Hey."

"What the f—!" Siniko niya agad ang likuran ngunit mabilis iyong nakaiwas at lumipat sa kabilang tabi niya. Abot-abot ang kaba niya habang hawak ang dibdib. "Yoo-Ji!" mahina niyang singhal dito, pilit na binababaan ang boses dahil aalingawngaw sa buong record room kung sisigaw siya.

Ang sama ng tingin niya rito. Inisip niyang kung si Joseph iyon, malamang na tawa na iyon nang tawa ngayon. Mabuti na lang at hindi si No. 99 ang tipo ng lalaking tatawanan siya dahil sa pagkagulat. Ni hindi man lang niya ito naramdaman—na sanay naman na siya dahil sa apartment pa lang niya ay nakakapasok ito kahit naka-lock iyon.

"Nagkausap na kayo ni Yusaf?" seryosong tanong nito habang nakagilid ang pagkakasandal sa kanto ng mahabang mesa kung nasaan ang binabasa ni Cas. "Hinanap kita sa opisina mo, wala ka."

Napairap tuloy ang babae at pinagpatuloy ang pagbabasa. "Ang daming procurement ngayon na nasa mesa ko. Nira-rush ko nga 'to, pipirmahan ni Lord Adolf para ipadiretso ko na sa bangko."

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon