liv. Back to Square One

602 64 11
                                    

Iniisip ng lahat na mananatiling walang laban sina Cas sa Citadel. Dahil gaya ng rason ng mga ito kaya naging Superiors, pagsuko lang ang kaya nilang gawin para patuloy na mabuhay.

Walang umaasa ng magandang umaga sa araw ng Lunes matapos mapirmahan ang kasunduan, at mananatili na lang isang normal na araw ang Martes para sa mga nag-aalmusal doon—bago pa magsalita si Cas.

Nagkasundong mabubuhay ang nasa sinapupunan ni Cas ngunit Citadel ang makikinabang. Iyon ang malinaw sa lahat. At sumang-ayon doon ang lahat dahil wala silang magagawa. Gumamit na ng kapangyarihan niya si Xerez at ginipit na silang lahat. At kakalabanin nila ang isa't isa, huwag lang ang Centurion. Dahil kapag ito ang kumilos, pare-parehas silang mamamatay nang hindi nakakalaban.

Superiors ang nagpapatakbo sa guild, ngunit Guardians ang may kontrol sa buong Citadel. Kung ama ng Citadel ang turing kay Adolf Zach dahil sa higpit nito sa pagpapatakbo ng malaki nitong pamilya; nagsisilbing ina ng Citadel ang mga namumunong Guardian, higit na si Xerez, sa mga naroon.
Nasa tungkulin ng mga Guardian ang maglingkod, protektahan at alagaan ang pinaglilingkuran, at parusahan ang mga nagkakamali kung kinakailangan. Ang pagdidisiplina ay nakaatang sa kanila, at ang pagpapalakad ay nakadepende sa mga pinaglilingkuran nila.

Hindi sipa sigurado kung kailan manganganak si Cas, ngunit sigurado sila na sa mesang iyon, balang-araw ay may mawawala.

"Babalik ka na ba sa trabaho ngayong araw, Cassandra?" tanong ng Fuhrer, ibinabalik sa dati ang malamlam na mesa nilang dati ay ubod ng ingay.

Hindi na kasingligalig gaya ng dati si Joseph Zach. Tahimik na naman ito mula noong matapos ang meeting. Ganoon din ang katahimikan nito noong unang tapak nito sa Citadel matapos iwan ang mag-ina sa labas.

Si No. 99 lang ang kaswal ang postura, animo'y hindi siya ang sumalo sa lahat ng problemang dapat ay ibabagsak kay Cas. Siya ang mawawala sa posisyon sa loob ng limang taon. Siya ang mag-isang mag-aalaga sa anak nila. Siya ang lalabas ng kastilyo kasama ang bata.

Inaasahan ng lahat na mas malala ang pagdadalamhati ni Cas nang higit pa sa pagtalikod ni Joseph Zach sa kasal nila. Ngunit iba ang umagang iyon. Seryoso ang mukha ni Cas, kumakain nang maayos, habang mababasa sa mukha niya ang pagmamadali.

"Lord Adolf, humihingi ako ng permisong mag-training sa opisina mg Fuhrer sa loob ng dalawang buwan," ani Cas habang tinatapos ang pagkain niya.

"Cassandra?" takang pagtawag ni No. 99 sa katabi.

Napahinto ang Fuhrer sa pagsubo niya sa kinakaing flan at nagtatakang tiningnan ang seryosong mukha ni Cas. At hindi lang iyon seryoso, may dedikasyon doon.

"Cas," pagtawag na rin ni Joseph dahil opisina na ng Fuhrer ang pinag-uusapan nila.

"Pagkatapos mong manganak?" tanong ng Fuhrer.

"Kung papayag kayo, kahit mamaya, magsisimula ako."

Pare-parehas silang nagulat sa biglaang desisyon ni Cas. Nagpalitan sila ng tingin, umaasang may alam ang isa sa kanila sa mga sinasabi ni Cas ngunit maging sila mismo ay nagulat sa padalos-dalos nitong desisyon.

"Pagkatapos ng dalawang buwan, magte-training ako sa Oval. Ipagpapaalam ko rin iyon kay Xerez."

Napatingin agad sila sa Centurion na nasa dulo ng hilera ng mga tagapagsilbi na nagulat din sa sinabi ni Cas.

"Cassandra, ano'ng ibig sabihin nito?" tanong ng Fuhrer dahil nalilito na siya sa umagang pasabog na iyon.

"Magtatrabaho ako para sa Citadel. Hindi ko hahayaang patayin ng Credo ang anak namin ni Yoo-Ji." Pagkatapos niyang sabihin iyon ay tumayo na siya at yumuko sa Fuhrer. "Hihintayin ko ang desisyon ninyo. Ipatawag n'yo na lang ako sa opisina, mananatili ako roon buong araw."

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon