xlviii. Teaser

660 65 38
                                    


Araw ng Sabado at kapag nasa Citadel si Joseph Zach ay itinuturing na rin iyong araw ng ingay. Para itong nakawalang bata kapag naroon at iingayin at iingayin ang lahat ng makatabi nito. Kung hindi si Cas ang dadaldalin ay si Ara naman. At kapag natapos kay Ara, lahat na ng makasalubong nitong babaeng Guardian ang kukulitin. Lalo lang umingay noong dumating si Lady Li. Parang nagkaroon ng isa pang Joseph Zach sa anyong babae.

Ang Sabado rin ay araw ng pahinga para sa ilang Guardian at Superior. Isang malaking kompanya at oganisasyon ang Citadel. Hindi naman sila araw-araw na nagtatrabaho at may kanya-kanyang schedule ang lahat kung kailan tatao sa kastilyo at kung kailan magbabakasyon. Ang Fuhrer at si Xerez lang ang nasanay sa buong araw na trabaho kaya kahit day off ay nagtatrabaho pa rin. Ngunit kaiba ang araw na iyon ng Sabado dahil himalang walang nakatambak na dokumento sa mesa ng Fuhrer kaya nakapaglakad-lakad ang dalawa sa labas ng kastilyo.

"Nasa Matriarca ba sina Yusaf?" takang tanong ng Fuhrer nang marinig ang malakas na halakhak ng anak niya mula sa malayo.

"Mukhang naroon nga sila base sa pinagmumulan ng ingay," tugon naman ni Xerez.

"Eskandaloso talaga ang batang 'yon," naiiritang sinabi ng Fuhrer at kunot-noo na lang na binalewala ang malakas na pagtawa mula sa malayo.

Naglakad-lakad pa sila at nadaanan ang maliit na bungalow sa likuran ng kastilyo. Saglit siyang napahinto sa paglalakad at tinanaw ang bahay mula sa tamang distansya na halos limampung metro din ang pagitan.

"Nililinis ba linggo-linggo ang bahay ni Yusaf?" tanong ng Fuhrer sa kasama.

"Katatapos lang linisin kahapon, milord."

Sumagap ng hangin ang Fuhrer at tumango na lang. Hindi niya makakalimutan ang araw na ipinatayo niya ang bahay na iyon para lang maging lugar na iiyakan ng anak niya dahil lang sa pagkakahiwalay sa mag-ina nito. Ngayon ay kung makahalakhak na ito ay parang hindi na makakatawa pa kinabukasan. Ang layo na nila sa Matriarca ngunit dinig pa rin niya ang malanding tawa nito.

Magpapatuloy na sana sila ni Xerez sa paglalakad nang makasalubong si No. 99 na diretso lang ang tingin sa daanan. Kagagaling lang nito sa hangganan ng Matriarca at patungo sa direksyon ng Canne drive—patawid iyon sa West at may likuan patungo sa Eastern Wales.

Nagkatinginan pa ang Fuhrer at si Xerez dahil ang alam nila ay nasa Matriarca sina Joseph at Cas, at sa mga sandaling iyon ay humahalakhak pa ang lalaki sa loob ng hardin habang ang kaibigan nito ay nagsasariling mundo na.

"Hwong Yoo-Ji!" malakas na pagtawag ng Fuhrer na ikinahinto ng lalaking nakapamulsa lang sa suot nitong cargo pants. Tumalikod ito at walang emosyong yumuko para bumati.

Sumenyas ng kamay ang Fuhrer, pinalalapit ang lalaki sa kanila.

Wala namang pagdadalawang-isip itong lumapit na tila ba inosente sa lahat ng kaganapan sa paligid niya.

Huminto ang lalaki may isang dipa ang layo sa Fuhrer. "Lord Adolf."

"Imahinasyon ko lang ba ang pagtawa ng anak ko?" tanong ng Fuhrer na tila ba naninigurado sa naririnig niya at mahahanap lang ang sagot mula sa bibig ni No. 99.

"Si Yusaf nga iyon, milord. Naaabala ba kayo?"

"Ikaw, naaabala ka ba?" nanghahamong tanong ng ginoo.

"Patungo ako sa gun range sa West. Hindi na ako maaabala kung kasama ni Yusaf si Cassandra."

Nagusot pababa ang magkabilang dulo ng labi ng Fuhrer na tila ba may naintindihan na rin sa wakas habang tumatango. "Sasama ako sa West. Wala akong magawa sa opisina ko ngayon."

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon