xlvi. Zordick-Hwong

759 69 32
                                    

Ang hiling at hinihingi ng lahat na anak kay Cassandra, sa wakas ay nabuo na. Iyon nga lang, hindi pa roon nagtatapos ang lahat.

Anak ni Joseph Zach ang inaasahan ng buong Citadel. Kaya oras na malaman nilang hindi kay Joseph ang bata, simula na ng kalbaryo nilang lahat.

Titig na titig lang si No. 99 sa mukha ni Cas habang sunod-sunod ang pagsubo nito ng mga niluto niya. Hindi na niya iniisip kung tama pa ba ang nangyayari sa kanila, basta ang mahalaga sa kanya, maalagaan ang mag-ina niya.

"Bakit ba ayaw mong kumain?" puna ni Cas nang mapansing siya lang ang kumakain sa kanilang dalawa.

"Kakain ako pagkatapos mo."

"Guardian ka ba?" naiinis na tanong ni Cas. "Kumain ka."

"Tapusin mo na lang ang pagkain mo."

Hindi na isinubo ni Cas ang isusubo na sana niyang kutsara at ibinagsak iyon sa plato. "Ayoko na, nawalan na 'ko ng gana."

"Cassandra."

Nagkrus ng braso si Cas at umirap habang tinatapos ang pagnguya sa loob ng bibig niya.

Napahimas na lang ng noo si No. 99 at sinukuan na rin si Cas. Matigas na ang ulo nito ngunit trumiple na iyon ngayon. Kung makikipagtalo siya, lalo lang sasama ang pakiramdam nito. At ayaw niyang ma-stress ito lalo dahil sa kanya. Sa wakas ay nagsandok na si No. 99 para lang mapagbigyan ang dati niyang asawa na buntis sa magiging anak nila.

Mukhang hindi na magiging epektibo ang pakikipagtalo niya rito ngayon. Kinakabahan siya sa puwede nitong gawin sa sarili.

Alas-tres ng hapon nagising si Cas, at ang hinala ni No. 99 ay napuyat ito roon sa Citadel. Ininit na lang tuloy niya ang niluto niya tatlong oras na ang nakalilipas.

"Magpapaalam ako sa Fuhrer," sabi ni No. 99 habang sinisimulan na ang pagkain niya. "Doon na ako titira sa Citadel. May budget ang opisina ko, kukunin ko ang lugar sa North Wing. Magpapagawa ako ng sarili kong medical facility para hindi na tayo nang-aabala pa sa medical ward ng Fuhrer."

Napatitig si Cas kay No. 99 dahil nagtataka siya sa plano nito. "Anong pumasok sa isip mo't magpapagawa ka ng medical facility?"

"Tapusin mo ang pagkain. Sasabihin ko kung bakit."

Umismid lang si Cas at binalikan na ang pagkain niya. Pinanood niya si No. 99 na kumain at noon lang niya napansing nakasuot ito ng vintage blouse. "Himala, hindi ka nakahubad ngayon."

Saglit na napahinto sa pagnguya si No. 99 at napatingin sa damit niya sabay balik ng tingin kay Cas. "Bakit?"

Nagkibit-balikat si Cas. "Wala naman. Hindi lang ako sanay." Ngumuso siya saglit at sumubo na naman saka tahimik na ngumuya. Tinusok-tusok niya ang kinakaing karne ng manok sa plato habang ninanamnam ang niluto ng lalaki para sa kanya.

Saglit siyang sumulyap kay No. 99 at ibabalik na sana ulit ang tingin sa plato nang maibalik na naman ang tingin sa lalaki dahil bigla itong naghubad ng pang-itaas. Biglang napatakip ng bibig si Cas bago pa maibuga ang kinakain dahil sa pagtawa.

Pag-alis niya ng kamay sa bibig. Kitang-kita ni No. 99 ang malapad na ngiti niyang pinigilan lang ang pagbungisngis gawa ng pagkagat sa ibabang labi.

Napataas tuloy ng kilay ang lalaki dahil hindi niya nakukuha ang mood ni Cas, pero mabuti na lang dahil naiintindihan niya ang ibig sabihin ng bawat timpla ng mukha at salita nito.

Hindi niya alam kung anong meron sa katawan niya maliban sa hindi sanay si Cas na wala siyang damit pang-itaas kapag naroon ito. Nalito na rin siya kung may nakakangiti ba sa pagtatanggal niya ng damit at kung ngumiti ito ay abot tainga na.

The Backup Plan (Book 13)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon